Ituro sa Iba Kung ano ang Hinihiling ng Diyos
1 Marami pa ring mga tao sa ngayon ang napagkakaitan may kaugnayan sa “ pakikinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Bagaman ang ilan ay naniniwala na umiiral ang Diyos, hindi nila alam ang kaniyang layunin at mga kahilingan. Kaya, may pangangailangan para sa atin na turuan sila ng katotohanan ng Kaharian. Kapag wastong nasasangkapan at nahahanda na magpatotoo sa lahat ng pagkakataon, ating maaabot yaong mga nagnanais na makaalam kung ano ang hinihiling ni Jehova.
2 Sa Abril at Mayo, tayo ay magkakaroon ng napapanahong mga isyu ng Ang Bantayan at Gumising! upang ipamahagi. Bukod dito, sa unang pagkakataon, ating itatampok ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ang nakaaakit na mga ilustrasyon nito at ang mga tanong na pumupukaw ng kaisipan ay umaakit sa lahat ng uri ng tao. Ang sumusunod na mga mungkahi ay ibinigay upang tulungan tayong gamiting mabisa ang ating mga publikasyon.
3 Paghahanap sa mga Tao: Sa mga lugar kung saan wala sa tahanan ang maraming tao kapag tayo ay nagbabahay-bahay, kapaki-pakinabang na hanapin at kausapin ang mga tao saanman sila masumpungan. Ang insert ng Setyembre 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpapasigla sa atin na ipangaral ang mabuting balita saanman—sa lansangan, sa pampublikong transportasyon, sa mga parke, mga paradahan, at mga lugar ng negosyo. Ito rin ay nagpapangyaring maging gising tayo sa pangangailangang lumikha ng mga pagkakataon na mangaral nang impormal. Bilang halimbawa nito, isang sister na payunir ang nagtungo sa zoo at nagdala ng suplay ng Agosto 8, 1996 na Gumising! na may seryeng “Nanganganib Malipol na ‘Species’—Bakit Ka Dapat na Mabahala?” Sa loob ng isang oras, siya’y nakapagsakamay ng 40 kopya doon sa ilang mahilig sa mga hayop na nagpakita ng malaking pagpapahalaga! Ang Bantayan at Gumising! lakip na ang brosyur na Hinihiling ay lalo nang naaangkop sa lahat ng uri ng pagpapatotoo, yamang ang mga ito ay nagtatampok ng impormasyon na nakaaapekto sa buhay ng mga tao at nagpapasigla sa kakayahan ng pag-iisip.
4 Pagbubukas ng Usapan: Ang huling pahina ng Ating Ministeryo sa Kaharian noong Oktubre, 1996 ay nagpaliwanag kung paano ihahanda ang inyong sariling presentasyon ng magasing Bantayan at Gumising! Ang gayunding mga mungkahi ay magiging mabisa kapag naghahanda ng inyong presentasyon para sa brosyur na Hinihiling. Ang ating mga komento ay maaaring sa ilang pangungusap lamang o maaaring lakip pa ng isang maka-Kasulatang punto. Mahalagang piliing maingat ang pambungad na mga pangungusap, yamang ito ang magpapasiya kung baga patuloy na makikinig ang tao. Ang ilan ay naging matagumpay sa ganitong pambungad na komento: “May nabasa akong artikulo na nakapagpapasigla sa akin, at nais ko itong ibahagi sa inyo.” O, ang isang nakapananabik na tanong ay maaaring ibangon upang akayin ang tao na makipag-usap.
5 Kung angkop sa inyong lugar, maaari ninyong subukang magtanong gaya ng sumusunod sa inyong presentasyon sa buwang ito:
◼ “Sa ngayon ay nakikita natin ang sobrang graffiti, kalat, at polusyon. Ano sa palagay ninyo ang kailangan upang linisin ang lupa at gawin ito na isang mabuting dako upang tahanan?” Hayaang sumagot, at pagkatapos ay banggitin na may taglay kayong impormasyon na nagpapaliwanag kung paano at kailan magiging isang pambuong daigdig na hardin ang lupa. Ipakita ang isang espesipikong komento, maikling teksto, at isang makulay na ilustrasyon mula sa isang magasin, at pagkatapos ay ialok ito sa indibiduwal. Bago ninyo tapusin ang pag-uusap, sikaping isaayos ang isang pagdalaw-muli.
◼ “Sa palagay ba ninyo’y talagang gusto ng Diyos na tayo’y mabuhay na napalilibutan ng mga suliranin gaya sa ngayon?” Pagkatapos sumagot ng maybahay, maaari ninyong sabihin: “Malamang na kayo’y pamilyar sa panalanging itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga tagasunod, na hinihiling na dumating ang Kaharian ng Diyos. Napag-isipan na ba ninyo kung ano talaga ang Kaharian ng Diyos?” Bumaling sa leksiyon 6 ng brosyur na Hinihiling, at basahin ang mga katanungan sa pasimula ng leksiyon. Pagkatapos, habang binabasa ninyo ang parapo 1, ipakita ang sagot sa unang katanungan. Ipaliwanag na ang nalalabing katanungan ay sinasagot din sa maikli. Ialok ang brosyur, at sabihing kayo’y babalik muli taglay ang higit pang impormasyon hinggil sa Kaharian.
◼ “Maraming taong nag-iisip ang nagpapasimulang malasin ang mga relihiyon sa daigdig bilang sanhi ng mga suliranin ng tao sa halip na kalutasan. Ano ang palagay ninyo hinggil dito?” Pagkatapos na pakinggan ang pangmalas ng tao, ipakita mula sa kasalukuyang mga magasin ang bagay na kukuha ng kaniyang interes hinggil sa kabiguan ng huwad na relihiyon. Itanong kung nais niyang basahin ito. Magpakilala at kunin ang kaniyang pangalan, at sabihing dadalawin siyang muli upang maipaliwanag sa kaniya kung bakit hindi binigo ng tunay na relihiyon ang sangkatauhan.
◼ “Sa dami ng problema sa buhay pampamilya sa ngayon, naisip na ba ninyo kung ano ang lihim ng kaligayahan sa pamilya?” Hintayin ang kasagutan, at pagkatapos ay ipaliwanag na inihahayag ng Diyos sa Bibliya ang tunay na lihim ng kaligayahan sa pamilya. Marahil ay maaari ninyong basahin ang Isaias 48:17. Pagkatapos ay bumaling sa leksiyon 8 ng brosyur na Hinihiling, at ipakita ang ilang mga talata sa Bibliya na nagbibigay ng patnubay sa bawat miyembro ng pamilya. Basahin ang listahan ng mga katanungan sa pasimula ng leksiyon. Itanong sa maybahay kung nais niyang basahin ang mga kasagutan. Kung gayon, ialok sa kaniya ang brosyur. Sabihing magbabalik kayo sa ibang pagkakataon upang talakayin ang higit pang praktikal na patnubay para sa maligayang buhay pampamilya.
6 Ang insert ng Marso 1997 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagpapasigla sa atin na mag-ipon ng katapangan upang gumawa ng mga pagdalaw-muli. Inirerekomendang gamitin ang bagong brosyur upang pasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya, kung hindi sa unang pagdalaw ay sa pagdalaw-muli. Ang pinakamalaking pangangailangan ng sangkatauhan ay ang matutuhan kung ano ang hinihiling ng Diyos at pagkatapos ay gawin iyon. (Col. 1:9, 10) Malaki ang pakikinabangin ng iba sa Abril at Mayo kung ating pasisimulang turuan sila kung ano ang ating nalalaman hinggil sa mga kahilingan ni Jehova ukol sa buhay.—1 Cor. 9:23.