Pandistritong Kombensiyon—Panahon ng Maligayang Pagsamba
1. Paano nagkakatulad ang mga kapistahan ng Israel at ang ating pandistritong mga kombensiyon?
1 Regular na nagpupunta sina Jose, Maria, ang kanilang mga anak, at iba pa sa Jerusalem para dumalo sa taunang mga kapistahan. Kinakalimutan muna nila ang pang-araw-araw na mga alalahanin at nagtutuon ng pansin sa mas mahalagang espirituwal na mga bagay. Sa mga kapistahang ito, nagkakaroon sila ng pagkakataon na bulay-bulayin at pag-usapan ang kabutihan ni Jehova at ang kaniyang Kautusan. Ang ating nalalapit na pandistritong kombensiyon ay magbibigay rin sa atin ng pagkakataon para maligayang sambahin si Jehova.
2. Anu-ano ang kailangan nating gawin para makapaghanda sa nalalapit na pandistritong kombensiyon?
2 Paghahanda: Mula sa Nazaret, kailangang maglakad ng pamilya ni Jesus nang 200 kilometro balikan. Bagaman hindi natin alam kung ilan silang magkakapatid, maguguni-guni natin ang pagsisikap at paghahanda na ginawa nina Jose at Maria. Nakapaghanda ka na ba para makadalo sa buong tatlong-araw na pandistritong kombensiyon? Baka kailangan mong kausapin ang iyong amo o ang guro ng iyong anak para makapagbakasyon. Maaari ka bang magkusang tumulong sa iyong mga kakongregasyon na may pantanging pangangailangan para makadalo sila sa kombensiyon?—1 Juan 3:17, 18.
3. Bakit masasabing magandang pagkakataon ang mga kapistahan ng Israel para mapatibay ang isa’t isa?
3 Nakapagpapatibay na Pagsasamahan: Isa ngang magandang pagkakataon ang Judiong mga kapistahan para magpatibayan ang mga mananamba! Siguradong sabik ang pamilya ni Jesus na makitang muli ang kanilang mga kaibigan. Nasiyahan din sila na magkaroon ng bagong mga kaibigang Judio at proselitang naroroon o nakasabay nilang maglakbay.
4. Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang ating nagkakaisang kapatirang Kristiyano?
4 Isang dahilan kung bakit isinaayos ng tapat at maingat na alipin na magsama-sama tayo sa pakikinig sa mga pahayag sa pandistritong kombensiyon ay para magpatibayan sa isa’t isa. (Heb. 10:24, 25) Kaya naman hindi nila basta inimprenta lang ang mga impormasyong makukuha rito. Kung gayon, magplano na para makarating nang maaga sa kombensiyon bawat araw upang makahalubilo ang iba bago magsimula ang musikang naghuhudyat na dapat na tayong maupo. Sa halip na lumabas para bumili ng pagkain, pinasisigla tayong magbaon na lang ng kaunting pananghalian at manatili sa kombensiyon para makilala at makausap ang mga dumalo. Ang ating nagkakaisang kapatirang Kristiyano ay isang regalo mula kay Jehova, kaya dapat natin itong pahalagahan.—Mik. 2:12.
5. Ano ang tutulong sa atin na lubos na makinabang sa programa?
5 Isang Panahon Para Matuto: Bata pa si Jesus, sinamantala na niya ang mga kapistahan para matuto tungkol sa kaniyang makalangit na Ama. (Luc. 2:41-49) Ano ang tutulong sa atin at sa ating pamilya na lubos na makinabang sa mga bahagi ng kombensiyon? Sa panahon ng sesyon, manatiling nakaupo at huwag makipagdaldalan. Huwag hayaang makaistorbo sa iyo at sa iba ang iyong cellphone o iba pang gadyet. Tumingin sa tagapagsalita, at kumuha ng maiikling nota. Umupong magkakasama bilang pamilya para matiyak na nakikinig din ang iyong mga anak. Sa gabi, maglaan ng panahon para pag-usapan ang mga puntong nagustuhan ninyo.
6. Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa ating pananamit at pag-aayos?
6 Pananamit at Pag-aayos: Madaling makilala ng mga dayuhang negosyante ang pamilya ni Jesus at iba pang Judiong mananamba na naglalakbay papunta at pabalik mula sa mga kapistahan. Dahil ito sa kanilang kasuutan na may panggilid na palawit na may panaling asul sa itaas ng palawit. (Bil. 15:37-41) Bagaman hindi na nagsusuot ng naiibang damit ang mga Kristiyano, kilala tayo sa mahinhing pananamit at pagiging malinis at maayos. Dapat na maging palaisip tayo sa ating hitsura habang nagbibiyahe papunta sa kombensiyon at pauwi, at habang nasa mismong lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon. Kung magpapalit tayo ng damit pagkatapos ng programa, dapat na manatiling disente ang ating hitsura, at nakasuot pa rin ang ating badge card. Sa ganitong paraan, mamumukod-tangi tayo sa mga hindi Saksi at makapag-iiwan ng mabuting impresyon sa mga nagmamasid.
7. Bakit dapat nating pag-isipan na magboluntaryo sa kombensiyon?
7 Pagboboluntaryo: Kailangan ng maraming boluntaryo para maging maayos ang kombensiyon. Maaari ka rin bang magboluntaryo? (Awit 110:3) Bahagi ng ating sagradong paglilingkod ang mga gawain sa kombensiyon at nakapagbibigay ito ng mainam na patotoo. Ang manedyer ng isa sa mga pasilidad na ginamit sa kombensiyon ay hangang-hanga sa paglilinis ng mga boluntaryo sa gusali kaya isinulat niya: “Gusto ko kayong pasalamatan sa pinakamagandang pagtitipon na nadaluhan ko. Lagi kong nababalitaan na espesyal ang mga Saksi ni Jehova at noon pa man ay kilala na sila sa pag-iiwan ng isang pasilidad na mas malinis kaysa noong una nila itong ginamit. Ginawa ninyo at ng inyong organisasyon na mas maganda ang pasilidad na ito. Ang inyong mga miyembro ang pinakamababait na taong nakatrabaho namin, at ikinararangal namin ito.”
8. Sa anu-anong pagkakataon tayo makapagpapatotoo sa lugar ng kombensiyon?
8 Mga Pagkakataong Magpatotoo: Marami sa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon ang makakapansin sa mga bisitang disente ang pananamit at gupit ng buhok at may suot na badge card. Maaari silang mag-usisa, at magbubukas ito ng pagkakataon na masabi natin sa kanila ang tungkol sa kombensiyon. Isang apat-na-taóng gulang ang nagdala ng kaniyang bagong publikasyon sa isang restawran pagkatapos ng programa at ipinakita ito sa waitress. Dahil dito, naimbitahan ng mga magulang ng bata ang babae sa kombensiyon.
9. Paano natin matutularan ang pagpapahalaga ng pamilya ni Jesus sa mga espirituwal na paglalaan ni Jehova?
9 Ang mga kapistahan noon ay masasayang okasyon na pinananabikan ng mga Judiong palaisip sa espirituwal. (Deut. 16:15) Handang magsakripisyo ang pamilya ni Jesus para madaluhan ang mga ito at makinabang nang lubos. Ganiyan din ang pagpapahalaga natin sa ating pandistritong kombensiyon. Itinuturing natin itong regalo mula sa ating maibiging makalangit na Ama. (Sant. 1:17) Kaya maghanda na ngayon para sa taunang pagkakataong ito na maligayang sambahin si Jehova!
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa nang 8:20 n.u. sa Biyernes at Sabado at 8:50 n.u. sa Linggo. Kapag ipinatalastas na magsisimula na ang pambungad na musika, lahat tayo ay dapat nang maupo upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa nang 3:55 n.h. sa Biyernes at Sabado, at 3:15 n.h. sa Linggo.
◼ Paradahan: Sa mga kombensiyon, ang kaayusan sa paradahan ay “first-come, first-served.” Dahil karaniwan nang limitado ang mapaparadahan, hangga’t maaari ay magsama-sama na lamang sa mga sasakyan sa halip na magdala ng kani-kaniyang sasakyan.
◼ Pagrereserba ng Upuan: Maaari lamang magreserba ng upuan para sa mga kasama mo sa sasakyan o sa bahay, pati na sa kasalukuyang inaaralan mo sa Bibliya.
◼ Pananghalian: Pakisuyong magbaon ng pananghalian sa halip na kumain sa labas. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampiknik na cooler at babasaging mga lalagyan ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
◼ Donasyon: Maipapakita natin ang ating pagpapahalaga sa pagsasaayos ng kombensiyon sa pamamagitan ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Maaari itong ihulog sa mga kahon sa ating Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”
◼ Aksidente at Emergency: Kung may mangailangan ng agarang medikal na tulong, pakisuyong lumapit sa isang attendant, na kaagad namang magbibigay-alam nito sa First Aid para matingnan ng kuwalipikadong mga boluntaryo ang pasyente at makapagbigay ng tulong. Kung kinakailangan, tatawag ang mga boluntaryo sa pinakamalapit na ospital.
◼ Mahihina ang Pandinig: Sa ilang kombensiyon, ang programa ay isasahimpapawid sa palibot ng awditoryum sa isang FM radio frequency. Para mapakinggan ito, kailangang magdala ng maliit at de-batiryang radyong FM na may mga earphone.
◼ Rekording: Hindi dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sound system ng pasilidad ang anumang uri ng rekorder. Maaari lamang itong gamitin kung hindi ito makakaistorbo sa iba.
◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ng litrato sa panahon ng sesyon, huwag gumamit ng flash ni pumuwesto man sa lugar na makakaistorbo sa iba.
◼ Follow-up Form: Dapat isulat sa Please Follow Up (S-43) form ang impormasyon tungkol sa sinumang nagpakita ng interes sa ating di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang mga form na napunan ay maaaring ibigay sa Book Room o sa inyong kalihim pagbalik sa kongregasyon.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Nobyembre 2009, p. 4.
◼ Restawran: Parangalan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng iyong mainam na paggawi kapag nasa mga restawran. Sa maraming lugar, kaugalian nang magbigay ng 10 porsiyentong tip, depende sa serbisyo.
◼ Badge Card: Pakisuyong isuot ang inyong badge card habang nagbibiyahe o nasa kombensiyon. Makukuha lamang ang mga ito sa inyong kongregasyon. Kumuha na agad nito para sa iyo at sa iyong pamilya.
◼ Bautismo: Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat maupo sa mga upuang inireserba para sa kanila bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Dapat magdala ang bawat isa ng mahinhing pambasâ at tuwalya. Para matiyak na angkop ang magiging pananamit ng mga kandidato, dapat itong banggitin ng mga elder na magrerepaso sa kanila ng mga tanong sa aklat na Organisado.
◼ Pagboboluntaryo: Lalo tayong magiging maligaya sa pagdalo sa kombensiyon kung magboboluntaryo tayong tumulong sa mga gawain dito. (Gawa 20:35) Sinumang nagnanais na magboluntaryo ay dapat magpunta sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay maaari ding magboluntaryo kung may patnubay ng magulang o guardian, o iba pang adultong pinahintulutang magbantay sa kanila.