Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
“Gawin ang Lahat ng Bagay Alang-alang sa Mabuting Balita” ang tema ng bagong programa ng pantanging araw ng asamblea pasimula sa Pebrero. (1 Cor. 9:23) Ang mabuting balita ng Kaharian ang siyang pinakamahalagang balitang naririnig ngayon. Ang programa ay tutulong sa atin na mapahalagahan ang walang-katulad na pribilehiyong taglay natin bilang mga tagapagdala ng kamangha-manghang balitang ito. Palalakasin din nito ang ating loob upang patuloy na maghayag ng mabuting balita nang walang-humpay.—Gawa 5:42.
Ang programa ay magpapakita sa atin kung paano gagamitin nang lubusan ang ating teokratikong pagsasanay upang ang pinakamalaki ay maisakatuparan natin sa ating ministeryo. Maririnig natin ang ilan na gumawa ng mga pagbabago upang palawakin ang kanilang paglilingkuran, lakip na ang mga kabataan na nagsasagawa ng buong makakaya nila upang mapalawak ang mabuting balita.—Ihambing ang Filipos 2:22.
Ang pangunahing pahayag, na bibigkasin ng isang panauhing tagapagsalita, ay magdiriin sa pangangailangang manatili tayong “karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mabuting balita.” (1 Tes. 2:4) Tutulungan tayong makita na upang mapanatili natin ang pribilehiyong magdala ng mabuting balita sa iba, kailangang tayo’y patuloy na makatugon sa mga kahilingan at mga pamantayan ng Diyos sa ating pag-iisip at paggawi. Ang mga pagpapalang ating natatanggap sa pagsasagawa ng kaloobang ito ay itatampok din.
Huwag kaliligtaan ang mahalagang programang ito. Ang mga bagong nag-alay na nagnanais magpabautismo sa pantanging araw ng asambleang ito ay dapat na magsabi kaagad sa punong tagapangasiwa. Anyayahan ang lahat ng mga tinuturuan ninyo na dumalo. Hayaan nating palakasin tayo ni Jehova na gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita upang maisakatuparan ang pinakadakilang gawain sa panig na ito ng Armagedon.