Patuloy na Hintayin si Jehova
1. Ano ang tema ng kombensiyon, at bakit ito napapanahon?
1 “Si Jehova ay Diyos ng kahatulan,” ang sulat ni Isaias. “Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay sa kaniya.” (Isa. 30:18b) Maraming ulat sa Bibliya tungkol sa paglalapat ng hatol ng Diyos sa kaniyang mga kaaway at pagliligtas sa kaniyang tapat na mga lingkod. Anu-anong aral ang itinuturo ng mga ulat na ito sa mga mananamba ni Jehova sa ngayon? Ano ang magagawa natin sa ngayon upang maghanda para sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova”? (Joel 2:31, 32) Pakikilusin tayo ng ating dumarating na “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon na pag-isipan ang mga tanong na iyan at suriin ang ating sarili. Tutulungan tayo nito na patuloy na hintayin si Jehova.
2. Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa ating pandistritong kombensiyon?
2 Nakagawa ka na ba ng mga kaayusan upang makinabang mula sa buong tatlong araw ng kombensiyon? Halimbawa, nagpaalam ka na ba sa iyong amo na magbabakasyon ka upang dumalo sa kombensiyon? Huwag mong ipagbaka-sakali ito. Ipanalangin mo ito. Saka mo sabihin sa iyong amo ang iyong kahilingan. (Neh. 2:4, 5) Gayundin, huwag nating ipagpaliban ang paggawa ng mga kaayusan para sa transportasyon, tuluyan, at iba pang mahahalagang bagay. Ipinakikita ng mahusay na pagpaplano ang ating matinding pagpapahalaga sa espirituwal na mesa ni Jehova. Dapat maging alisto ang mga elder na tulungan ang mga nangangailangan ng tulong upang makadalo sa kombensiyon, lalo na ang mga may-edad na sa kongregasyon.—Gal. 6:10.
3. Anu-anong katangian ang dapat makita sa bayan ni Jehova sa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon?
3 Nagpaparangal sa Diyos ang Mainam na Paggawi: Kapag marami tayo na nagkakatipon sa mga kombensiyon, ang ating mainam na paggawi ay nagsisilbing patotoo sa pamayanan. Ano ang hinihiling nito sa atin? Kapag tayo ay nasa mga restawran at iba pang dako ng negosyo sa lugar ng kombensiyon, ang mga nakakasalamuha natin ay dapat malugod sa ating mga katangiang Kristiyano, gaya ng mahabang pagtitiis, kahinahunan, pagpipigil sa sarili, at pagkamakatuwiran. (Gal. 5:22, 23; Fil. 4:5) Lahat tayo ay dapat magpakita ng uri ng pag-ibig na “hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit.” Kahit magkaroon ng mga problema, nanaisin nating ‘gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’—1 Cor. 10:31; 13:5.
4. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na gumawi sa paraang nagbibigay ng kapurihan kay Jehova?
4 Pagkatapos ng isang kombensiyon, hangang-hanga ang isang manedyer ng otel sa paggawi at hitsura ng ating mga kabataan anupat sinabi niya na sana ay “laging may tumuloy na mga Saksi ni Jehova sa kaniyang otel.” Kaylaking dahilan nga ito upang magsaya! Isa itong papuri sa pagsasanay at pagsubaybay ninyong mga magulang. Hindi makabubuti para sa mga magulang na payagan ang kanilang mga anak na tumuloy sa isang silid sa otel nang walang sumusubaybay. Dapat na laging sinusubaybayang mabuti ang mga bata. (Kaw. 29:15) Ang kanilang mabuting paggawi nawa ay magdulot ng papuri kay Jehova at magpasaya ng kaniyang puso!—Kaw. 27:11.
5. Paano natin mapararangalan si Jehova sa pamamagitan ng ating pananamit at pag-aayos?
5 Mahinhing Pananamit at Pag-aayos: Ang bawat isa sa atin ay may magagawa upang maging kaayaaya ang kabuuang impresyon na ibinibigay sa kombensiyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga istilo ng pananamit at pag-aayos na sobrang sunod sa uso, kakaiba, di-mahinhin, o masyadong di-pormal. Kapit ito kapag nagbibiyahe papunta at pauwi mula sa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon, habang tumutulong sa paghahanda ng dako ng kombensiyon, at kapag dumadalo sa mga sesyon. Bilang mga lingkod ng Diyos, ang pinakamahalaga sa atin ay ang pangalan at reputasyon ni Jehova, hindi ang ating personal na mga kagustuhan o kaalwanan. Ang mga ulo ng pamilya ang may pananagutang tiyakin na ang hitsura ng kanilang pamilya ay kakikitaan ng kahinhinan at katinuan ng pag-iisip sa lahat ng panahon.—1 Tim. 2:9.
6. Bakit natin dapat panatilihin ang disenteng hitsura pagkatapos ng mga sesyon?
6 Mahalaga ring panatilihin ang disenteng hitsura pagkatapos ng sesyon kapag nasa mga tindahan at restawran. Angkop na isuot pa rin ang kasuutang ginamit natin sa kombensiyon kung kakain tayo sa labas pagkatapos ng mga sesyon. Ang pagsusuot ng badge card ng kombensiyon ay nagbubukas sa atin ng mga pagkakataong magpatotoo nang di-pormal.— 2 Cor. 6:3, 4.
7. Ano ang magagawa natin upang higit na maging maayos at maligaya ang ating kombensiyon? (Tingnan ang “Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon.”)
7 Inihula ni Isaias: “Patuloy na maghihintay si Jehova upang mapagpakitaan kayo ng lingap, at sa gayon ay titindig siya upang pagpakitaan kayo ng awa.” (Isa. 30:18a) Dapat tayong pakilusin ng ating pagpapahalaga sa awa at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova na parangalan siya sa pamamagitan ng ating paggawi at hitsura habang nagtitipun-tipon tayo sa ating mga kombensiyon. Ang ating “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon ay lumuwalhati nawa sa ating Diyos at tumulong sa atin na patuloy siyang hintayin!
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
◼ Mga Oras ng Programa: Magsisimula ang programa sa ganap na 8:30 n.u. sa buong tatlong araw. Ilang minuto bago magsimula ang sesyon, mauupo na ang tsirman sa plataporma habang pinatutugtog ang pambungad na musikang pang-Kaharian. Tayong lahat ay dapat nang maupo sa panahong iyon upang masimulan nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa sa ganap na 4:15 n.h. sa Biyernes, 4:05 n.h. sa Sabado, at 4:10 n.h. sa Linggo.
◼ Paradahan: Sa lahat ng lugar ng kombensiyon, sisikapin nating gumawa ng mga kaayusan sa paradahan. Lahat ng may sasakyan ay dapat sumunod sa ibibigay na direksiyon ng mga attendant sa paradahan upang hindi mahirapan ang iba. Yamang karaniwan nang limitado ang espasyo ng paradahan sa ating assembly hall, maaaring magsama-sama na lamang sa isang sasakyan hangga’t maaari sa halip na isa o dalawang tao lamang ang sakay ng isang kotse.
◼ Pagrereserba ng Upuan: Ang mga upuan ay maaari lamang ireserba sa mga kasama mo sa sasakyan o sa bahay.
◼ Pananghalian: Pakisuyong magdala na ng pananghalian sa halip na umalis pa sa kombensiyon para bumili ng pagkain sa restawran o sa mga nagtitinda ng pagkain kung intermisyon sa tanghali. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampamilyang cooler na ginagamit sa pamamasyal, mga babasaging sisidlan, at mga inuming de-alkohol ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
◼ Mga Donasyon: Malaking gastusin ang pagsasaayos ng mga pandistritong kombensiyon. Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain sa ating Kingdom Hall o sa kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”
◼ Mga Aksidente at Kagipitan: Kung may kailangang gamutin kaagad sa lugar ng kombensiyon, pakisuyong lapitan ang pinakamalapit na attendant, na kaagad namang magsasabi sa First Aid Department upang masuri ng kuwalipikadong mga boluntaryo sa kombensiyon kung gaano kalubha ang situwasyon at sa gayon ay makatulong.
◼ Rekording: Ang anumang uri ng rekorder ay hindi dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sound system ng pasilidad at magagamit lamang ito sa paraang hindi makaiistorbo sa iba.
◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ka ng litrato sa panahon ng sesyon, pakisuyong huwag gumamit ng flash.
◼ Mga Pager at Cell Phone: Dapat i-adjust ang mga ito upang hindi makagambala.
◼ Mga Follow-Up Form: Dapat gamitin ang Please Follow Up (S-43) form upang magbigay ng impormasyon hinggil sa sinumang nagpakita ng interes bilang resulta ng di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang mga form na napunan na ay maaaring ibigay sa Book Room o sa kalihim ng inyong kongregasyon pagbalik mo sa inyong kongregasyon.—Tingnan ang Pebrero 2005 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, p. 6.
◼ Mga Badge Card: Pakisuyong palaging isuot ang badge card kapag nasa kombensiyon at kapag nagbibiyahe papunta at pauwi mula rito. Makukuha ito sa inyong kongregasyon. Huwag ipagpaliban ang paghingi ng card para sa iyo at sa iyong pamilya hanggang sa ilang araw na lamang at kombensiyon na.
◼ Bautismo: Ang mga babautismuhan ay dapat nakaupo na sa itinakdang lugar bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Ang bawat isa ay dapat magdala ng mahinhing pambasa at tuwalya. Upang makatiyak na angkop sa okasyon ang ibibihis ng babautismuhan, dapat banggitin ito sa kanila ng mga elder na nagrerepaso ng mga tanong sa aklat na Organisado.