Kailangan Tayong Dumalaw Nang Muli’t Muli
1 Kayo ba ay tumugon kaagad noong unang may makipag-usap sa inyo hinggil sa mabuting balita? Kung hindi, dapat kayong magpasalamat na dumalaw sa inyo nang muli’t muli ang mga Saksi ni Jehova hanggang sa dakong huli’y tanggapin ninyo ang inialok na pag-aaral sa Bibliya. Makabubuting isipin ninyo iyon kapag paulit-ulit kayong gumagawa sa inyong atas na teritoryo.
2 Ang buhay ng mga tao ay patuloy na nagbabago. Sila’y napapaharap sa mga bagong suliranin o mga kalagayan, nakaririnig ng nakababalisang mga pangyayari sa komunidad o sa sanlibutan, nagdurusa sa pagbagsak ng kabuhayan, o nakararanas ng karamdaman o kamatayan sa pamilya. Ang ganitong mga bagay ay maaaring maging sanhi upang naisin nilang alamin kung bakit nagaganap ang mga kapighatiang ito. Dapat nating unawain ang mga salik na gumigiyagis sa kaisipan ng mga tao at pagkatapos ay saka magbigay ng nakaaaliw na mensahe.
3 Ito ay Isang Nagliligtas na Gawain: Isipin ang mga nagsasagawa ng pagliligtas sa panahon ng isang kalamidad. Bagaman ang ilan ay naghahanap sa isang lugar na kaunti lamang ang nasusumpungang nakaligtas, sila’y hindi nanghihimagod at humihinto sapagkat ang kanilang mga kasamahan sa ibang dako ay nakasusumpong ng mas maraming nakaligtas. Ang ating gawaing pagliligtas ay hindi pa tapos. Bawat taon, daan-daang libong nagnanais na makaligtas sa “malaking kapighatian” ang nasusumpungan.—Apoc. 7:9, 14.
4 “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13-15) Dapat na ikintal ng mga salitang ito sa bawat isa sa atin ang pangangailangan na patuloy na mangaral. Buhat nang una nating kubrehan ang ating teritoryo, nagsilaki na ang mga bata at ngayo’y may sapat nang gulang upang taimtim na mag-isip tungkol sa kanilang kinabukasan at sa layunin ng buhay. Hindi natin matitiyak kung sino pa ang makikinig sa dakong huli. (Ecles. 11:6) Maraming dating mananalansang ang tumanggap na sa katotohanan. Ang ating gawain ay, hindi upang hatulan ang mga tao, kundi upang patuloy na bigyan sila ng pagkakataong makinig at mailigtas mula sa matandang sanlibutang ito. Gaya ng ginawa ng mga unang alagad ni Jesus, kailangan tayong ‘pumaroon nang patuluyan’ sa mga tao at sikaping antigin ang kanilang interes sa mensahe ng Kaharian.—Mat. 10:6, 7.
5 Ang bagay na bukás pa ang daan para sa atin na mangaral ay isang kapahayagan ng awa ni Jehova. (2 Ped. 3:9) Habang hinahayaan nating marinig ng iba ang mensahe nang muli’t muli, ating itinatampok ang pag-ibig ng Diyos, at sa ganitong paraan ay pinupuri natin siya.