Magsagawa ng Pagdalaw-Muli Para sa Mabungang Ministeryo
1 Pinuri ni apostol Pablo ang mga taga-Filipos sapagkat ‘muli nilang binuhay ang kanilang pag-iisip alang-alang sa kaniya.’ (Fil. 4:10) Kung ating ikakapit ang kanilang halimbawa sa ministeryo sa larangan, ‘muli nating bubuhayin ang ating pag-iisip’ alang-alang doon sa mga napangaralan natin at mauudyukan tayong gumawa ng pagdalaw-muli.
2 Kung nakapaglagay ka ng brosyur na “Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso,” maaari mong sabihin ang ganito:
◼ “Naalaala ko ang ating pag-uusap noong isang araw. Kung natatandaan mo ay napag-usapan natin ang tungkol sa kung ang Diyos na ang hahawak ng pamamahala sa lupa. Sa Bibliya, ipinangako ng Diyos na Jehova na ito’y magaganap. [Basahin ang Daniel 2:44.] Naniniwala ka bang talagang mangyayari iyan? [Hayaang sumagot.] Pakinggan mo ang sinasabi ng Diyos tungkol sa pagsasakatuparan ng kaniyang mga pangako. [Basahin ang Isaias 55:11.] Pero kailan nga kaya tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako?” Ipaliwanag na sasagutin mo ang tanong na iyan sa iyong muling pagdalaw.
3 Maaaring ganito ang gawin mong paglapit kapag gumagawa ng pagdalaw-muli sa isang tao na kumuha ng brosyur na “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal”:
◼ “Sinikap kong makadalaw-muli dahil sa ating naging pag-uusap tungkol sa pangungulila sa isang namatay.” Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 30 habang sinasabi ito: “Naaalaala mo ba ang maligayang tagpong ito ng mga taong binuhay-muli at nakasamang-muli ng kanilang mga mahal sa buhay? Tinanong kita kung saan ito magaganap, kung sa langit o sa lupa. Marahil ay nasumpungan mo ang sagot ng Bibliya sa pahina 26 ng brosyur na ito.” Talakayin ang mga pangunahing punto sa ikatlo hanggang ikalimang parapo, at basahin ang Juan 5:21, 28, 29.
4 Napasimulan mo ba ang isang pag-aaral sa “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”? Sa pagdalaw-muli, maaari mong gawin ito:
◼ Ipakita muli ang pahina 30, at ituro ang tanong: “Sa paano natatangi ang Bibliya?” Buklatin ang pahina 3 at 4, at repasuhin ang parapo 1-4 gayundin ang ilustrasyon sa pabalat. Bumasa ng isa o dalawang kasulatan na nasa talababa sa parapo 4. Ipaliwanag na ang Bibliya lamang ang tanging aklat na nag-aalok ng ganitong kahanga-hangang pag-asa. Isaayos ang susunod mong pagdalaw.
5 Maaari mong ipagpatuloy ang pag-uusap sa “Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman” sa ganitong paraan:
◼ “Noong nakaraan, ipinakita ko sa iyo ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Ang pagkaalam at paggamit ng pangalan ni Jehova ay isang napakahalagang bahagi ng ating pagsamba.” Buklatin ang pahina 31, repasuhin ang mga punto sa huling apat na parapo, at basahin ang Juan 17:3 at Mikas 4:5. Ipaliwanag ang ating programa sa pag-aaral ng Bibliya.
6 Kaya nga, muli mong buhayin ang iyong pag-iisip alang-alang sa iyong mga nakausap na. Piliting makadalaw-muli, at maghanda ng kapaki-pakinabang na bagay na maibabahagi. Maaaring maging isa ka “na talagang nagbubunga” sa paggawa ng mga bagong alagad.—Mat. 13:23.