Paglinang sa Interes sa mga Pagdalaw-Muli
1 Ang ministeryo ay itinutulad sa pagsasaka, at ang paggawa ng mga pagdalaw-muli ay itinutulad sa paglinang at pagdidilig. (Mat. 13:23; Luc. 10:2; 2 Cor. 9:10) Bilang “mga kamanggagawa ng Diyos,” taglay natin ang obligasyong tulungan ang alinmang bagong tumutubong binhi upang lumaki sa pagkamaygulang at maging mabunga. (1 Cor. 3:6, 9) Papaano natin maisasagawa ito sa pinakamabuting paraan?
2 Maging maagap sa paggawa ng mga pagdalaw-muli. Repasuhin ang inyong house-to-house record, at pagpasiyahan kung ano ang tatalakayin, batay sa inyong pinag-usapan sa unang pagdalaw. Mabuti na laging gumamit ng Bibliya, na kinikilala ang kapangyarihan nito sa pag-abot ng puso.—Heb. 4:12.
3 Kung ang inyong iniwan ay ang brochure na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?,” maaari kayong magpasimula sa pagsasabi ng gaya nito:
◼ “Maraming tao ang naniniwala na wawasakin ng Diyos ang lupa, samantalang ang iba ay natatakot na ang tao mismo ang gagawa nito. Ano sa palagay ninyo? [Hayaang sumagot.] Sinasabi sa atin ng Bibliya na sa halip na wasakin ang lupa, lilinisin ito ng Diyos mula sa kasamaan, na ginagawa ito na isang dako ng kapayapaan at katiwasayan.” Bumaling sa pahina 22, at basahin ang Kawikaan 2:21, 22, na sinipi doon. Ipaliwanag ang kaayusan para sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
4 Kung ang nailagay ninyo ay brochure na “Narito!,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa nakaraang kong pagdalaw, ating binasa ang tungkol sa layunin ng Diyos na gawing bago ang lahat ng mga bagay. Tayo at ang ating mga minamahal ay maaaring magtamasa ng pagpapalang ito sa pamamagitan ng pagkaalam pa nang higit hinggil sa kalooban ng Diyos at kung papaano ikakapit ito sa ating buhay.” Basahin ang Juan 17:3, at pagkatapos ay bumaling sa mga parapo 52 at 53 sa pahina 27.
5 Sa pagsubaybay sa nailagay na brochure na “Layunin ng Buhay” sa isang taong relihiyoso, maaari ninyong masumpungang angkop na sabihin:
◼ “Malamang na ang Ama Namin ay maraming beses na ninyong inulit. Ano ang pumapasok sa inyong isip kapag hinihiling ninyong dumating nawa ang Kaharian ng Diyos?” Pagkatapos sumagot ang maybahay, bumaling sa mga parapo 8 at 9 sa pahina 26, at pagkatapos ay basahin ang Daniel 2:44. Ipaliwanag na ang pagdating ng Kaharian ng Diyos ay mangangahulugan ng katapusan ng kabalakyutan at pagdurusa.
6 Tandaan na ang pagdalaw-muli ay maaaring gawin sa sinumang nagnanais na makinig, napaglagyan man ng babasahin o hindi. Sikaping mag-eskedyul ng ilang panahon bawat linggo sa paggawa ng mga pagdalaw-muli. Pagpalain nawa ni Jehova ang inyong pagsisikap na makapagluwal ng mga bunga ukol sa kaniyang kapurihan.—Juan 15:8.