Tanong
◼ Paano matutulungan ng mga attendant ang mga magulang upang mapanatili ang wastong paggawi ng kanilang mga anak sa mga pulong?
Ang mga anak ay likas na masisigla, hindi sanay sa pag-upo nang matagal. Pagkatapos ng pulong, ang mga anak ay may naiipong lakas na maaaring magbunsod sa kanila na magtakbuhan at makipaghabulan sa ibang mga bata sa Kingdom Hall o sa iba pang mga tipunang-dako, sa paradahan, o sa bangketa. Gayunman, totoo ang kawikaan, ‘Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang magulang.’—Kaw. 29:15.
Nakalulungkot sabihin, ang ilan sa ating nakatatandang mga kapatid na lalaki at babae ay malubhang napinsala dahilan sa sila’y nabunggo at napabagsak ng mga bata. Ito’y nagdulot ng di-nararapat na pagdurusa at di-kinakailangang gastos sa mga magulang at sa kongregasyon. Para sa kanilang sariling proteksiyon at sa kaligtasan ng iba, hindi dapat pahintulutan ang mga anak na magtakbuhan at maglaro sa loob o sa labas ng Kingdom Hall.
Ang mga magulang ay may maka-Kasulatang pananagutan na sanayin ang kanilang mga anak na tratuhin ang ating mga dako ng pagsamba taglay ang wastong paggalang. (Ecles. 5:1a) Sa ating Kristiyanong mga pulong, mga asamblea, at mga kombensiyon, ang mga attendant ay inatasan upang tiyakin na ang “lahat ng bagay ay maganap nawa nang disente” at may “mabuting kaayusan.” (1 Cor. 14:40; Col. 2:5) Sila’y kailangang manatiling alisto bago, sa panahon, at pagkatapos ng programa, kapuwa sa loob at sa labas ng bulwagan. Kung ang isang bata ay tumatakbo o nagiging magulo, maaaring may kabaitang patigilin ng attendant ang bata at maaaring ipaliwanag niya sa bata kung bakit ang gayong mga pagkilos ay hindi kanais-nais. Dapat ding may kabaitang ipabatid sa magulang ng bata ang problema at ang pangangailangang subaybayan ang bata. Ang magulang ay dapat na gumawa ng naaangkop na pagtugon.
Mauunawaan na ang mga sanggol at maliliit na bata kung minsan ay maaaring umiyak o maging magulo sa panahon ng mga pulong. Ang mga attendant, na dumarating ng kahit na 20 minuto man lamang bago ang pasimula ng programa, ay maaaring magreserba ng ilan sa mga hulihang hanay sa bulwagan para sa mga magulang na gustong umupo roon kasama ang kanilang mumunting mga anak. Ang iba pa sa atin ay dapat na makipagtulungan sa pamamagitan nang hindi pag-upo sa mga upuang iyon na nakalaan para sa kanila.
Kung lumilikha ng pagkagambala ang bata, dapat na kumilos ang magulang. Kapag hindi kumikilos ang magulang at ang kaguluhan ay nakagagambala na, dapat na may kabaitang itanong ng attendant sa magulang kung nais nitong ilabas ang bata sa bulwagan. Kapag tayo’y nag-aanyaya sa mga baguhan na may mga batang anak sa mga pulong, dapat tayong umupong kasama nila at mag-alok ng tulong may kaugnayan sa mga bata kapag sila’y umiyak o nakagagambala sa ibang mga paraan.
Nagdudulot ito sa atin ng kagalakan na makita ang mga batang may iba’t ibang edad sa Kingdom Hall at makita ang kanilang mabuting paggawi sa loob ng sambahayan ng Diyos. (1 Tim. 3:15) Sa pamamagitan ng kanilang paggalang sa kaayusan ni Jehova para sa pagsamba, sila’y nagdudulot ng karangalan sa kaniya at sila’y napahahalagahan ng lahat sa kongregasyon.