Pag-uugnay ng Ating Pambungad sa Literatura
1 Sa paghahanda ng inyong presentasyon sa buwang ito, dapat muna ninyong isaalang-alang ang mga pangunahing suliranin na napapaharap sa mga tao sa inyong teritoryo at pagkatapos ay pumili ng mga pananalita sa brochure na nagpapakita ng solusyon ng Bibliya.
2 Sa ilang mga lugar, ang mga tao ay maaaring nababahala sa kawalang trabaho at sa mataas na halaga ng pamumuhay. Kapag nasumpungan ninyo ang ganitong kalagayan, maaari ninyong banggitin ang espisipikong problema sa inyong pambungad.
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Nakikipag-usap kami sa ating mga kapitbahay kung ano ang maaaring gawin upang magkaroon ng trabaho at tirahan ang bawat isa. Sa palagay kaya ninyo’y magagawa ito ng pamahalaan ng tao? [Hayaang sumagot ang maybahay.] Mayroong makalulutas sa mga problemang ito; pansinin ang kaniyang pangako sa Isaias 65:21-23. [Basahin.] Ipinasulat ito ng ating Maylikha ukol sa ating ikatitibay, at ito’y kailangan nating lahat sa mahirap na panahong ito, hindi ba?”—rs, p. 12 (p. 11 sa Ingles).
3 Sa puntong ito ng inyong presentasyon, maaari ninyong iugnay ang materyal sa isa sa mga brochure. Kung kayo ay nag-aalok ng brochure na “Narito!”, bakit hindi ipakita kung papaano inilarawan ang ideya ng pagbabahay at trabaho para sa lahat sa harapan at likurang takip ng brochure. Maaari ninyong iladlad ito upang makita kaagad ng maybahay ang buong ilustrasyon.
4 Sa mga teritoryong iba’t iba ang ikinababahala ng mga maybahay, ang isang pambungad na madaling maibagay ay makatutulong. Maaari ninyong subukin ang ikalawang pambungad na nakalista sa aklat na Nangangatuwiran sa ilalim ng “Kaharian.”
Maaari ninyong sabihin:
◼ “Itinuro sa atin ni Jesus na idalangin ang pagdating ng Kaharian ng Diyos at maganap nawa ang kaniyang kalooban sa lupa gaya na rin sa langit. Sa palagay kaya ninyo, kung maganap na ang kalooban ng Diyos dito, ang lupa ba ay talagang magiging isang paraiso?” Pagkatapos sumagot ang maybahay, iharap at basahin ang Apocalipsis 21:3-5.
Pagkatapos, kung ang alok ninyo ay ang brochure na Pamahalaan, basahin ang ilang pangungusap sa unang parapo sa pahina 3. Pansinin ang pananalitang: “Sa pamamagitan ng Kaharian, malapit nang tapusin ng Diyos ang lahat ng digmaan, gutom, sakit, at krimen.” Tanungin ang maybahay kung alin sa palagay niya sa mga problemang ito ang pinakamalubha.
5 Maihaharap din ng mga kabataan nang mabisa ang pabalita ng Kaharian maging sa mga matatanda.
Sa paghaharap ng Isaias 65:21-23, maaaring sabihin ng mamamahayag na kabataan:
◼ “Nalalaman kong kayo ay may higit na karanasan sa buhay kaysa akin, subalit ang kasulatang ito ay makakaaliw sa ating lahat.”
6 Tiyaking mag-ingat na mabuti ng talaan ng mga nailagay na babasahin, lakip na ang espisipikong brochure o magasin. Kakailanganin ninyo ang impormasyong ito sa inyong pagbabalik upang linangin ang interes.