Bumalik Kung Saan Kayo Nakasumpong ng Interes
1 Mahalaga na tayo’y bumalik kung saan nakapaglagay ng mga magasin at brochure at sikaping pukawin ang higit pang interes. Ang ating tagumpay sa paggawa nito ay depende sa kung papaano tayo naghahandang mabuti bago natin gawin ang pagdalaw muli.
2 Tandaan na ang karamihang kabataan ay interesado sa mga bagay na ikinababahala rin ng mga matatanda. Ang mga isyu ng Gumising! sa Mayo ay sumusuri sa kasalukuyang mga problema mula sa pangmalas ng mga kabataan. Ang mga artikulo ay makatutulong sa mga kabataan at sa kanilang mga magulang na mapahalagahan kung ano talaga ang kailangan sa buhay.
3 Kung kayo ay nakapaglagay ng Mayo 8 ng “Gumising!,” maaaring isaplano ninyong subaybayan ito sa pamamagitan ng pag-aalok ng isyu ng Mayo 22. Maaari ninyong sabihin:
◼ “Ang huling isyu na iniwan ko ay tumatalakay sa paksa hinggil sa pag-asa ng mga bata. Ang mga kabataan sa ngayon ay nakadarama na may kakaunti lamang pag-asa sa kinabukasan. Marami sa kanila ang nagpapakita ng sama-ng-loob sa pamamagitan ng mapanghimagsik na paggawi. Subalit ang ilan ay nagtataguyod ng matataas na simulain. Ang artikulong ito ng pinakabagong Gumising! ay nagpapaliwanag kung papaano itinaguyod ng mataas na hukuman ang paninindigan ng isang tin-edyer. Sa palagay ko’y magugustuhan ninyo ang sasabihin nito.”
4 Maaaring ipasiya ninyong ialok ang isang brochure na ginagamit ang ganitong paglapit:
◼ “Nasiyahan ako sa ating nakaraang pag-uusap hinggil sa kinabukasan ng lupang ito. [Ipakita ang larawan sa pahina 31 ng brochure na Ano ang Layunin ng Buhay—Papaano Mo Masusumpungan?] Pansinin ang mga talatang ito sa Bibliya sa pahina 29 at 30 na naglalarawan sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. [Pumili ng isang kasulatan, at basahin ito mula sa brochure.] Nais kong iwan ito sa inyo.”
5 Sa inyong pagbabalik, marahil ay nabatid ninyong ang maybahay ay mayroon ng sariling babasahin sa relihiyon at sa palagay niya’y sapat na iyon. Maaari ninyong sabihin:
◼ “Anuman ang ating relihiyon, tayong lahat ay apektado ng krimen, malulubhang karamdaman, at pagkabahala sa kapaligiran, hindi ba? [Hayaang magkomento.] Sa palagay ba ninyo’y may tunay na solusyon sa mga suliraning ito? [Basahin ang 2 Pedro 3:13.] Ang layunin ng aming literatura ay isinasaad sa pahina 2 ng Ang Bantayan. [Basahin ang isa o dalawang piniling pangungusap.] Maraming tao na hindi naman mga Saksi ni Jehova ang nasisiyahang magbasa ng aming mga publikasyon dahilan sa maaasahang mensahe na taglay nito salig sa Bibliya.”
6 Maaari ninyong gamitin ang ganitong paglapit:
◼ “Noong huling pagpunta ko rito, ating napag-usapan ang tungkol sa pag-asa ng ating daigdig sa hinaharap. Ano ang masasabi ninyo sa ulat na ito? [Banggitin ang ilang kasalukuyang malaganap na balita.] Kapag naririnig ito ng mga tao, sila’y nag-iisip kung saan patungo ang daigdig na ito, hindi ba? Kami’y naniniwala na ang gayong mga bagay ay palatandaan na tayo’y nabubuhay sa ‘mga huling araw’ na inihula ng Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-5.” Magpatuloy sa pagtalakay sa isa sa mga sub-titulo sa mga pahina 169-73 (p. 234-8 sa Ingles) sa aklat na Nangangatuwiran.
7 Kung tayo’y naghahandang mabuti at nagpapakita ng tunay na pagnanais na makatulong, makapagtitiwala tayo na makikinig ang tapat-pusong mga tao.—Juan 10:27, 28.