Magpakabanal sa Lahat ng Iyong Paggawi
1. Bakit mahalaga na magpakabanal sa lahat ng ating paggawi?
1 Bilang mga lingkod ng banal na Diyos, si Jehova, sinisikap nating magpakabanal sa lahat ng ating paggawi. (1 Ped. 1:15, 16) Nangangahulugan ito na sinisikap nating itaguyod ang mga pamantayan ni Jehova sa lahat ng pitak ng ating buhay. Magbibigay sa atin ng pantanging pagkakataon ang pandistritong kombensiyon sa taóng ito upang makapagpamalas ng banal na paggawi.
2. Sa paghahanda para sa pandistritong kombensiyon, bakit natin dapat isaalang-alang ang ating hitsura?
2 Disenteng Personal na Hitsura: “Napakahusay ng mga Saksi ni Jehova! Mababait sila, maayos manamit, at napakagalang.” Ganiyan ang sinabi ng isang kinatawan ng otel sa isang pandistritong kombensiyon noong nakaraang taon. Sa isa pang kombensiyon, ganito ang komento ng isang tauhan ng otel: “Makikita sa inyong pananamit na kayo’y makadiyos.” Oo, napapansin ng iba ang mga delegado sa kombensiyon. Kaya naman nanaisin nating manamit “sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.”—Fil. 1:27.
3. Bakit isang hamon na manamit at mag-ayos nang disente?
3 Maaaring maging hamon ang pagkakaroon ng disenteng hitsura. Iniimpluwensiyahan ng sanlibutan ni Satanas ang mga tao na itaguyod ang mahalay, nakapupukaw sa sekso, at kakatwang mga istilo na hindi naaangkop. (1 Juan 2:15-17) Kaya sa ating pananamit, kailangan nating “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip . . . sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:12) Hindi natin nais na mayamot ang iba dahil sa ating hitsura, sila man ay ating mga kapatid, mga tauhan ng otel o restawran, o iba pang mga nagmamasid.—1 Cor. 10:32, 33.
4. Anu-anong tanong ang tutulong sa atin na suriin ang ating personal na hitsura?
4 Mahinhin at Maayos na Pananamit: Kapag naghahanda para sa kombensiyon, tanungin ang iyong sarili: ‘Ang pananamit ko ba ay mahinhin, o masyado itong nakatatawag ng pansin? Nagpapakita ba ito ng paggalang sa damdamin ng iba? Ang akin bang blusa ay may malalim na tabas sa dibdib o masyadong maigsi? Ang akin bang mga damit ay masyadong manipis o hapit na hapit? Angkop ba ang aking pananamit para sa isang delegado ng kombensiyon na may suot na badge card? Mahihiya ba akong magpatotoo nang di-pormal dahil sa isinusuot kong damit sa panahon ng paglilibang?’—Roma 15:2, 3; 1 Tim. 2:9.
5. Paano tayo matutulungan ng iba na magkaroon ng disenteng hitsura?
5 Maaari tayong makinabang sa obserbasyon ng may-gulang na mga Kristiyano. Dapat tanungin ng mga asawang babae ang kanilang mga asawa kung ano ang magiging impresyon ng iba sa kanilang pananamit. Matutulungan ng makadiyos na mga magulang ang kanilang mga anak na tin-edyer hinggil sa bagay na ito. Bukod diyan, maaaring “mapanauli [ng mapagpitagan at may-edad nang mga kapatid na babae] sa katinuan ang mga kabataang babae na . . . maging matino ang pag-iisip, malinis” sa kanilang hitsura “upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.” (Tito 2:3-5) Inilalaan sa ating mga publikasyon ang nakatutulong na mga larawan na nagpapakita kung ano ang mahinhin at maayos na pananamit.
6. Ano ang nasasangkot sa mabuting paggawi sa lugar ng kombensiyon?
6 Maging Makonsiderasyon sa Iba: Lalo nang dapat makita ang ating mainam na paggawi sa lugar ng kombensiyon. Pakisuyong makipagtulungan sa tagubilin ng mga attendant, kapuwa sa paradahan at sa bulwagan. (Heb. 13:17) Dapat maupong sama-sama ang mga pamilya sa halip na pahintulutan ang mga bata, kasali na ang mga tin-edyer, na umupong kasama ng mga grupo ng iba pang kabataan. Anumang uri ng rekorder ay hindi dapat ikonekta sa electrical o sound system ng pasilidad at maaari lamang gamitin sa paraang hindi nakagagambala sa iba. Kung nais ninyong kumuha ng litrato sa panahon ng sesyon, hindi dapat gumamit ng flash. Dapat i-adjust ang mga pager at cell phone upang hindi ito makagambala.
7. Paano nakaluluwalhati sa Diyos ang ating paggawi sa mga kombensiyon?
7 Ang ating paggawi ay nagiging dahilan upang mapaiba tayo at makapagbigay ng kaluwalhatian sa ating Diyos. (1 Ped. 2:12) Sa kombensiyon, hayagang makikita ang mga kilos ng mga Saksi ni Jehova. Kung gayon, maging determinadong magpakabanal sa lahat ng iyong paggawi.
[Kahon sa pahina 5]
Ipamalas ang Banal na Paggawi
◼ Magsuot ng damit na angkop sa isang Saksi
◼ Maingat na subaybayan ang mga anak
◼ Maging makonsiderasyon sa iba