Nag-uukol ng Mahalagang Paglilingkod ang mga Ministeryal na Lingkod
1 “Naipakita na nila ang kanilang sarili bilang mga lalaking tunay na naaalay at na ang pananampalataya ay nahahayag sa masigasig na paglilingkod sa Kaharian at sa pagtulong sa iba na maging matatag sa pananampalataya.” Ganiyan ang sinabi ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, sa pahina 57, tungkol sa mga ministeryal na lingkod. Sa katunayan, ang espirituwal na halimbawa na ipinakikita ng ating mga ministeryal na lingkod ay karapat-dapat tularan. Ang paggawang kasama nila at ng matatanda “ay gumagawa tungo sa paglaki ng katawan ukol sa pagpapatibay sa sarili nito sa pag-ibig.”—Efe 4:16.
2 Gumaganap ng mahalagang tungkulin sa kongregasyon ang mga ministeryal na lingkod. Isipin na lamang ang lahat ng kanilang mahahalagang paglilingkod! Inaasikaso nila ang mga kuwenta, literatura, magasin, suskrisyon, at mga teritoryo; gumaganap sila bilang mga attendant, nag-aasikaso sa mga kagamitan sa sound, at tumutulong sa pangangalaga sa Kingdom Hall. Nakikibahagi sila sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at sa Pulong sa Paglilingkod. Ang ilan sa kanila ay maaari pa ngang magbigay ng mga pahayag pangmadla o mangasiwa sa ilang pulong ng kongregasyon. Gaya ng mga sangkap ng pisikal na katawan, ang mga ministeryal na lingkod ay gumaganap ng mga paglilingkod na kailangan natin.—1 Cor. 12:12-26.
3 Nakapagpapasigla sa iba na tularan ang nakikitang maayos na pakikipagtulungan ng mga ministeryal na lingkod sa matatanda bilang bahagi ng isang lingkod na lupon na may paggalang at pag-unawa sa isa’t isa. (Col. 2:19) Sa pamamagitan ng tapat na pagtupad sa kanilang mga pananagutan sa bawat linggo at pagpapakita ng personal na interes sa iba, nakatutulong sila sa pagkakaroon ng isang kongregasyon na masulong sa espirituwal.
4 Ano ang magagawa natin upang maipakita ang ating pagpapahalaga sa masisipag na ministeryal na lingkod? Kailangang maging pamilyar tayo sa kanilang mga atas na tungkulin at magpakita ng pagiging handang makipagtulungan kapag kailangan ang ating tulong. Sa salita at sa gawa, maipababatid natin sa kanila na pinahahalagahan natin ang kanilang gawain. (Kaw. 15:23) Yaong mga nagpapagal alang-alang sa atin ay karapat-dapat sa ating taimtim na pagpapahalaga.—1 Tes. 5:12, 13.
5 Itinatakda ng Salita ng Diyos ang papel at mga kuwalipikasyon ng mga ministeryal na lingkod. (1 Tim. 3:8-10, 12, 13) Ang kanilang mahalagang sagradong paglilingkod ay kailangang-kailangan para gumana ang kongregasyon. Nararapat sa gayong mga lalaki ang ating patuloy na pagbibigay ng pampatibay-loob, yamang silang lahat ay may “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Cor. 15:58.