Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 10/05 p. 4-5
  • Dakilain si Jehova sa Malaking Kongregasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dakilain si Jehova sa Malaking Kongregasyon
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Patuloy na Hintayin si Jehova
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2006
  • Sundan ang Kristo sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2007
  • Isang Okasyon Upang Pakainin ni Jehova at Magsaya
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2008
  • Pandistritong Kombensiyon—Panahon ng Maligayang Pagsamba
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
Iba Pa
Ating Ministeryo sa Kaharian—2005
km 10/05 p. 4-5

Dakilain si Jehova sa Malaking Kongregasyon

1, 2. Anong pagkakataon ang ibinibigay sa atin ng pandistritong kombensiyon, at ano ang isang paraan upang magawa natin ito?

1 Ang ating taunang mga pandistritong kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng kamangha-manghang pagkakataon upang luwalhatiin si Jehova. Nadarama natin ang nadama ni David, na umawit: “Dadakilain kita sa malaking kongregasyon; sa gitna ng maraming tao ay pupurihin kita.” (Awit 35:18) Sa nalalapit na “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong Kombensiyon, paano natin matitiyak na magdudulot tayo ng kapurihan kay Jehova bilang isang nagkakaisang bayan?

2 Ang isang paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng ating paggawi. Ganito ang sinabi ng pangasiwaan ng isang pasilidad sa kombensiyon: “Batay sa inyong mga kombensiyon, sinabi namin sa ibang relihiyosong mga grupo na gustong umarkila sa pasilidad na pumunta sila rito at tingnan kung paano isinasaayos ng mga Saksi ni Jehova ang kombensiyon, yamang napakahusay ng kanilang kaayusan.” Sa pamamagitan ng ating hitsura, ng ating pakikipagtulungan, at ng ating paggawi, bawat isa sa atin ay maaaring magdulot ng gayong masiglang papuri, na nararapat lamang sa ating Diyos.—1 Ped. 2:12.

3, 4. Paano tutulong sa atin ang kahinhinan upang makapanamit tayo sa paraan na angkop sa Kristiyanong mga ministro, sa panahon ng kombensiyon at pagkatapos ng mga sesyon?

3 Personal na Hitsura: Kailangan ang kahinhinan upang makapanamit at makapag-ayos tayo sa paraang nagdudulot ng papuri kay Jehova. (1 Tim. 2:9) Ganito ang sinasabi sa aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo, pahina 132: “Nag-iingat ang isang taong mahinhin [na huwag makasakit ng] damdamin ng iba at [huwag makatawag] ng labis na pansin sa sarili.” Sa maraming lupain, pangkaraniwan na lamang ang di-mahinhing pananamit. Gayunman, pinahahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap nating katawanin siya sa angkop na paraan. (Gawa 15:14) Bagaman ang kombensiyon ay maaaring idinaraos sa isang sports center o pasilidad sa paglilibang, ang pagtitipon ay nagiging “malaking kongregasyon” natin sa loob ng tatlong araw na kombensiyon. Kaya kapag nagtitipon tayo sa harap ni Jehova, dapat tayong manamit nang may dignidad na karapat-dapat sa pinakamataas na Persona sa sansinukob.—1 Cro. 29:11.

4 Dapat din nating bigyang-pansin ang ating hitsura pagkatapos ng pangwakas na sesyon sa bawat araw. Bagaman maaaring naisin nating magsuot ng mas komportableng damit kapag naglilibang o kumakain sa restawran, mahalaga na ang ating pananamit at pag-aayos ay angkop pa rin sa mga “nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” (1 Tim. 2:10) Hindi nagiging katanggap-tanggap ang isang pananamit dahil lamang sa uso ito sa sanlibutan. (1 Juan 2:16, 17) Ang ating Kristiyanong mga publikasyon ay naglalaan ng nakatutulong na mga larawan ng mahinhin at maayos na pananamit ng mga lalaki at babae sa iba’t ibang kalagayan. Ang pagsusuot ng ating mga badge card samantalang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon ay magpapaalaala sa atin na tayo’y Kristiyanong mga ministro sa lahat ng panahon.—2 Cor. 6:3, 4.

5. Anong mabuting halimbawa ang ipinakita ng bayan noong panahon ni Ezra?

5 Igalang ang Mesa ni Jehova: Noong panahon ni Ezra, nang naghahanda siya para basahin ang Kasulatan, “tumayo ang buong bayan” bilang paggalang at pag-asam sa tagubilin na kanilang tatanggapin. Habang patuloy si Ezra sa pagbasa, “ang pandinig ng buong bayan ay nakatuon.” (Neh. 8:3, 5, 6) Kinilala nila na si Jehova ang nagsasalita sa kanila, at ito ang nag-udyok sa kanila na makinig nang mabuti at may pagpipitagan. Napakikilos ba tayong tumugon sa gayunding paraan sa panahon ng ating mga kombensiyon?

6, 7. Paano natin maipakikita ang paggalang sa espirituwal na mesa ni Jehova?

6 Inihanda ng Soberanong Panginoon ng uniberso sa harap natin ang isang piging. (Isa. 25:6; 1 Cor. 10:21) Kung lubos nating pinahahalagahan ang ating dako sa espirituwal na mesa ni Jehova, gagawin nating tunguhin na daluhan ang buong tatlong araw ng kombensiyon. Naisaayos mo na ba ang iyong tuluyan, transportasyon, at bakasyon sa sekular na trabaho? Naglaan ka na ba ng sapat na panahon sa paghahanda at paglalakbay upang maaga kang makarating sa lugar ng kombensiyon at makahanap ng mauupuan, makipagsamahan sa iyong mga kapatid, at makibahaging kasama nila sa pagpuri kay Jehova sa pambukas na awit at panalangin?—Awit 147:1.

7 Ang paggalang sa mesa ni Jehova ay magpapakilos sa atin na magtuon ng matamang pansin sa programa at umiwas sa di-kinakailangang pakikipag-usap sa iba, pagkain, o paglalakad-lakad sa mga pasilyo habang nagaganap ang programa. Sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin, naglalaan si Jehova ng espirituwal na pagkain na kailangan natin sa ngayon. (Mat. 24:45) Dapat nating mapakinggan ang buong programa. Ang mga magulang ay dapat umupong kasama ng kanilang mga anak at tulungan silang makinabang nang lubusan.—Deut. 31:12.

8. Ano ang hinihiling na gawin natin hinggil sa ating pananghalian, at bakit?

8 Hinihiling sa atin na magbaon tayo ng pananghalian sa halip na umalis sa lugar ng kombensiyon upang bumili ng pagkain sa panahon ng intermisyon sa tanghali. Kapuri-puri naman na maingat na sumunod sa tagubiling ito ang karamihan sa mga delegado sa kombensiyon noong nakaraang taon. Napakainam nga kung gayundin ang gagawin ng lahat sa taóng ito! (Heb. 13:17) Ang kaayusang ito ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon upang tamasahin ang nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa ating mga kapatid at nakadaragdag sa espiritu ng pagkakaisa at kapayapaan na nagpaparangal kay Jehova.—Awit 133:1.

9, 10. Anong karagdagang pagkakataon upang purihin si Jehova ang ibinibigay sa atin ng kombensiyon?

9 Pagpapatotoo Nang Di-pormal: Samantalang naglalakbay patungo at paalis sa kombensiyon, marami tayong pagkakataong purihin si Jehova sa pamamagitan ng ating mga labi. (Heb. 13:15) Kumakain man tayo sa restawran o nakikipag-usap sa tauhan ng otel, humanap tayo ng mga paraan upang magpatotoo. Mapupuno ang ating isip at puso ng espirituwal na mga kayamanan mula sa kombensiyon. Ibahagi natin ang mabubuting bagay na ito sa mga taong nakakasalamuha natin sa di-pormal na paraan.—1 Ped. 3:15.

10 Masidhi nating pinananabikan ang pagkakataong ito na pagpalain si Jehova “sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan.” (Awit 26:12) May-pagkakaisa nawa nating dakilain si Jehova sa “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong Kombensiyon.

[Kahon sa pahina 5]

Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon

◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa nang 8:30 n.u. sa Biyernes at Sabado, at 9:00 n.u. sa Linggo. Ilang minuto bago magsimula ang sesyon, mauupo ang tsirman sa plataporma samantalang pinatutugtog ang pambungad na musikang pang-Kaharian. Tayong lahat ay dapat nang maupo sa panahong iyon upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa nang 4:35 n.h. sa Biyernes at Sabado at 4:10 n.h. naman sa Linggo.

◼ Paradahan: Sa lahat ng lugar ng kombensiyon, sisikapin naming gumawa ng mga kaayusan para sa paradahan. Ang lahat ng may sasakyan ay dapat sumunod sa mga tagubilin ng mga attendant sa paradahan upang maging maalwan ang mga bagay-bagay para sa iba. Yamang karaniwan nang limitado ang mga paradahan sa ating mga assembly hall, dapat bumuo ng grupo na maaaring magsama-sama sa isang sasakyan (carpool) hangga’t maaari sa halip na isa o dalawang tao lamang ang sakay ng isang sasakyan.

◼ Pagrereserba ng Upuan: Ang mga upuan ay maaari lamang ireserba sa mga kasama mo sa sasakyan o sa iyong mga kasambahay.

◼ Donasyon: Malaking halaga ang nasasangkot sa pagsasaayos ng mga pandistritong kombensiyon. Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain sa ating Kingdom Hall o sa kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”

◼ Pananghalian: Pakisuyong magdala ng pananghalian sa halip na umalis sa kombensiyon upang bumili ng pagkain sa restawran o sa mga nagtitinda ng pagkain sa panahon ng intermisyon sa tanghali. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampamilyang cooler na ginagamit sa piknik, mga babasaging sisidlan, at mga inuming de-alkohol ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.

◼ Rekording: Ang anumang uri ng rekorder ay hindi dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sound system ng pasilidad at magagamit lamang ito kung hindi makaiistorbo sa iba.

◼ Bautismo: Dapat maupo ang mga kandidato sa bautismo sa itinalagang seksiyon bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Ang bawat isa ay dapat magdala ng mahinhing pambasa at tuwalya. Upang matiyak na ang kanilang kasuutan ay angkop para sa okasyon, ang pagtalakay hinggil dito ay dapat ilakip ng matatanda na nagrerepaso ng mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo sa aklat na Organisado.

◼ Badge Card: Pakisuyong isuot ang badge card sa lahat ng panahon habang nasa kombensiyon at kapag naglalakbay patungo at paalis sa kombensiyon. Makukuha ang mga ito sa inyong kongregasyon. Humingi ng mga badge card para sa iyo at sa iyong pamilya matagal pa bago ang kombensiyon.

◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ka ng litrato, huwag gumamit ng flash kapag may sesyon.

◼ Pager at Cell Phone: Dapat patayin o i-silent ang mga ito upang hindi makagambala.

◼ Aksidente at Kagipitan: Kung may kailangang gamutin kaagad sa lugar ng kombensiyon, pakisuyong tawagin ang pinakamalapit na attendant, na kaagad namang magsasabi sa First Aid Department upang masuri ng ating kuwalipikadong mga boluntaryo sa first aid kung gaano kalubha ang situwasyon at sa gayo’y makapagbigay ng tulong.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share