Paghandaan at Tamasahin ang mga Pulong ng Kongregasyon
1 Bilang isang samahan ng mga magkakapatid, may katalinuhan tayong nagtitipon para sa ating lingguhang mga pulong. (1 Tim. 4:15, 16) Papaano tayo magtatamasa at magtatamo ng pinakamalaking kapakinabangan mula sa mga ito?
2 Dapat na palagiang maglaan ng panahon upang paghandaan ang mga pulong. Gaano mang kaabala tayo, isang katalinuhang humanap ng ilang panahon para maghanda sa mga pulong. Ang paghahandang magkakasama bilang isang pamilya ay lalo nang kapaki-pakinabang.—Efe. 5:15, 16.
3 Para sa Teokratikong Paaralan sa Pagmiministro: Pagsikapang sumubaybay sa eskedyul ng lingguhang pagbabasa ng Bibliya. (Jos. 1:8) Repasuhin ang materyal na sasaklawin, at dalhin ang kinakailangang mga publikasyon upang masubaybayan ninyo ang mga tagapagsalita.
4 Para sa Pulong Ukol sa Paglilingkod: Tingnan ang nakabalangkas na programa sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Basahin ang mga artikulo na tatalakayin. Kung ang materyal mula sa isang artikulo ng Bantayan ay isasaalang-alang, tingnan at basahin din ito. Kung may itatanghal na mga presentasyon sa paglilingkod, repasuhin ang mga ito nang patiuna upang kayo’y maging handa sa paggamit ng mga ito sa inyong ministeryo.
5 Para sa Pag-aaral ng Bantayan: Patiunang basahin ang leksiyon, na binibigyang pansin ang mga sagot sa mga katanungan. Tingnan ang binabanggit na mga kasulatan. Bulay-bulayin kung papaanong umaakma ang leksiyon sa dati na ninyong alam. Maghanda ng maiikling komento sa isa o dalawang parapo man lamang. Ito’y isang mahalagang paraan upang gumawa ng “pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa.”—Heb. 10:23.
6 Para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat: Una, suriin ang materyal; isaalang-alang ang pamagat ng kabanata at mga sub-titulo. Pansinin ang mga susing idea. Repasuhin ang umaalalay na mga talata ng Bibliya. Subuking sagutin ang mga katanungan sa inyong sariling pananalita. Pagkatapos ay repasuhin ang leksiyon sa inyong isipan.—2 Tim. 2:15.
7 Tamasahin ang mga Pulong: Upang tamasahin ang mga pulong nang lubusan, mahalaga na laging nasa oras upang makabahagi sa pambukas na awit at panalangin, na hinihiling ang espiritu ni Jehova. Kung wala kayong inaalagaang maliliit na bata, marahil ay pinakamabuting maupo kayo sa unahan ng bulwagan kung saan kakaunti lamang ang mga pagkagambala. Ang mga magulang na may maliliit na anak na kaypala’y kakailanganing ilabas sa panahon ng pulong ay makababawas sa pagkagambala sa pamamagitan ng pag-upo na kalapit ng pasilyo sa dakong hulihan.
8 Sikaping magpahinga ng kaunti bago kayo dumalo upang makapanatili kayong gising at alisto. Ang paghahanap sa binasang mga kasulatan ay makatutulong sa inyo upang matandaan ang inyong napapakinggan. Ipakipag-usap ninyo sa inyong pamilya at mga kaibigan ang inyong natutuhan. Ang pagkakapit sa mga mungkahing ito ay magpapangyaring higit na maging kasiyasiya ang mga pulong, at ang mga ito ay tunay na ‘mag-uudyok [sa atin] sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’—Heb. 10:24, 25.