‘Subukin May Kinalaman sa Pagiging Nararapat’—Paano?
1 Dahil sa patuloy na pagsulong sa organisasyon ni Jehova, may patuloy na pangangailangan para sa kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na maglingkod bilang mga ministeryal na lingkod. Ang karamihan sa mga kapatid na lalaki na hindi pa naaatasan, lakip na ang mga tin-edyer, ay may pagnanais na maglingkod sa kongregasyon. Kapag sila’y naatasan ng ekstrang trabaho, nadarama nilang sila’y kapaki-pakinabang at mayroong naisasakatuparan. Ang higit pa nilang pagsulong ay depende kung sila’y ‘nasubok na sa pagiging nararapat.’ (1 Tim. 3:10) Paano naisasagawa ito?
2 Ang Papel ng Matatanda: Bahagi ng pagsasaalang-alang sa isang kapatid na lalaki sa pamamagitan ng maka-Kasulatang mga kuwalipikasyon para sa mga ministeryal na lingkod na masusumpungan sa 1 Timoteo 3:8-13, susubukin ng matatanda ang pagiging nararapat ng kapatid sa pagbalikat ng pananagutan. Maaari nilang atasan siya na gumanap ng mahahalagang paglilingkod na kaugnay sa pamamahagi ng mga magasin at literatura, pag-aabot ng mga mikropono, pagpapanatiling maayos ng Kingdom Hall, at iba pa. Papansinin ng matatanda kung paano siya tumatanggap at gumaganap ng kaniyang mga atas. Hahanapin nila ang mga katangian ng pagiging maaasahan, pagiging nasa oras, kasigasigan, kahinhinan, espiritu ng pagkukusa, at kakayahang makitungo nang mabuti sa iba. (Fil. 2:20) Siya ba’y huwaran sa kaniyang pananamit at pag-aayos? Siya ba’y responsable? Nais nilang makita sa “kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa na may kahinahunan na nauukol sa karunungan.” (Sant. 3:13) Siya ba’y talagang nagsisikap upang makatulong sa kongregasyon? Isinasakatuparan ba niya ang utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad sa mga tao” sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan?—Mat. 28:19; tingnan ang Setyembre 1, 1990, Bantayan, pahina 18-28.
3 Bagaman walang itinakdang pinakamababang edad para maatasan ang isa bilang ministeryal na lingkod, tinutukoy ng Bibliya ang gayong mga kapatid bilang “mga lalaki na naglilingkod.” Hindi natin aasahan na sila’y nasa edad trese o disisais, lalo na’t binanggit ang posibilidad ng pagkakaroon ng asawa at mga anak. (1 Tim. 3:12, 13) Ang gayong mga lalaki ay hindi dapat magbigay-daan sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan” kundi dapat na gumawi sila sa seryosong paraan, na nagtataglay ng isang mainam na katayuan at isang malinis na budhi sa harapan ng Diyos at ng mga tao.—2 Tim. 2:22.
4 Bagaman ang likas na abilidad ay kapaki-pakinabang, ang saloobin at espiritu ng isa ang tunay na mahalaga. Ang isang kapatid na lalaki ba ay mapagpakumbabang nagnanais na pumuri sa Diyos at makapaglingkod sa kaniyang mga kapatid? Kung gayon, pagpapalain ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap na gumawa ng pagsulong sa kongregasyon.