Sundan ang Kristo sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal
1. Paano nauugnay sa pagpapakita ng dangal ang tema ng kombensiyon sa taóng ito?
1 Ang Soberano ng Sansinukob, si Jehova, ay inilalarawan ng Bibliya na nadaramtan ng dangal. (Awit 104:1) Palaging nagsasalita at kumikilos si Jesus sa paraang nagpaparangal sa kaniyang Ama at sa mga kaayusan ng kaniyang Ama. (Juan 17:4) Bawat isa sa atin ay magkakaroon ng pagkakataong tumulad kay Jesus at lumuwalhati kay Jehova sa nalalapit na “Sundan ang Kristo!” na mga Pandistritong Kombensiyon.
2. Paano magpaparangal kay Jehova ang ating paghahanda para makadalo sa bawat sesyon?
2 Marangal na Pagsamba: Mapararangalan natin si Jehova kung maghahanda tayo para makadalo sa espirituwal na kapistahang inihanda niya para sa atin. Nagpaalam ka na ba sa iyong pinagtatrabahuhan at naisaayos mo na ba ang iyong iskedyul para madaluhan ang tatlong araw na kombensiyon, pati na ang Biyernes? Naiplano mo na bang makarating nang maaga upang makahanap ng mauupuan at makasama sa pambukas na awit at panalangin? Naiplano mo na ba ang iyong tanghalian upang makasalo ang mga kapatid sa lugar ng kombensiyon? Sa pasimula ng bawat sesyon kapag magalang na tayong pinauupo ng tsirman, tapusin na natin agad ang pag-uusap at maupo na bago magsimula ang programa.
3. Paano nagpaparangal sa ating pagsamba ang matamang pakikinig sa programa?
3 Ang matamang pakikinig sa programa ay nagpaparangal din sa ating makalangit na Ama. Matapos obserbahan ang isang lokal na pandistritong kombensiyon, isinulat ng isang reporter na hahanga ang mga nagmamasid sa “napakagandang paggawi ng mga naroroon habang matamang nakikinig bilang pagpapakita ng kanilang paggalang at interes sa espirituwal na mga bagay.” Binanggit din niya ang “pambihirang bilang ng mga bata . . . , na nakapagtatakang tahimik o abala pa nga sa paghanap ng mga talata sa Banal na Bibliya.” Habang nagaganap ang programa, hindi ito panahon para sa di-kinakailangang pag-uusap, pagte-text, pagkain, o paglalakad-lakad sa mga pasilyo. Dapat na katabi ng mga magulang ang kani-kanilang anak upang matulungan ang mga ito na makinabang sa programa. (Deut. 31:12; Kaw. 29:15) Ang ganitong pagsisikap ay nagpapakita ng paggalang sa iba at pagpapahalaga sa inihandang espirituwal na pagkain.
4. Bakit dapat na marangal ang ating hitsura habang nasa kombensiyon?
4 Marangal na Hitsura: Marami ang nagpasalamat sa mga paalaalang ibinigay sa pandistritong kombensiyon noong nakaraang taon sa pahayag na “Magpakita ng Dangal sa Lahat ng Panahon Bilang mga Kristiyano,” na nagdiin na dapat pagsikapan ng mga lingkod ng Diyos na magpakita ng dangal bilang Kristiyano sa kanilang pananamit at pag-aayos. Sa taóng ito, bibigyang-pansin nating muli ang bagay na ito. Makikita sa ating hitsura ang ating damdamin para kay Jehova at sa pribilehiyong maging mga Saksi niya. Dapat na palaging nakabihis tayo bilang mga “nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.”—1 Tim. 2:9, 10.
5. Paano natin mapananatili ang marangal na hitsura sa panahon ng pamamasyal sa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon?
5 Sa pagdalo ba lamang sa kombensiyon tayo dapat magpakita ng marangal na hitsura? Tandaan na marami ang makakakitang may suot tayong badge sa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon. Dapat na naiiba ang ating hitsura sa karamihan. Kung gayon, kahit sa pamamasyal, gaya ng paglabas para kumain pagkatapos ng kombensiyon, dapat na ang ating pananamit ay angkop sa mga ministrong nasa lunsod para dumalo sa kombensiyong Kristiyano at hindi dapat magsuot ng jeans, shorts, o T-shirt. Kaylaking patotoo ang maibibigay nito sa komunidad! Natutuwa si Jehova kapag nakikita sa ating hitsura ang papel natin bilang mga ministro.
6. Ano ang magagandang resulta ng pagpapakita ng Kristiyanong dignidad?
6 Magagandang Resulta: Ang pagpapakita ng Kristiyanong dignidad sa ating mga kombensiyon ay nagbubukas ng mga pagkakataong makapagpatotoo nang di-pormal at nag-iiwan ng magandang impresyon sa mga nagmamasid. Sa pagtatapos ng isang kombensiyon, nagkomento ang isang opisyal: “Ngayon lang kami nakakita ng ganito kababait na mga tao. Mga katulad ninyo ang inaasahan ng Diyos sa atin.” Ang pagpapamalas ng dangal ay nagpapakita ng paggalang at pag-ibig sa isa’t isa at lumuluwalhati kay Jehova. (1 Ped. 2:12) Ipinakikita nito ang ating makadiyos na takot at pagpapahalaga sa pribilehiyo na maturuan ng ating Ama. (Heb. 12:28) Sikapin sana nating magpakita ng dangal habang pinaghahandaan natin ang “Sundan ang Kristo!” na Pandistritong Kombensiyon sa taóng ito.
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa sa ganap na 8:20 n.u. sa buong tatlong araw. Kapag nagsimula na ang pambungad na musikang pang-Kaharian, tayong lahat ay dapat nang maupo upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa sa ganap na 4:05 n.h. sa Biyernes at Sabado at 4:10 n.h. sa Linggo.
◼ Paradahan: Yamang karaniwan nang limitado ang paradahan, mas mabuti kung magsama-sama sa isang sasakyan hangga’t maaari sa halip na isa o dalawang tao lamang ang sakay ng isang kotse.
◼ Pagrereserba ng Upuan: Ang mga upuan ay maaari lamang ireserba sa mga kasama mo sa sasakyan o sa bahay.
◼ Pananghalian: Pakisuyong magdala ng pananghalian sa halip na umalis sa kombensiyon upang bumili ng pagkain sa panahon ng intermisyon sa tanghali. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng inyong upuan. Ang malalaking pampamilyang cooler na ginagamit sa piknik, mga babasaging lalagyan, at mga inuming de-alkohol ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
◼ Donasyon: Malaking gastusin ang nasasangkot sa paghahanda ng mga pandistritong kombensiyon. Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain sa ating Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”
◼ Rekording: Ang anumang uri ng rekorder ay hindi dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sound system ng pasilidad at maaari lamang itong gamitin kung hindi ito nakaiistorbo sa iba.
◼ Follow-Up Form: Dapat gamitin ang Please Follow Up (S-43) form upang magbigay ng impormasyon hinggil sa sinumang nagpakita ng interes sa ating di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang napunang mga form ay maaaring isumite sa Book Room o sa kalihim ng inyong kongregasyon pagbalik mo sa inyong kongregasyon.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 2005, p. 6.