Kailangan ang Mabisang Pagtuturo sa Matagumpay na Pagdalaw-Muli
1 Bakit dapat nating sikaping mabalikan ang mga interesadong tao? Naipakikilala ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng paggawang ito ng mga alagad, at natutulungan ang mga may-takot sa Diyos tungo sa daan ng buhay. (2 Cor. 2:17–3:3) Ang pagkaalam nito ay dapat mag-udyok sa atin na maghandang mabuti bago bumalik.
2 Ang isang mahusay na guro ay tutulong sa estudyante na patuloy na magtayo sa pundasyong nakalatag na. Kung papaanong ang isang guro sa paaralan ay araw-araw na nagdaragdag sa kaalamang nakukuha ng mga estudyante, karaniwan nang dapat nating sundan ang unang pagdalaw ng dagdag pang pagtalakay sa paksa ring iyon.
3 Kapag bumalik ka pagkatapos makapaglagay ng brosyur na “Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?” masusumpungan mong mabisa ito:
◼ “Noong nakaraang pagdalaw ko, pinag-usapan natin ang ‘mga huling araw.’ Marahil ay magtataka kayo kung papaano namin nalaman na tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw. (2 Tim. 3:1) Nasabik ding malaman ito noon ng mga alagad ni Jesus. [Basahin ang Mateo 24:3.] Bilang sagot, inilarawan ni Jesus ang mga kalagayan na ating nakikita sa ngayon.” Ipakita ang pagkakakilanlan ng tanda na tinalakay sa parapo 3 at 4 sa pahina 19. Kapag sumang-ayon, magpatuloy sa parapo 5-8 sa pahina 20. Sabihing babalik ka at sasagutin ang mga tanong na ibinangon sa unahan ng brosyur.
4 Upang masubaybayan ang interes sa brosyur na “Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan?” maaari mong sabihin:
◼ “Sabik na sabik na akong maipagpatuloy ang ating pag-uusap tungkol sa layunin ng ating buhay. Tiyak na pareho tayong sasang-ayon na nilayon ng Diyos na tayo’y mabuhay sa isang maligaya at mapayapang kalagayan sa halip na sa kalagayang dinaranas natin ngayon. Sa palagay mo kaya’y tutuparin niya ang kaniyang pangako?” Hayaang sumagot. Basahin ang Isaias 55:11, at saka talakayin ang parapo 25 hanggang 27 sa pahina 30. Imungkahi ang isang personal na pag-aaral ng Bibliya bilang siyang pinakamabuting paraan upang masumpungan ang tunay na layunin ng buhay.
5 Upang masubaybayan ang ipinakitang interes noon sa brosyur na “Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!” maaari mong ipakita itong muli at sabihin:
◼ “Pinag-usapan natin noon ang tungkol sa isang magandang sanlibutan na inilarawan sa brosyur na ito; ibig kong sabihin sa iyo kung bakit napakahalaga ng pananampalataya kay Jesu-Kristo para sa mga taong nagnanais manirahan doon.” Buksan sa larawan 41, at basahin ang Isaias 9:6. Tunghayan ang larawan 62, at basahin ang Juan 3:16, na idinidiin ang pangangailangang maging masunurin. Ipaliwanag na tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na sumampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagsisikap na mamuhay ayon doon.
6 Pagkatapos ng bawat pagdalaw-muli, tanungin ang iyong sarili: Nasa isip ko ba ang isang tiyak na paksa para sabihin? Itinuon ko ba ang pansin sa Bibliya? Ako ba’y nagtatag mula sa pundasyong inilatag sa unang pagdalaw? Ang akin bang presentasyon ay dinisenyo upang umakay sa pag-aaral ng Bibliya? Ang positibong mga sagot ay tumitiyak na ikaw nga ay nagsisikap na maging isang mahusay na guro ng Salita ng Diyos.