Nasubukan Mo Na Ba ang Pagpapatotoo sa Gabi?
1 Tayong lahat ay nakasusumpong ng kasiyahan sa pagiging mabunga ng ating gawain. Sa kabilang panig, kapag hindi tayo nakakakita ng positibong mga resulta, ang gawain ay nakapapagod at di kasiya-siya. (Ihambing ang Eclesiastes 3:10-13.) Maaari nating ikapit ang simulaing ito sa ating gawaing pangangaral. Nalalaman natin mula sa karanasan na kapag tayo ay nagbabahay-bahay at nakakausap ang mga tao hinggil sa Bibliya, tayo ay umuuwi taglay ang espirituwal na kaginhawahan. Nadarama nating talagang mayroon tayong naisakatuparan.
2 Sa ilang lugar ay nagiging lubhang mahirap na masumpungan ang mga tao sa tahanan sa umaga at sa hapon. Hinarap ng maraming kongregasyon ang suliraning ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga kaayusan sa pagpapatotoo sa gabi, at sila’y nagkaroon ng mabuting tagumpay. Ang mga mamamahayag ay nag-ulat na kapag sila’y dumadalaw sa bandang gabi, mas maraming tao ang nasa tahanan at ang mga tao ay higit na panatag at higit na nahihilig makinig sa mensahe ng Kaharian. Nasubukan na ba ninyo ang pagpapatotoo sa gabi sa inyong teritoryo?—Ihambing ang Marcos 1:32-34.
3 Ang Matatanda ay Nag-oorganisa ng Pagpapatotoo sa Gabi: Sa ilang lugar ang mga pagtitipon bago maglingkod sa bandang pagtatakip-silim o sa pagsisimula ng gabi ay sinusuportahang mabuti ng mga kabataang mamamahayag kapag sila’y lumalabas sa paaralan at ng mga adulto na nakatapos na ng kanilang sekular na trabaho sa oras na iyon. Ang ilang mamamahayag na hindi makakabahagi sa mga dulong sanlinggo ay nakasumpong na ang pagpapatotoo sa gabi sa mga simpleng araw ay isang praktikal na paraan para sila ay magkaroon ng regular na bahagi sa gawaing pangangaral.
4 May iba’t ibang gawain na maaari ninyong bahaginan sa pagpapatotoo sa gabi. Maaari kayong magpatotoo sa bahay-bahay sa pamamagitan ng magasin o gumamit ng alok na literatura para sa buwan. Ang gabi ay isang mainam na panahon upang dalawin ang mga tao na wala sa tahanan noong unang dumalaw ang mga mamamahayag nang araw na iyon o sa mga dulong sanlinggo. Maaaring mayroon ding mabuting teritoryo para sa pagpapatotoo sa lansangan, na nagpapangyaring matagpuan ninyo ang mga taong umuuwi mula sa trabaho. Nasumpungan ng marami na ang gabi ay napakabuting panahon upang gumawa ng mga pagdalaw-muli.
5 Maging Maingat at Matalino: Ang paglabas sa pagkagat ng dilim ay maaaring maging mapanganib sa ilang lugar. Magiging katalinuhan na lumakad nang dala-dalawa o grupo-grupo sa mga lansangang naiilawang mabuti at dumalaw lamang sa mga tahanan doon sa ligtas na mga lugar. Kapag kayo ay kumakatok sa pintuan, tumayo sa dakong doo’y makikita kayo, at magpakilalang mabuti. Maging maunawain. Kapag napansin ninyo na kayo’y dumalaw sa di angkop na panahon, gaya ng kapag kumakain ang pamilya, sabihing kayo’y dadalaw na lamang sa ibang panahon. Kadalasang napakabuting magpatotoo sa mga oras na maaga pa sa gabi, sa halip na gumawa ng mga pagdalaw kapag masyadong gabi na, anupat naghahanda na ang mga maybahay para matulog.
6 Makatitiyak tayo na, habang nag-uukol tayo sa Diyos ng “sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi,” walang pagsalang pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap.—Apoc. 7:15.