Maaari Ka Bang Makibahagi sa Pagpapatotoo sa Gabi?
1. Ayon sa isang iskolar, kailan nangaral si apostol Pablo sa bahay-bahay?
1 Ayon sa aklat na Daily Life in Bible Times, karaniwan nang nagbabahay-bahay si apostol Pablo ‘simula alas 4 n.h. hanggang sa kalaliman ng gabi.’ Hindi natin tiyak kung ito nga ba talaga ang iskedyul ni Pablo, ngunit alam natin na handa niyang ‘gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita.’ (1 Cor. 9:19-23) Malamang na inayos niya ang kaniyang iskedyul para makapagbahay-bahay siya sa panahong maraming makakausap.
2. Bakit magandang makibahagi sa ministeryo sa gabi?
2 Sa maraming lugar, karaniwan nang sa umaga nagbabahay-bahay ang mga mamamahayag. Pero ito pa rin ba ang pinakamagandang panahon sa inyong lugar? Sabi ng isang payunir tungkol sa kaniyang teritoryo: “Halos walang tao sa bahay kung araw. Pero karaniwan nang nasa bahay sila sa gabi.” Maaaring ang pagpapatotoo sa gabi ang pinakamagandang pagkakataon para makausap, partikular na ang mga lalaki, hinggil sa mabuting balita. Kadalasan nang mas relaks at handang makipag-usap ang mga may-bahay. Kung kapaki-pakinabang na gawin ito, dapat magsaayos ang mga elder ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa gabi.
3. Paano tayo magiging makatuwiran kapag nagpapatotoo sa gabi?
3 Maging Makatuwiran: Kapag nagpapatotoo sa gabi, mahalagang maging makatuwiran. Halimbawa, kapag natagpuan mo ang isang tao sa alanganing oras, gaya kung naghahapunan siya, makabubuting sabihin na babalik ka na lang. Kapag madilim, tumayo sa lugar na madali kang makikita, at magpakilala agad at sabihin ang iyong layunin. Matalino ring magpatotoo nang dala-dalawa o kasama ng grupo, at gumawa lamang sa maliliwanag na lugar nang hindi hiwalay sa grupo. Huwag dumalaw kapag gabing-gabi na anupat baka makaabala sa mga may-bahay na naghahanda nang matulog. (2 Cor. 6:3) Kung delikado sa isang lugar kapag madilim na, mangaral doon bago dumilim.—Kaw. 22:3.
4. Anu-anong pagpapala ang makakamit sa pagpapatotoo sa gabi?
4 Mga Pagpapala: Mas kasiya-siya ang ministeryo kung may nakakausap tayong mga tao. At habang mas marami tayong nakakausap, mas marami tayong pagkakataon na matulungan ang iba na “maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Maaari mo bang i-adjust ang iyong iskedyul para makapagpatotoo sa gabi?