Tanong
◼ Ano ang maaaring gawin kapag iginigiit ng maybahay na hindi na dapat dumalaw pa uli ang mga Saksi ni Jehova sa tahanang iyon?
Kung may pahiwatig sa pintuan na tiyakang nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova, dapat nating igalang ang kanilang kagustuhan at iwasan ang pagkatok.
Kung minsan maaari tayong makakita ng pahiwatig na nagbabawal sa mga ahente o sa mga nangingilak ng salapi. Yamang tayo ay gumagawa ng relihiyosong gawain ng pagkakawanggawa, iyon ay hindi kumakapit sa atin. Magiging angkop na magpatuloy at kumatok sa gayong mga pintuan. Kung tumutol ang maybahay, maaaring mataktika nating ipaliwanag kung bakit sa palagay natin ay hindi kapit sa atin ang gayong pahiwatig. Kung liwanagin ng maybahay na ang gayong pagbabawal ay sumasaklaw sa mga Saksi ni Jehova, ating igagalang ang kaniyang kagustuhan.
Kapag tayo ay gumagawa sa teritoryo, maaaring magalit ang maybahay at igiit na huwag na tayong magbabalik pa. Kung tanggihan niya ang paliwanag sa bagay na iyon, dapat tayong sumunod sa kahilingang iyon. Isang pinetsahang nota ang dapat ilagay sa sobre ng teritoryo upang ang mga mamamahayag na gagawa sa teritoryong iyon sa hinaharap ay makaiiwas sa pagdalaw sa tahanang iyon.
Gayunpaman, dapat nating tandaan na ang gayong mga tahanan ay hindi dapat iwasan sa habang panahon. Ang kasalukuyang naninirahan ay maaaring umalis doon. Maaaring masumpungan natin ang ibang miyembro ng pamilya na makikinig. May posibilidad rin na ang maybahay na ating nakausap ay magbago at magnais na tayo’y dumalaw muli. Kaya pagkatapos ng ilang panahon dapat tayong magtanong hinggil sa nakatira doon upang matiyak kung ano ang kanilang damdamin sa kasalukuyan.
Ang salansan ng teritoryo ay dapat na repasuhin minsan sa isang taon, na itinatala ang mga tahanan na humiling sa atin na huwag silang dalawin. Sa ilalim ng direksiyon ng tagapangasiwa sa paglilingkod, ang ilang makaranasang mamamahayag ay maaaring atasan na dumalaw sa mga tahanang ito. Maaari nilang sabihin na tayo’y dumadalaw upang alamin kung ang dating maybahay ang nakatira doon. Kung may makatuwirang pagtugon, ang panghinaharap na mga pagdalaw ay maaaring gawin sa karaniwang paraan. Kung ang maybahay ay salangsang pa rin, walang susunod na pagdalaw na gagawin doon hanggang sa susunod na taon.