Bahagi 4—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pagsasanay sa mga Estudyante na Maghanda
1 Ang isang estudyante ay karaniwan nang mabilis na susulong sa espirituwal kung patiuna siyang nagbabasa ng aralin, nagsasalungguhit ng mga sagot, at nag-iisip kung paano ito ipahahayag sa kaniyang sariling pananalita. Kaya, matapos maitatag ang regular na pag-aaral, magkasama ninyong ihanda ang isang aralin upang ipakita sa estudyante kung paano ito gagawin. Para sa karamihan ng mga estudyante, makabubuting magkasamang ihanda ang isang buong kabanata o aralin.
2 Pagsasalungguhit at Pagnonota: Ipaliwanag kung paano makikita ang tuwirang mga sagot sa nakalimbag na mga tanong. Ipakita sa estudyante ang iyong kopya ng pinag-aaralang publikasyon na ang may salungguhit ay mga susing salita o parirala lamang. Habang isinasaalang-alang ninyo ang materyal, baka gusto niyang tularan ang halimbawa mo, anupat ang sinasalungguhitan lamang niya sa kaniyang kopya ay yaong mga salitang magpapaalaala sa kaniya ng sagot. (Luc. 6:40) Pagkatapos ay hilingan siyang sumagot sa kaniyang sariling pananalita. Tutulong ito para makita mo kung gaano kalinaw niyang nauunawaan ang materyal.
3 Ang maingat na pagsusuri sa di-siniping mga kasulatan ay mahalagang bahagi ng paghahanda ng isang estudyante para sa pag-aaral. (Gawa 17:11) Ipaunawa mo sa kaniya na ang bawat binanggit na teksto ay may sinusuhayang punto sa parapo. Ipakita sa kaniya kung paano gumawa ng maiikling nota sa gilid ng pinag-aaralang publikasyon. Idiin sa kaniya na ang Bibliya ang saligan ng kaniyang pinag-aaralan. Pasiglahin siya na palaging gamitin ang binanggit na mga teksto kapag nagkokomento sa panahon ng pag-aaral.
4 Maikling Sumaryo at Pagrerepaso: Bago simulan ng estudyante ang kaniyang masusing paghahanda sa pag-aaralang materyal, makabubuting makuha muna niya ang sumaryo ng paksa. Sabihin sa kaniya na makukuha niya ang sumaryo ng materyal kung titingnan niya sandali ang pamagat, mga subtitulo, at mga ilustrasyon sa kabanata. Ipaliwanag na bago niya tapusin ang kaniyang paghahanda, isang katalinuhang gumugol ng panahon upang repasuhin ang pangunahing mga punto na inihaharap sa aralin, na marahil ay ginagamit ang kahon sa pagrerepaso kung mayroon nito. Ang pag-uulit na iyon ay tutulong upang matandaan niya ang impormasyon.
5 Ang pagsasanay sa estudyante na maghandang mabuti sa kaniyang pag-aaral ay tutulong sa kaniya na makapagbigay ng makabuluhang mga komento sa mga pulong ng kongregasyon. Tutulong din ito sa kaniya na malinang ang mga kaugalian sa pag-aaral na pakikinabangan niya nang mahabang panahon kahit tapos na ang pakikipag-aral niya sa Bibliya.