Mga Kabataan—Maging Bihasa sa Pag-ugit sa Inyong mga Hakbang
1 Ang ating Ama, si Jehova, ay may personal na interes sa espirituwal na pagsulong ng mga kabataan. Sa pamamagitan ng may katalinuhang pakikinig sa kaniyang maibiging mga utos, hinahayaan ng mga kabataan si Jehova na maglaan ng dalubhasang patnubay sa kanilang mga hakbang.—Kaw. 16:9.
2 Si Kristo-Jesus ay naglaan ng halimbawa noong kaniyang kabataan bilang isa na nagtamo ng pagsang-ayon ng Diyos at ng mga tao. (Luc. 2:52) Sa edad na 12, si Jesus ay nakilala sa kaniyang pagnanais na makipag-usap sa iba tungkol kay Jehova. (Luc. 2:46, 47) Ang mga kabataan sa ngayon ay nagpakita ng gayunding pagnanais na ipaliwanag ang kaniyang pananampalataya sa iba.—w90 7/1 p. 29-30; w87 12/1 p. 21.
3 Ano ngayon ang magagawa ninyo mga kabataan upang “parangalan si Jehova ng inyong mahahalagang tinatangkilik”? (Kaw. 3:9) Bakit hindi pasulungin ang panahon na kadalasan ninyong ginagamit sa gawaing pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita, kahit na kaypala’y sa pagiging isang auxiliary payunir? Ito’y magbibigay sa inyo ng pagkakataong gumawa sa paglilingkod sa larangan kasama ng lalong maraming iba’t ibang mamamahayag. Maaari kayong makapagsimula kaagad ngayon sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa isa o dalawang may karanasang mamamahayag na gumawang kasama ninyo sa dulong sanlinggong ito.
4 Ang mga magulang ay maaaring magbigay ng napakalaking pampatibay-loob at tulong sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng paggamit ng sesyon ng pagsasanay bukod pa sa pagsasama sa kanila sa ministeryo. Ang iba pang maygulang sa kongregasyon ay maaaring manguna sa pamamagitan ng paghiling sa kabataan na sumama sa kanila sa ministeryo sa bahay-bahay at sa pagdalaw muli at pag-aaral sa Bibliya. Ang malapit na pakikipagsamahan sa gayong malalakas ang espirituwalidad na mga mamamahayag ay makapagpapatibay sa mga kabataan at makatutulong sa kanila na “sumulong tungo sa pagkamaygulang.”—Heb. 6:1.
5 Kayo bang mga kabataan ay lubusang naghahanda sa mga atas na pribilehiyo ninyong ibigay sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Mayroon ba kayong regular na eskedyul sa pagbabasa at personal na pag-aaral at gayundin sa pagbubulaybulay? Kayo ba’y naghahandang mabuti para sa mga pulong upang lubusan ninyong maunawaan ang materyal at maging handa sa pagbibigay ng mga komento? Itinatala ba ninyo ang nakatutulong na mga puntong ipinahahayag sa mga pulong at sinisikap bang gamitin ang mga mungkahing ibinibigay sa Ating Ministeryo sa Kaharian?
6 Huwag ninyong palampasin ang pagkakataong makibahagi sa paglilinis ng Kingdom Hall at tumulong sa matatanda at may kapansanang mga kapatid na lalake at babae sa mga gawain o sa iba pang mga praktikal na paraan. Huwag kaliligtaan na gawin ang inyong sariling regular na pag-aabuloy upang makatulong sa kagastusan sa pangangalaga sa Kingdom Hall at sa pambuong daigdig na gawain ng Samahan.
7 Kung tayo’y ‘laging nagbabantay ayon sa salita ni Jehova’ at pinahihintulutan natin siya na pumatnubay sa ating mga hakbang, aakayin niya tayo tungo sa kaligayahan at sa higit pang mga pribilehiyo ng paglilingkod.—Awit 119:9.