Handa Ka na Ba Para sa Isang Espirituwal na Piging?
1. Anong paghahanda ang kailangan para sa isang piging?
1 Malaking preparasyon ang kailangan para sa isang piging. Ang mga pagkain ay kailangang ihanda, lutuin at pasarapin, at saka ihain. Kailangang maayos ang paghahain ng mga nilutong putahe. Bukod diyan, dapat na ihanda ang lugar kung saan gaganapin ang piging. Maging ang mga bisita ay dapat ding maghanda para makarating sa salu-salo, lalo na kung kailangan pa nilang magbiyahe nang malayo. Bagaman matrabaho ang paghahanda ng isang piging, masaya namang makasalo ang mga kaibigan at kapamilya sa masarap at masustansiyang mga pagkain. Ang mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas ay malapit nang magtipon, sa malalaki at maliliit na grupo, para sa pinakahihintay na espirituwal na piging—ang “Patuloy na Magbantay!” na Pandistritong Kombensiyon. Malaking panahon ang ginugugol sa paghahanda ng programa at pagsasaayos ng mga bagay-bagay. Lahat tayo ay inaanyayahan. Para madaluhan ito at lubos na makinabang, dapat din tayong maghandang mabuti.—Kaw. 21:5.
2. Ano ang kailangan nating gawin para madaluhan ang lahat ng araw ng kombensiyon?
2 Lubos na Makinabang: Nakapagplano ka na ba para madaluhan ang lahat ng araw ng kombensiyon? Kung kinakailangan, sabihin sa iyong employer na dadalo ka sa lahat ng sesyon ng kombensiyon, pati na sa unang araw. Mayroon ka na bang masasakyan at matutuluyan? Dapat tiyakin ng mga elder na naaasikaso ang mga may-edad at may-kapansanan, pati na ang iba na nangangailangan ng tulong.—Jer. 23:4; Gal. 6:10.
3. Bakit mabuting dumalo sa kombensiyon kung saan nakaatas ang ating kongregasyon?
3 Tandaan, bawat kongregasyon ay may kani-kaniyang iskedyul ng dadaluhang pandistritong kombensiyon. Pinag-isipang mabuti ng tanggapang pansangay kung gaano karami ang magkakasiya sa lugar ng kombensiyon, batay sa bilang ng mga upuan. Baka magsiksikan tayo kung dadalo tayo sa mga kombensiyong hindi naman natin iskedyul.
4. Anong mga paalaala ang tutulong sa atin na maging handa sa pagsisimula ng programa bawat araw?
4 Maagang dumating sa kombensiyon bawat araw para makahanap ng upuan bago magsimula ang programa. Basahin ang inimprentang programa ilang minuto bago magsimula ang sesyon. Tutulong ito na maihanda ang iyong puso sa mga impormasyong ihaharap. (Ezra 7:10) Kapag ipinatalastas ng tsirman na magsisimula na ang musika, masiyahan sa pakikinig dito, at pagkatapos ay maghanda na para sa pambungad na awit at panalangin.
5. Paano lubos na makikinabang sa programa ang ating pamilya?
5 Kung uupong magkakasama ang mga miyembro ng pamilya sa panahon ng sesyon, masusubaybayan ng mga magulang kung nakikinig ba ang kanilang mga anak. (Deut. 31:12) Pinasisigla ang lahat na sundan sa kani-kanilang Bibliya ang mga teksto habang binabasa ang mga ito. Ang pagkuha ng maiikling nota ay tutulong sa inyo na magtuon ng pansin sa programa at matandaan ang mga pangunahing punto. Sa panahon ng sesyon, iwasang makipagkuwentuhan sa katabi o umalis sa upuan. Kung may cellphone kayo, huwag hayaang makagambala ito sa inyo o sa iba. Pagkatapos ng sesyon sa bawat araw, bakit hindi ipakipag-usap sa iba ang mga puntong nagustuhan mo?
6. Ano ang isa sa pinakamasayang pagkakataon sa ating mga kombensiyon, at paano tayo lubos na masisiyahan dito?
6 Sa kombensiyon, may pagkakataon tayong mapalapít sa ating mga kapatid—isang ugnayang wala sa sanlibutan. (Awit 133:1-3; Mar. 10:29, 30) Sa panahon ng intermisyon, bakit hindi makipagkilala sa mga katabi ninyo sa upuan at makipagkuwentuhan sa kanila? Isang dahilan ito kung bakit makabubuting magdala ng simpleng pananghalian lamang at manatili sa lugar ng kombensiyon kaysa kumain pa sa labas. Tiyakin na hindi masasayang ang ganitong pagkakataong makipagpalitan ng pampatibay-loob.—Roma 1:11, 12.
7. Ano ang dapat nating pag-isipan kapag pinaghahandaan ang isusuot sa kombensiyon?
7 Pananamit: Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na lagyan ng panggilid na palawit ang laylayan ng kanilang mga kasuutan, na may panaling asul sa ibabaw ng palawit. (Bil. 15:37-41) Isa itong palatandaan na sila ay bayang nakahiwalay ukol sa pagsamba kay Jehova. Sa ngayon, ang ating disente at mahinhing pananamit kapag nasa kombensiyon ay nagpapakitang hiwalay tayo sa sanlibutan. Mabisang patotoo ito sa mga nagmamasid, tayo man ay kumakain sa labas pagkatapos ng programa. Kaya pag-isipang mabuti kung ano ang inyong isusuot.
8. Paano tayo maaaring makapagpatotoo habang nasa lunsod kung saan gaganapin ang kombensiyon?
8 Magpatotoo: Kung paghahandaan natin, makapagpapatotoo tayo habang nasa lunsod kung saan gaganapin ang kombensiyon. Isang brother ang pumunta sa restawran kasama ang kaniyang asawa pagkatapos ng programa. Itinuro ng brother sa weyter ang kaniyang badge card at nagtanong: “Marami ka bang nakita na nakasuot ng ganito?” Sinabi ng weyter na marami nga siyang nakita at nagtataka siya kung bakit sila nakasuot ng ganoon. Dahil dito, napasimulan ang pag-uusap at inimbitahan ng brother ang weyter na dumalo sa kombensiyon.
9. Paano natin maipapakita ang pagpapahalaga sa ating Punong-Abala, si Jehova?
9 Bagaman ang mga brother ang maghaharap ng mga pahayag, panayam, at pagtatanghal, ang ating makalangit na Ama, si Jehova, ang siyang maibiging Tagapaglaan ng ganitong taunang espirituwal na piging. (Isa. 65:13, 14) Maipapakita natin ang pagpapahalaga sa ating Punong-Abala kung dadaluhan natin ang lahat ng araw ng kombensiyon at lalasapin ang bawat espirituwal na pagkaing inihanda roon. Nakapaghanda ka na ba?
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa nang 8:20 n.u. sa Biyernes at Sabado, at 8:50 n.u. sa Linggo. Kapag ipinatalastas na magsisimula na ang pambungad na musika, lahat tayo ay dapat nang maupo upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa nang 3:55 n.h. sa Biyernes at Sabado, at 4:00 n.h. sa Linggo.
◼ Paradahan: Sa mga kombensiyon, ang kaayusan sa paradahan ay “first-come, first-served.” Dahil karaniwan nang limitado ang mapaparadahan, hangga’t maaari ay magsama-sama na lamang sa mga sasakyan sa halip na magdala ng kani-kaniyang sasakyan.
◼ Pagrereserba ng Upuan: Ang mga upuan ay maaari lamang ireserba sa mga kasama mo sa sasakyan o sa bahay.
◼ Pananghalian: Pakisuyong magbaon ng pananghalian sa halip na kumain sa labas. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampiknik na cooler at babasaging mga lalagyan ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
◼ Donasyon: Maipapakita natin ang ating pagpapahalaga sa pagsasaayos ng kombensiyon sa pamamagitan ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Maaari itong ihulog sa mga kahon sa ating Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”
◼ Aksidente at Emergency: Kung may mangailangan ng agarang medikal na tulong, pakisuyong lumapit sa isang attendant, na kaagad namang magbibigay-alam nito sa First Aid Department para matingnan ng kuwalipikadong mga boluntaryo ang pasyente at makapagbigay ng tulong. Kung kinakailangan, tatawag ang mga boluntaryo sa pinakamalapit na ospital.
◼ Mahihina ang Pandinig: Sa ilang kombensiyon, ang programa ay isasahimpapawid sa palibot ng awditoryum sa isang FM radio frequency. Para mapakinggan ito, kailangan mong magdala ng maliit at de-batiryang radyong FM na may mga earphone.
◼ Rekording: Hindi dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sound system ng pasilidad ang anumang uri ng rekorder. Maaari lamang itong gamitin kung hindi ito makakaistorbo sa iba.
◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ng litrato sa panahon ng sesyon, huwag gumamit ng flash ni pumuwesto man sa lugar na makakaistorbo sa iba.
◼ Mga Pager at Cellphone: Dapat itong i-silent o patayin para hindi makagambala sa iba.
◼ Follow-up Form: Dapat isulat sa Please Follow Up (S-43) form ang impormasyon tungkol sa sinumang nagpakita ng interes sa ating di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang mga form na napunan ay maaaring ibigay sa Book Room o sa inyong kalihim pagbalik sa kongregasyon.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 2005, pahina 6.
◼ Restawran: Parangalan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng iyong mainam na paggawi kapag nasa mga restawran. Sa maraming lugar, kaugalian nang magbigay ng 10 porsiyentong tip, depende sa serbisyo.
◼ Badge Card: Pakisuyong isuot ang inyong badge card habang nagbibiyahe o nasa kombensiyon. Makukuha lamang ang mga ito sa inyong kongregasyon. Kumuha na agad nito para sa iyo at sa iyong pamilya.
◼ Bautismo: Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat maupo sa mga upuang inireserba para sa kanila bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Dapat magdala ang bawat isa ng mahinhing pambasâ at tuwalya. Para matiyak na angkop ang magiging pananamit ng mga kandidato, dapat itong banggitin ng mga elder na magrerepaso sa kanila ng mga tanong sa aklat na Organisado.
◼ Paggawi na Lumuluwalhati sa Diyos: Kapag ipinapakita natin ang mga bunga ng espiritu, lalo na sa ating pananalita at paggawi kapag nasa restawran, hotel, o sa biyahe, nakadaragdag tayo sa magandang reputasyon ng bayan ni Jehova at naiiwasan nating makatisod. (1 Cor. 10:31; 2 Cor. 6:3, 4) Nawa ang pagdalo at paggawi mo sa panahon ng 2009 Pandistritong Kombensiyon ay makapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos!—1 Ped. 2:12.