Bahagi 2—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Paghahanda Upang Magdaos ng Pag-aaral
1 Hindi lamang pagtalakay sa materyal at pagtingin sa binanggit na mga kasulatan ang nasasangkot sa mabisang pagtuturo kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Kailangang iharap natin ang impormasyon sa paraang nakaaantig sa puso ng estudyante. Nangangailangan ito ng lubusang paghahanda na isinasaalang-alang ang estudyante.—Kaw. 15:28.
2 Kung Paano Maghahanda: Magsimula sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova hinggil sa estudyante at sa kaniyang mga pangangailangan. Hilingin kay Jehova na tulungan kang abutin ang puso ng estudyante. (Col. 1:9, 10) Upang maunawaan nang maliwanag ang tema, isaalang-alang sandali ang pamagat ng kabanata o aralin, ang mga subtitulo, at anumang visual aid. Itanong sa iyong sarili, ‘Ano ang pangunahing layunin ng materyal?’ Tutulong ito sa iyo na maitampok ang pangunahing mga punto samantalang idinaraos mo ang pag-aaral.
3 Maingat na repasuhin ang bawat parapo ng materyal. Hanapin sa parapo ang mga sagot sa inilimbag na mga tanong, anupat mga susing salita at parirala lamang ang sinasalungguhitan. Pag-isipan kung paano nauugnay ang binanggit na mga kasulatan sa pangunahing punto ng parapo, at piliin kung alin ang babasahin sa panahon ng pag-aaral. Masusumpungan mong makatutulong na gumawa ng maiikling nota sa gilid ng pahina ng publikasyon. Dapat maunawaan ng estudyante na ang natututuhan niya ay mula sa Salita ng Diyos.—1 Tes. 2:13.
4 Ibagay ang Aralin sa Pangangailangan ng Indibiduwal: Pagkatapos, isaalang-alang kung paano makikinabang sa aralin ang partikular na estudyante. Pag-isipan kung anong mga tanong ang maaari niyang ibangon at kung anong mga punto ang hindi niya madaling mauunawaan o matatanggap. Itanong sa iyong sarili: ‘Ano ang kailangan niyang maunawaan o pagsumikapan upang sumulong sa espirituwal? Paano ko maaabot ang kaniyang puso?’ Pagkatapos ay ibagay ang iyong pagtuturo alinsunod dito. Kung minsan, baka mapansin mo na kailangan kang maghanda ng isang ilustrasyon, paliwanag, o magkakaugnay na tanong upang tulungan ang estudyante na maunawaan ang kahulugan ng isang partikular na punto o kasulatan. (Neh. 8:8) Subalit iwasang magsingit ng karagdagang impormasyon na hindi naman gaanong kailangan upang maging maliwanag ang tema. Makatutulong ang maikling repaso sa katapusan ng pag-aaral upang matandaan niya ang pangunahing mga punto.
5 Anong laki nga ng ating kagalakan kapag nagluwal ng matuwid na bunga ang mga baguhan para sa kapurihan ni Jehova! (Fil. 1:11) Upang tulungan silang maabot ang tunguhing iyan, maghandang mabuti tuwing magdaraos ka ng pag-aaral sa Bibliya.