Magpakita ng Paggalang sa Dako ng Pagsamba kay Jehova
1 Kapag tayo’y mga panauhin sa bahay ng isang tao, tayo’y nagpapakita ng paggalang sa mga ari-arian ng taong iyon, na hindi gumagawa ng anumang bagay na makapipinsala roon, at hindi natin ginagambala ang maayos na rutin ng sambahayan. Higit na totoo ito kapag tayo’y mga panauhin ni Jehova! Kailangan nating malaman kung paano tayo gagawi sa kaniyang sambahayan. (Awit 15:1; 1 Tim. 3:15) Kahiman ang ating Kristiyanong pagpupulong ay idinaraos sa Kingdom Hall, sa isang pribadong tahanan, o sa isang pampublikong pasilidad, ang karamihan sa atin ay laging nagpapakita ng paggalang sa dako ng ating pagsamba na para bang ito ang bahay ni Jehova, na ang “dignidad ay nasa ibabaw ng lupa at langit.”—Awit 148:13.
2 Gayunpaman, napansin ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at ng iba pa na ang ilang mga kapatid ay nagpapakita ng kawalang-galang sa mga pulong sa pamamagitan ng pagiging maingay o pagkilos na parang ang impormasyong inihaharap ay hindi mahalaga. Ang ilang adulto ay patuloy sa di-kinakailangang mga pag-uusap sa bukana ng pintuan, sa bulwagan, sa palikuran, o sa labas ng Kingdom Hall samantalang may pulong. Kapag ang nakatatandang bata ay pinagbantay sa isang nakababata, kung minsan ang dalawa ay nagpapasimulang maglaro at sa gayo’y kakaunti lamang ang napapakinabangan sa programa. Ang ilang mga kabataan ay nakikitang naglalaro sa labas ng Kingdom Hall pagkatapos ng mga pulong, labis na nagkakaingay, at nag-aastang nagkakaratihan pa nga sa isa’t isa. Sa ilang kaso ay nakagambala sila sa mga kapitbahay o nakasagabal sa trapiko sa paradahan o sa kalye.
3 Paano Maiiwasan ang Pagkawalang-galang: Bilang pagpapahalaga sa dignidad at kabanalan ng ating pagsamba, tiyak na hindi natin nanaising makagambala sa iba sa pamamagitan ng pagbulong, pagkain, pagnguya ng chewing gum, pagkuyumos ng mga papel, di-kinakailangang pagpunta sa palikuran, o laging pagdating nang huli sa mga pulong. Ang magalang at mapagpahalagang mga magulang ay hindi magpapahintulot sa kanilang mga anak na dumhan ang alpombra, apholster, o ang mga dingding ng Kingdom Hall o ang tahanan kung saan idinaraos ang pag-aaral sa aklat. At tiyak na sasang-ayon tayong lahat na tunay na walang dako ang anumang uri ng nakahihiyang paggawi, mangmang na usapan, o mahalay na pagbibiro sa ating mga pulong.—Efe. 5:4.
4 Kung lagi nating tinatandaan ang layunin ng ating Kristiyanong mga pulong, titiyakin natin na tayo at ang ating mga anak ay magpapakita ng paggalang sa pagsamba kay Jehova sa dako kung saan natin “piniling dumoon.”—Awit 84:10.