Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
1 Bakit dapat nating ipangaral ang mabuting balita nang walang tigil? Ano ang mga kahilingan sa pagiging isang mangangaral ng mabuting balita? Papaanong kahit na ang mga mahiyain o mga umid ay makakukuha ng unang hakbang upang ibahagi ang mabuting balita sa iba? Ang mga ito at iba pang pumupukaw-kaisipang mga katanungan ay sasagutin sa programa ng pantanging araw ng asamblea pasimula sa Marso, na may temang “Kuwalipikado Bilang mga Ministro ng Mabuting Balita.”—2 Cor. 3:5.
2 Nakapagpapatibay na mga karanasan ang ibibigay ng mga kabataan na maglalahad kung papaano nila napaglabanan ang panggigipit ng mga kababata nila. Ang mga magulang ay bibigyan ng maibiging pampatibay-loob hinggil sa pangangailangang sanayin ang kanilang mga anak bilang mga ministro ng Diyos. Tayong lahat ay matutulungang pahalagahan ang pangangailangang mangaral, na may pagpapala sa ating sarili at sa mga makikinig sa atin.—1 Tim. 4:16.
3 Tunay na ang bautismo ay magiging isang tampok na bahagi sa araw na iyon. Ang sinumang nagnanais magpabautismo sa pantanging araw ng asamblea ay dapat magsabi nang patiuna sa punong tagapangasiwa upang magkaroon siya ng sapat na panahon para maisaayos na repasuhin ng mga matatanda ang itinakdang mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo.
4 Isa pang tampok na bahagi ay ang prinsipal na pahayag ng isang panauhing tagapagsalita. Ito’y pinamagatang “Kuwalipikado at Nasasangkapan Bilang mga Ministro ng Diyos.” Apat na pangunahing probisyon na nagsasangkap sa atin bilang mga ministro ang tatalakayin, at ang pahayag ay maglalakip ng nakapagpapatibay-pananampalatayang mga karanasan.
5 Magplano na ngayon na madaluhan ang buong programa. Tiyaking anyayahan ang mga taong interesado at mga estudyante sa Bibliya upang sila’y makinabang din mula sa araw na ito ng teokratikong edukasyon. Sa ganitong paraan ay ating matitiyak na tayo’y “lubusang kuwalipikado” bilang mga ministro ng mabuting balita.