Gamitin ang mga Brosyur Upang Makaakit sa Isip at Puso
1 Ang katotohanan sa Bibliya ay dapat na iharap sa paraang kaakit-akit sa isip at puso. Nang ipaliwanag ni Jesus ang katotohanan sa kaniyang mga tagapakinig, pinili niya ang mga paksang nakaaakit at nagpapakilos sa kanila. (Luc. 24:17, 27, 32, 45) Nakasalalay nang malaki ang tagumpay ng ating ministeryo sa pagsisikap nating mabatid ang espirituwal na mga pangangailangan ng ating mga tagapakinig.
2 Ang mga brosyur ay maaaring maging mabibisang kasangkapan para abutin ang isip at puso ng mga nasusumpungan natin sa ministeryo. Patiunang pag-isipan kung sino ang maaaring tumugon sa mensaheng nasa bawat brosyur na itinatampok sa Agosto:
—Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao. Yaong mga kulang ng pananampalataya sa Bibliya o hindi lubusang nakauunawa sa kahalagahan nito sa kanilang buhay ay makikinabang mula sa pangangatuwirang nasa brosyur na ito.
—Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? Ang mga taong nanlulumo dahilan sa kahirapan ng buhay o nakaranas na ng trahedya ay magpapahalaga sa nakaaaliw na mensaheng ito hinggil sa isang kinabukasang malaya sa pagdurusa.
—Ano ang Layunin ng Buhay—Paano Mo Masusumpungan? Ang mga kabataang taimtim na nag-iisip hinggil sa kanilang kinabukasan ay makikinabang sa salig-sa-Bibliyang mga kasagutan na masusumpungan sa brosyur na ito.
—Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso. Ang sinumang may koneksiyon sa pamahalaan ay maaaring tumugon sa mensaheng ito hinggil sa kung paano lulutasin ng Kaharian ng Diyos ang mahihirap na suliranin ng sangkatauhan.
—Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Maraming nangangasiwa ng punerarya ang nagnanais na magkaroon ng mga kopya nito para ibigay sa mga nagdadalamhating mga pamilya. Ang mga mamamahayag na nagpapatotoo sa mga sementeryo ay gumagamit ng brosyur na ito upang aliwin ang mga nagdadalamhati. Dalawang sister ang lumapit sa isang pamilyang binubuo ng pito katao na nananalangin sa libingan. Dahilan sa pagbibigay ng nakaaaliw na mensahe mula sa brosyur, napasimulan sa ina ang isang pag-aaral sa Bibliya nang sumunod na araw!
—Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? Ang isang napakarelihiyosong tao ay maaaring tumugon sa katotohanang masusumpungan sa dokumentadong pagsisiwalat ng pangunahing doktrina ng Sangkakristiyanuhan.
3 Maging pamilyar kayo sa bawat brosyur, at alamin kung paano gagamitin ito sa pinakamabuting paraan sa inyong teritoryo. Para sa mga mungkahing presentasyon, tingnan ang huling pahina ng Hulyo 1998 na isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Pagpalain nawa ni Jehova ang inyong mga pagsisikap na abutin ang isip at puso ng mga tao.—Mar. 6:34.