Pagdaraos ng Progresibong mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
1 Anong pagkakatulad mayroon ang isang nars sa Tanzania, ang isang kabataan sa Argentina, at ang isang ina sa Latvia? Ang 1997 Yearbook (p. 8, 46, at 56) ay nag-uulat na ang tatlong ito ay nakagawa ng mabilis na pagsulong sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya dahilan sa kanilang pagnanais na mag-aral ng higit pa kaysa sa isang beses lamang bawat linggo sa aklat na Kaalaman. Inirerekomenda na hangga’t maaari, dapat pagsikapan ng mga mamamahayag na talakayin ang isang kabanata ng aklat sa bawat pag-aaral. Gayunpaman, nasusumpungan ng ilan na mahirap gawin ito. Bagaman sa kalakhan ay depende ito sa mga kalagayan at sa kakayahan ng bawat estudyante, nakasumpong ng tagumpay ang makaranasang mga guro sa pamamagitan ng pagkakapit sa sumusunod na mga mungkahi.
2 Gaya ng ipinaliwanag sa insert ng Hunyo 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, kailangang sanayin ang inyong mga estudyante na maghanda para sa pag-aaral. Sa pasimula pa lamang, makabubuting ipaliwanag at itanghal kung paano ito gagawin. Ipakita sa kanila ang inyong personal na kopya ng aklat na Kaalaman. Ihandang magkasama ang unang leksiyon. Tulungan ang mga estudyante na masumpungan ang susing mga salita o parirala na tuwirang sumasagot sa nakalimbag na katanungan at pagkatapos ay salungguhitan o markahan ang mga ito. Ang ilang mamamahayag ay nagbigay pa nga sa kanilang mga estudyante ng magagamit na marker. Pasiglahin sila na tingnan ang lahat ng kasulatan habang sila’y naghahanda para sa pag-aaral. Sa pagsasagawa nito, masasanay din ninyo sila na maghanda para sa pagdalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral ng Bantayan.—Luc. 6:40.
3 Hihimukin ng isang mabuting guro na magpahayag ang estudyante sa halip na siya ang laging nagsasalita. Iniiwasan niyang lumihis sa pagtalakay ng maliliit na punto. Bihira siyang magpapasok ng ekstrang materyal. Sa halip, kaniyang itatampok ang pangunahing mga punto sa leksiyon. Ang ilan ay naglaan sa mga estudyante ng karagdagang literatura upang tulungan silang humanap ng mga kasagutan sa mga katanungan. Karagdagan pa, ang mga interesado ay makatatanggap ng detalyadong impormasyon sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon.
4 Maaaring hindi kailanganin na tingnan ang lahat ng mga binanggit na kasulatan sa leksiyon. Ang ilang pangunahing punto ay maaaring ipaliwanag mula sa siniping mga teksto sa parapo. Sa panahon ng pagrerepaso, itampok ang susing mga kasulatan na tinalakay at pasiglahin ang estudyante na tandaan ang mga ito.
5 Gaano Kahaba Dapat Magtagal ang Bawat Sesyon?: Hindi kailangang itakda lamang sa isang oras ang pag-aaral. Ang ilang maybahay ay may panahon at may pagnanais na mag-aral nang mas mahaba. O ang estudyante ay maaaring magnais na mag-aral ng higit pa kaysa minsan lamang sa isang linggo. Ito’y magiging kapaki-pakinabang para doon sa mga makagagawa nito.
6 Gaya ng inilalarawan sa Isaias 60:8, ngayo’y daan-daang libo ng mga bagong pumupuri kay Jehova ang “nagsisilipad na parang alapaap, at parang mga kalapati sa kanilang mga bahay-kalapati” sa mga kongregasyon ng kaniyang bayan. Nawa’y gawin nating lahat ang ating bahagi sa malapitang paggawa kasama ni Jehova habang pinabibilis niya ang pagtitipon ng tulad-tupang mga tao.—Isa. 60:22.