Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 9/11 p. 3-5
  • Tatlong Araw ng Espirituwal na Kaginhawahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tatlong Araw ng Espirituwal na Kaginhawahan
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ating mga Pandistritong Kombensiyon—Mapuwersang Patotoo sa Katotohanan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2012
  • Mga Paggawi na Lumuluwalhati sa Diyos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • “Panatilihing Mainam ang Inyong Paggawi sa Gitna ng mga Bansa”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2014
  • Pandistritong Kombensiyon—Panahon ng Maligayang Pagsamba
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
km 9/11 p. 3-5

Tatlong Araw ng Espirituwal na Kaginhawahan

1. Ano ang matatanggap natin mula sa pandistritong kombensiyon sa taóng ito?

1 Sa sanlibutang ito ni Satanas na salát sa espirituwal, patuloy na pinagiginhawa ni Jehova ang kaniyang mga lingkod. (Isa. 58:11) Inilalaan ni Jehova ang taunang pandistritong kombensiyon para pasiglahin tayo. Habang papalapít ang kombensiyon sa taóng ito, paano tayo maghahanda para tumanggap at magbahagi ng espirituwal na kaginhawahan?—Kaw. 21:5.

2. Anu-ano ang dapat nating ihanda?

2 Kung hindi pa kayo nakapaghanda, maglaan ng panahon ngayon para ayusin ang inyong personal na mga iskedyul pati na ang inyong iskedyul sa trabaho upang madaluhan ang tatlong araw na kombensiyon. Natantiya na ba ninyo ang panahong kakailanganin sa paglalakbay patungo sa lugar ng kombensiyon araw-araw para dumating at makahanap ng upuan bago magsimula ang programa? Tiyak na gusto nating matamasa ang lahat ng nakapagpapasiglang espirituwal na pagkaing inihanda ni Jehova para sa atin! (Isa. 65:13, 14) Naisaayos na ba ninyo ang inyong tuluyan at transportasyon?

3. Anong mga mungkahi ang tutulong sa atin at sa ating pamilya para lubusang makinabang sa programa?

3 Ano ang makatutulong sa inyo na huwag lumipad ang isip habang may sesyon? Kung maaari, matulog nang maaga sa panahon ng kombensiyon. Tumingin sa tagapagsalita. Subaybayan sa inyong Bibliya ang bawat teksto. Kumuha ng maiikling nota. Makabubuting maupong magkakasama ang mga pamilya para matulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makinig nang mabuti. (Kaw. 29:15) Maaaring pag-usapan ng inyong pamilya ang mga tampok na bahagi ng programa gabi-gabi. Para patuloy na mapaginhawa ang inyong pamilya pagkatapos ng kombensiyon, maaaring magtakda ng panahon sa inyong gabi ng Pampamilyang Pagsamba para talakayin ang espesipikong mga puntong ikakapit ng inyong pamilya.

4. Paano natin matutulungan ang iba sa ating kongregasyon na maginhawahan sa espirituwal?

4 Tulungan ang Iba na Maginhawahan: Gusto rin nating maginhawahan ang iba sa espirituwal. Mayroon bang mga may-edad na mamamahayag o iba pa sa inyong kongregasyon na nangangailangan ng tulong upang makadalo sa kombensiyon? Maaari ba ninyo silang tulungan? (1 Juan 3:17, 18) Dapat tiyakin ng mga elder, lalo na ng mga tagapangasiwa sa grupo, na matulungan ang mga mamamahayag na iyon.

5. Paano tayo mamamahagi ng mga imbitasyon para sa kombensiyon? (Tingnan din ang kahon sa ibaba.)

5 Gaya ng dati, tatlong linggo bago magsimula ang kombensiyon, namamahagi tayo ng imbitasyon sa iba. Dapat gawing tunguhin ng mga kongregasyon na maipamahagi ang lahat ng imbitasyon at makubrehan ang kanilang teritoryo hangga’t maaari. Ang mga sobrang imbitasyon ng inyong pamilya pagkatapos ng kampanya ay dapat dalhin sa kombensiyon para magamit ninyo sa di-pormal na pagpapatotoo. Magbibigay ng higit pang impormasyon tungkol dito sa programa sa Biyernes. Ang mga imbitasyong hindi gagamitin ng inyong pamilya samantalang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon ay dapat ibigay sa attendant pagpasok ninyo sa pasilidad. Ingatan ang isang kopya, yamang gagamitin ninyo ito sa pagsubaybay sa huling pahayag sa Linggo.

6. Paano tayo magpapakita ng magandang asal sa kombensiyon?

6 Nakagiginhawa ang Kagandahang-asal: Sa panahong maraming tao ang “maibigin sa kanilang sarili” at walang pakialam sa damdamin ng iba, nakagiginhawa ngang makasama ang mga kapuwa Kristiyano na nagsisikap magpakita ng magandang asal! (2 Tim. 3:2) Nagpapakita tayo ng magandang asal sa pamamagitan ng tahimik at maayos na pagpasok sa gusali pagdating natin araw-araw at ng pagrereserba ng mga upuan para lamang sa mga kasama natin sa bahay o sa sasakyan o pati na sa kasalukuyang inaaralan natin sa Bibliya. Sinusunod natin ang tagubilin ng chairman kapag hiniling niya na magtungo na tayo sa ating mga upuan upang makinig sa musika bago ang bawat sesyon. Kagandahang-asal din na ilagay sa silent mode ang ating cell phone para hindi makagambala sa iba sa panahon ng programa. Nagpapakita rin tayo ng magandang asal kung hindi tayo magkukuwentuhan, magte-text, kakain, o gagala sa mga pasilyo sa panahon ng programa.

7. Paano tayo maaaring tumanggap at pagmulan ng kaginhawahan habang nakikisama sa ating mga kapatid?

7 Nakagiginhawang Pagsasamahan: Ang mga kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng mga pagkakataon upang masiyahan sa nakagiginhawang pagkakaisa at kapatirang Kristiyano. (Awit 133:1-3) Bakit hindi ‘palawakin’ ang inyong pakikipagkaibigan at makipagkilala sa mga kapatid mula sa ibang kongregasyon? (2 Cor. 6:13) Gawing tunguhin na makakilala kahit isang kapatid o isang pamilya bawat araw. Magagawa natin ito sa pahinga sa tanghali. Kaya magdala ng simpleng baon at masiyahan sa pagkain at pakikisama sa iba sa lugar ng kombensiyon sa halip na umalis upang bumili ng pagkain o kumain sa kalapít na restawran. Maaari itong magdulot ng pagpapala—pagkakaroon ng bago at nagtatagal na mga kaibigan.

8. Bakit dapat tayong magboluntaryo sa kombensiyon, at paano natin ito magagawa?

8 Napakasayang magtrabahong kasama ng mga kapuwa mananamba sa sagradong paglilingkod! Maaari ba kayong magboluntaryo sa isang departamento o tumulong sa inyong kongregasyon sa atas nitong paglilinis? (Awit 110:3) Kung wala pa kayong atas na trabaho, pakisuyong lumapit sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang trabaho ay nagiging masaya at magaan kung marami ang nagtutulung-tulong.

9. Bakit dapat nating bigyang-pansin ang ating paggawi at hitsura sa panahon ng kombensiyon?

9 Ang Ating Paggawi ay Nakagiginhawa sa mga Nagmamasid: Tayo ay mga delegado sa kombensiyon sa loob ng tatlong araw, hindi lamang sa panahon ng programa. Dapat makita ng mga nagmamasid sa atin sa lugar ng kombensiyon ang pagkakaiba natin sa mga hindi Saksi. (1 Ped. 2:12) Ang ating pananamit at pag-aayos sa lugar ng kombensiyon, sa ating tuluyan, at sa mga restawran ay dapat na magparangal kay Jehova. (1 Tim. 2:9, 10) Kung suot natin ang ating mga lapel badge, makikilala tayo ng mga nagmamasid bilang mga Saksi ni Jehova. Maaari itong magbigay sa atin ng pagkakataong sabihin sa kanila ang tungkol sa ating kombensiyon at magbigay ng higit na patotoo.

10. Paano natin matitiyak na magiging positibo ang pangmalas sa ating kombensiyon ng mga manggagawa sa hotel at restawran?

10 Ang ilan sa atin ay maaaring tumuloy sa mga hotel sa panahon ng kombensiyon. Paano tayo makikipagtulungan sa mga manggagawa sa hotel at sa restawran? Dapat nating sundin ang mga tuntunin tungkol sa kung ilan ang maaaring tumuloy sa bawat silid. Iwasan din nating mag-ingay na makagagambala sa iba. Kung abala ang hotel pagdating o pag-alis natin, dapat tayong magpakita ng pagtitiis at kagandahang-loob. (Col. 4:6) Dapat tayong magbigay ng tip sa mga waiter sa restawran at sa mga manggagawa sa hotel na nagbibitbit ng ating mga bag, naglilinis ng ating silid, at nagseserbisyo sa atin.

11. Anong mga karanasan ang nagpapakitang nagkakaroon ng mainam na patotoo ang ating mabuting Kristiyanong paggawi?

11 Ano ang nagiging impresyon ng iba sa ating mabuting paggawi sa panahon ng kombensiyon? Ayon sa isang artikulo sa pahayagan, ganito ang sinabi ng manedyer sa isang pasilidad na ginamit para sa mga kombensiyon: “Magagalang sila. Gustung-gusto namin silang maging bisita taun-taon.” Noong nakaraang taon, nawala ng isang di-Saksi ang wallet niya sa hotel na tinuluyan ng mga delegado sa kombensiyon. Nang ibalik sa manedyer ng hotel ang wallet na walang bawas, sinabi ng manedyer sa may-ari ng wallet: “Mabuti nga at mga Saksi ni Jehova ang tumutuloy sa hotel na ito dahil may kombensiyon sila sa malapit. Kung nagkataong iba, baka hindi naisauli ang wallet mo.”

12. Habang papalapít ang kombensiyon, ano ang dapat na maging tunguhin ninyo, at bakit?

12 Papalapít na ang mga kombensiyon sa taóng ito. Malaking panahon at pagsisikap ang ginugol para maging nakapagpapaginhawa ang programa at lugar ng kombensiyon. Pagsikapang daluhan ang tatlong araw, at maging handa sa inilaan sa inyo ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Maging determinadong patibayin ang iba sa pamamagitan ng inyong mabuting asal, masayang pagsasamahan, at mainam na paggawi. Sa gayon, madarama ninyo at ng iba ang gaya ng isinulat ng isang delegado noong nakaraang taon, “Tunay ngang napakasayang karanasan!”

[Blurb sa pahina 3]

Gaya ng dati, tatlong linggo bago magsimula ang kombensiyon, namamahagi tayo ng imbitasyon sa iba

[Blurb sa pahina 4]

Ang ating pananamit at pag-aayos sa lugar ng kombensiyon, sa ating tuluyan, at sa mga restawran ay dapat na magparangal kay Jehova

[Blurb sa pahina 4]

Maging determinadong patibayin ang iba sa pamamagitan ng inyong mabuting asal, masayang pagsasamahan, at mainam na paggawi

[Kahon sa pahina 5]

Mga Paalaala sa 2011 na Pandistritong Kombensiyon

◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa nang 8:20 n.u. sa Biyernes at Sabado at 8:50 n.u. sa Linggo. Kapag ipinatalastas na magsisimula na ang pambungad na musika, lahat tayo ay dapat nang maupo upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa nang 4:00 n.h. sa Biyernes at Sabado, at 3:15 n.h. sa Linggo.

◼ Paradahan: Sa mga kombensiyon, ang kaayusan sa paradahan ay “first-come, first-served.” Dahil karaniwan nang limitado ang mapaparadahan, hangga’t maaari ay magsama-sama na lamang sa mga sasakyan sa halip na magdala ng kani-kaniyang sasakyan.

◼ Pagrereserba ng Upuan: Maaari lamang magreserba ng upuan para sa mga kasama mo sa bahay o sa sasakyan, pati na sa kasalukuyang inaaralan mo sa Bibliya.—1 Cor. 13:5.

◼ Pananghalian: Pakisuyong magbaon ng pananghalian sa halip na kumain sa labas. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampiknik na cooler at babasaging mga lalagyan ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.

◼ Donasyon: Maipapakita natin ang ating pagpapahalaga sa pagsasaayos ng kombensiyon sa pamamagitan ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Maaari itong ihulog sa mga kahon sa ating Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”

◼ Aksidente at Emergency: Kung may mangangailangan ng medikal na tulong, pakisuyong lumapit sa isang attendant, na kaagad namang magbibigay-alam nito sa First Aid para matingnan ng kuwalipikadong mga boluntaryo ang pasyente at makapagbigay ng tulong. Kung kinakailangan, tatawag ang mga boluntaryo sa pinakamalapit na ospital.

◼ Mga Gamot: Kung umiinom ka ng iniresetang gamot, pakisuyong magdala ng sapat na suplay dahil wala nito sa kombensiyon.

◼ Sapatos: Bawat taon, marami ang naaaksidente dahil sa kanilang sapatos. Makabubuting magsuot ng simple at tamang-sukat ng sapatos para makaiwas sa aksidente kapag dumaraan sa mga hagdanan, rampa, at iba pa.

◼ Rekording: Hindi dapat ikonekta sa saksakan ng kuryente o sound system ng pasilidad ang anumang uri ng rekorder. Maaari lamang itong gamitin kung hindi ito makaiistorbo sa iba.

◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ng litrato sa panahon ng sesyon, pakisuyong huwag gumamit ng flash ni pumuwesto man sa lugar na makaiistorbo sa iba.

◼ Please Follow Up (S-43) Form: Dapat isulat sa Please Follow Up form ang impormasyon tungkol sa sinumang nagpakita ng interes sa ating di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang mga form na napunan ay maaaring ibigay sa Book Room o sa inyong kalihim pagbalik sa kongregasyon.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Nobyembre 2009, p. 4.

◼ Restawran: Parangalan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng iyong mainam na paggawi kapag nasa mga restawran. Magbigay ng tip kung ito ang kaugalian.

◼ Badge Card: Pakisuyong isuot ang iyong badge card habang nagbibiyahe o nasa kombensiyon. Makukuha lamang ang mga ito sa inyong kongregasyon. Kumuha na agad nito para sa iyo at sa iyong pamilya.

◼ Bautismo: Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat maupo sa mga upuang inireserba para sa kanila bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Dapat magdala ang bawat isa ng mahinhing pambasâ at tuwalya. Para matiyak na angkop ang magiging pananamit ng mga kandidato, dapat itong banggitin ng mga elder na magrerepaso sa kanila ng mga tanong sa aklat na Organisado.

◼ Pagboboluntaryo: Lalo tayong magiging maligaya sa pagdalo sa kombensiyon kung magboboluntaryo tayong tumulong sa mga gawain dito. (Gawa 20:35) Sinumang nagnanais na magboluntaryo ay dapat magpunta sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay maaari ding magboluntaryo kung may patnubay ng magulang o guardian, o iba pang adultong pinahintulutang magbantay sa kanila.

[Kahon sa pahina 3]

Paano Natin Iaalok ang Imbitasyon?

Para makubrehan ang teritoryo, dapat na maikli lamang ang ating presentasyon. Maaari nating sabihin: “Magandang umaga po. Namamahagi kami ng imbitasyong ito na ginagawa rin sa buong daigdig. Ito po ang inyong kopya. Mababasa po ninyo sa imbitasyon ang ibang mga detalye.” Ang unang pahina ng imbitasyon ay nakatatawag-pansin, kaya iabot ito sa may-bahay sa paraang makikita niya ito. Maging masigla. Kapag namamahagi nito sa mga dulo ng sanlinggo, dapat ding ialok ang mga magasin.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share