Panatilihin ang Mainam na Paggawi na Lumuluwalhati sa Diyos
1 Saanman tayo naroroon, ang ating paggawi, pananamit, at pag-aayos ay nagpapatotoo tungkol sa atin at sa Diyos na ating sinasamba. Ito ay lalong nagiging kapansin-pansin sa malalaking pagtitipon ng bayan ng Diyos, kung saan maraming tao ang nagmamasid sa atin. Kapag tayo’y nagsisilbing uliran, ang pangalan ni Jehova ay naluluwalhati. (1 Ped. 2:12) Gayunman, ang masamang paggawi o mga pagkilos na hindi pinag-isipan sa bahagi ng ilan ay maaaring magdulot ng upasala sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang bayan. (Ecles. 9:18b) Ang pag-iingat sa isipan na hinahatulan ng taga-labas ang ating organisasyon at ang Diyos na ating sinasamba sa pamamagitan ng ating paggawi ay dapat na magpangyari na tayo’y maging taimtim sa ‘paggawa sa lahat ng bagay para sa ikaluluwalhati ng Diyos.’—1 Cor. 10:31.
2 Kagandahang-asal sa Kombensiyon: Anumang uri ng pasilidad ang ginagamit, ito ay dapat na malasin bilang isang malaking Kingdom Hall sa panahon ng kombensiyon. Dapat na makita ang angkop na pananamit at pag-aayos gaya ng kapag tayo ay dumadalo sa mga pulong sa ating lokal na kongregasyon. Kapuwa sa panahon at pagkaraan ng mga sesyon ng kombensiyon, dapat na iwasan ng mga kapatid na lalaki at babae ang pagsusuot ng di-mahinhin o nasa usong mga kasuutan, na nagpapakita ng espiritu ng sanlibutan anupat nagiging mahirap tuloy na makita ang ating kaibahan sa kanais-nais na paraan. Dapat tiyakin ng mga kapatid na babae na ang istilo at haba ng kanilang palda at bestida ay may angkop na kahinhinan. (1 Tim. 2:9, 10) Dumadalo man sa kombensiyon, tumutuloy sa isang otel, kumakain sa isang restawran, o bumibili sa isang tindahan, dapat nating ipamalas sa lahat ng panahon na tayo ay mga ministro ng Diyos at hindi nagbibigay ng anumang dahilan ng ikatitisod.—2 Cor. 6:3.
3 Ang bautismo ay idaraos sa Sabado ng umaga sa kombensiyon. Ang Abril 1, 1995, Bantayan, pahina 30 ay naglalarawan ng saloobin na dapat nating ipakita sa okasyong iyon. Ito ay nagsasabi na “nararapat [nating] isaalang-alang ang bautismo taglay ang angkop na kataimtiman. Iyon ay hindi isang panahon para sa maingay na paghahayag ng damdamin, pagsasalu-salo, o pagkakatuwaan. Subalit hindi rin naman iyon isang malungkot o mapanglaw na okasyon.” Lubhang di-angkop para sa mga magpapabautismo na magsuot ng napakasikip o naglalantad ng katawan na damit pampaligo, maging sa mga lalaki o mga babae. Kaya, dapat makita sa lahat ang kapuwa kataimtiman at kagalakan ng Kristiyanong bautismo.
4 Magdala ng Sarili Ninyong Pagkain sa Kombensiyon: Hinihiling ng Samahan na tayong lahat ay magdala ng sarili nating tanghalian sa kombensiyon sa bawat araw. Ang karamihan sa mga kapatid ay sumunod sa tagubiling ito at nasumpungan na sa pahinga sa tanghali, sila’y maaaring umupong kasama ng kanilang mga pamilya at kumain kung ano ang kanilang dinala sa araw na iyon. Marami ang nagkomento na ang pagkakataong makapagpahingalay sa panahon ng pahinga sa tanghali at gumugol ng karagdagang panahon sa piling ng kanilang mga kapatid ay naging kasiya-siya. Ang isang dahilan sa pag-uulit ng tagubiling ito ay sapagkat napansin namin na ang ilang mga kapatid ay umaalis sa awditoryum upang bumili ng pagkain sa mga nagtitinda sa kalye at sa mga kalapit na tindahan ng fast-food. Kung ang lahat ng kapatid ay magdadala ng kanilang sariling pananghalian sa halip na bumili sa mga nagtitinda sa labas, masisiraan ng loob ang mga nagtitindang ito at hindi na magkulumpunan sa palibot ng mga pasukan sa lugar ng kombensiyon, na nagiging sanhi ng pagsisikip at masagwang tanawin.
5 Hindi Isang Panahon Para sa mga Gawaing Komersiyal: Yamang ang lugar ng kombensiyon ay nagiging isang malaking Kingdom Hall sa loob ng tatlong araw, hindi dapat gumawa ng anumang gawaing komersiyal ang sinumang dumadalo. Hindi magiging wasto para sa sinumang kapatid na samantalahin ang kombensiyon upang itaguyod ang kaniyang negosyo, o gumawa ng mga paninda, tulad ng mga takip ng aklat o mga T-shirt, pamaypay, o mga kalendaryo na may nakatatak na pangalan ng kombensiyon.
6 Pagpapanatiling Malinis ng Lugar ng Kombensiyon: Kung itatapon ng bawat kapatid ang kaniyang basura sa wastong mga lalagyan o iuuwi iyon sa bahay, magiging madali na panatilihing malinis ang pasilidad ng kombensiyon. Kung mapansin ninyo na may itinapong papel sa lapag, maging alisto na damputin iyon. Dapat sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag magtapon ng basura sa sahig, kundi itapon iyon sa tamang lalagyan. Kung makapagbuboluntaryo kayo nang kahit sandali upang tumulong sa paglilinis ng pasilidad pagkatapos ng sesyon sa bawat araw, ito ay lubos na pahahalagahan.
7 Ipinaaalaala sa atin ni Pedro ‘kung anong uri ng pagkatao ang nararapat sa atin sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.’ (2 Ped. 3:11) Ang atin nawang mga pananalita at pagkilos sa “Mga Tagatupad ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ay makatulong sa mga tapat-pusong nagmamasid na makilala at sambahin ang ating dakilang Diyos, na karapat-dapat sa lahat ng karangalan at kaluwalhatian.—1 Cor. 14:24, 25.