Ang Ating mga Pandistritong Kombensiyon—Mapuwersang Patotoo sa Katotohanan
1. Anong mahahalagang espirituwal na katotohanan ang binubulay-bulay at pinag-uusapan ng mga Israelita sa kanilang regular na mga kapistahan?
1 Ang sinaunang mga Israelita ay nagtitipon tatlong beses sa isang taon para sa regular na mga kapistahan. Bagaman mga lalaki lamang ang hinihilingang dumalo, karaniwan nang naglalakbay ang buong pamilya sa Jerusalem para masiyahan sa maliligayang kombensiyong ito. (Deut. 16:15, 16) Ang mga iyon ay pagkakataon upang bulay-bulayin at pag-usapan ang mahahalagang espirituwal na katotohanan. Ano ang ilan sa mga ito? Ang isa ay na si Jehova ay isang bukas-palad at maibiging Tagapaglaan. (Deut. 15:4, 5) Siya rin ay maaasahang magbibigay ng patnubay at proteksiyon. (Deut. 32:9, 10) Maaari ding bulay-bulayin ng mga Israelita na bilang isang bayan na nagtataglay ng pangalan ni Jehova, dapat na wastong masalamin sa kanila ang kaniyang katuwiran. (Deut. 7:6, 11) Sa ngayon, nakikinabang din tayo sa ating taunang mga pandistritong kombensiyon.
2. Paano magbibigay-liwanag sa katotohanan ang programa sa pandistritong kombensiyon?
2 Ang Programa ay Nagbibigay-Liwanag sa Katotohanan: Sa ating mga pandistritong kombensiyon, nasisiyahan tayo sa mga pahayag, drama, pagtatanghal, at mga interbyu na nagbibigay-liwanag sa napakahalagang mga katotohanan sa Bibliya. (Juan 17:17) Ang organisasyon ni Jehova ay naghanda ng programa na espesipikong dinisenyo para matugunan ang mga pangangailangan sa ngayon sa buong daigdig. (Mat. 24:45-47) Nasasabik ka na bang makita at marinig ang programa?
3. Ano ang dapat nating gawin para makinabang sa programa?
3 Sabihin pa, makikinabang lamang tayo kung dadalo tayo at matamang makikinig sa loob ng tatlong araw. Magpaalam sa iyong amo na dadalo ka sa kombensiyon, kung hindi mo pa ito nagagawa. Tiyaking matulog nang maaga gabi-gabi para hindi ka antukin sa panahon ng sesyon. Ang pagtingin sa tagapagsalita at pagkuha ng maiikling nota ay nakatulong sa marami na manatiling alisto. Huwag hayaang magambala ka o ang iba dahil sa iyong cellphone. Iwasang makipag-usap, mag-text, kumain, o uminom sa panahon ng sesyon.
4. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makinabang sa panahon ng kombensiyon?
4 Sa mga taon ng Sabbath, kapag nagtitipon ang mga pamilyang Israelita upang pakinggan ang pagbabasa ng Kautusan sa Kapistahan ng mga Kubol, kasama nila ang kanilang “maliliit na bata . . . upang makapakinig sila at upang matuto sila.” (Deut. 31:12) Nakapagpapatibay ngang makita ang mga pamilyang nakaupong magkakasama sa panahon ng kombensiyon at ang mga batang nananatiling gising at matamang nakikinig! Sa gabi, bakit hindi tingnan ang inyong mga nota at sama-samang pag-usapan ang mga puntong nagustuhan ninyo sa programa? “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,” kaya makabubuting subaybayan ng mga magulang ang kanilang mga anak, pati na ang kanilang mga tin-edyer na anak, sa panahon ng break sa tanghali at habang nasa kanilang tuluyan, sa halip na “pinababayaan” sila.—Kaw. 22:15; 29:15.
5. Paanong ang katotohanan ay nagagayakan ng ating paggawi, pananamit at pag-aayos habang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon?
5 Ang Katotohanan ay Nagagayakan Dahil sa Ating Mabuting Paggawi: Ang katotohanan ay nagagayakan dahil sa ating mabuting paggawi habang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon. (Tito 2:10) Kapag suot natin ang ating convention badge, hindi lamang nito iniaanunsiyo ang kombensiyon at nagpapakilala sa atin sa iba pang mga delegado kundi nagpapatotoo rin ito sa mga nagmamasid. Makikita nila na ang mga may suot na badge ay nananamit nang maayos at mahinhin, hindi burara at mapang-akit na karaniwan sa sanlibutan. (1 Tim. 2:9, 10) Kaya dapat nating bigyang-pansin ang ating pananamit at pag-aayos kapag dumadalo sa kombensiyon. Kahit na kung ang kombensiyon ay sa open-air na istadyum, dapat tayong manamit nang may dignidad. Kung magpapalit tayo ng damit pagkatapos ng programa at pupunta sa restawran, dapat nating tandaan na mga delegado pa rin tayo ng kombensiyon at hindi dapat manamit nang sobrang casual.
6. Ano ang isang paraan para masiyahan sa ating pagkakaisang Kristiyano sa panahon ng kombensiyon?
6 Sa regular na mga kapistahan, ang mga Israelita ay nasisiyahan sa nakapagpapatibay na pakikihalubilo sa mga kapuwa mananamba mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at daigdig, at nagdudulot ito ng pagkakaisa. (Gawa 2:1, 5) Sa panahon ng mga pandistritong kombensiyon, kitang-kita ang ating pambihirang kapatirang Kristiyano. Kadalasan nang humahanga ang mga nagmamasid sa magandang aspektong ito ng ating espirituwal na paraiso. (Awit 133:1) Sa halip na umalis sa pasilidad sa pananghalian upang bumili ng pagkain, mas mabuting magbaon ng simpleng pananghalian at samantalahin ang mga pagkakataon na makipagkilala at makipag-usap sa mga kapatid na nakaupong malapit sa atin!
7. Ano ang mga dahilan para magboluntaryo kung ipinahihintulot ito ng ating kalagayan?
7 Kadalasan nang hinahangaan ng mga nagmamasid ang ating napakaorganisado at maayos na mga kombensiyon, lalo na kapag nalaman nilang ang lahat ng gawain ay ginagawa ng mga boluntaryo. Maaari ka bang ‘kusang-loob na maghandog ng iyong sarili’ para tumulong sa kombensiyon? (Awit 110:3) Kadalasan nang nagboboluntaryo ang buong pamilya bilang isang paraan para sanayin ang kanilang mga anak na tumulong sa iba. Kung mahiyain ka, ang pagboboluntaryo sa kombensiyon ay magandang paraan upang makilala mo ang iba pang mga delegado. Isang sister ang nagsabi: “Wala akong masyadong kakilala doon, pamilya’t ilang kaibigan lang. Pero nang magboluntaryo ako sa paglilinis, marami akong nakilalang kapatid! Ang saya-saya!” Magdudulot sa atin ng malaking kagalakan kung palalawakin natin ang ating pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng pagboboluntaryo sa kombensiyon. (2 Cor. 6:12, 13) Kung hindi ka pa nakapagboluntaryo, magtanong sa mga elder kung paano ka magiging kuwalipikado na tumulong.
8. Paano natin aanyayahan ang iba na dumalo sa kombensiyon?
8 Anyayahan ang Iba na Marinig ang Katotohanan: Gaya ng dati, tatlong linggo bago magsimula ang kombensiyon, makikibahagi tayo sa kampanyang anyayahan ang iba na dumalo. Nanaisin ng mga kongregasyon na hangga’t maaari ay makubrehan ang kanilang teritoryo sa pamamahagi ng imbitasyon. (Tingnan ang kahon na “Paano Natin Iaalok ang Imbitasyon?”) Ang lahat ng matitirang imbitasyon ay dapat dalhin sa kombensiyon. Gagamitin ito ng mga delegado para sa di-pormal na pagpapatotoo habang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon.
9. Maglahad ng mga karanasan na nagpapatunay na ang ating taunang kampanya sa pamamahagi ng imbitasyon ay nagbubunga.
9 Tumutugon ba ang mga tao sa taunang kampanyang ito? Sa isang kombensiyon, may mag-asawa na tinulungan ng isang attendant na makahanap ng upuan. Nabigyan daw sila ng imbitasyon at sinabing “mukhang maganda ito.” Kaya naglakbay sila nang mahigit 320 kilometro para dumalo! Isang sister naman na nagbabahay-bahay ang nagbigay ng imbitasyon sa isang lalaki na waring interesado sa kombensiyon. Kaya tinalakay niya ang imbitasyon sa lalaki. Makalipas ang ilang araw habang nasa kombensiyon, nakita ng sister ang lalaki na may kasamang kaibigan at hawak nila ang isa sa mga bagong release!
10. Bakit mahalaga ang pagdalo sa ating taunang mga pandistritong kombensiyon?
10 Ang regular na mga kapistahan ay maibiging paglalaan ni Jehova upang tulungan ang mga Israelita na ‘paglingkuran siya sa kawalang-pagkukulang at sa katotohanan.’ (Jos. 24:14) Ang pagdalo natin sa ating taunang mga pandistritong kombensiyon ay tumutulong din sa atin na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’ at isa itong napakahalagang bahagi ng ating pagsamba. (3 Juan 3) Pagpalain nawa ni Jehova ang pagsisikap ng lahat ng umiibig sa katotohanan na dumalo at makinabang nang lubusan!
[Blurb sa pahina 3]
Ang katotohanan ay nagagayakan dahil sa ating mabuting paggawi habang nasa lunsod na pinagdarausan ng kombensiyon
[Blurb sa pahina 3]
Tatlong linggo bago magsimula ang kombensiyon, makikibahagi tayo sa kampanyang anyayahan ang iba na dumalo
[Kahon sa pahina 4]
Paano Natin Iaalok ang Imbitasyon?
Para makubrehan ang teritoryo, dapat na maikli lamang ang ating presentasyon. Maaari nating sabihin: “Magandang umaga po. Namamahagi kami ng imbitasyong ito na ginagawa rin sa buong daigdig. Ito po ang inyong kopya. Mababasa po ninyo sa imbitasyon ang ibang mga detalye.” Maging masigla. Kapag namamahagi nito sa mga dulo ng sanlinggo, dapat ding ialok ang mga magasin kung naaangkop.
[Kahon sa pahina 5]
Mga Paalaala sa 2012 na Pandistritong Kombensiyon
◼ Oras ng Programa: Magsisimula ang programa nang 8:20 n.u. sa tatlong araw. Magbubukas ang mga pasilidad nang 7:00 n.u. Kapag ipinatalastas na magsisimula na ang pambungad na musika, lahat tayo ay dapat nang maupo upang makapagpasimula nang maayos ang programa. Magtatapos ang programa nang 3:55 n.h. sa Biyernes at Sabado, at 2:40 n.h. sa Linggo.
◼ Paradahan: Sa mga lugar ng kombensiyon, ang kaayusan sa paradahan ay “first-come, first-served.” Dahil karaniwan nang limitado ang mapaparadahan, hangga’t maaari ay magsama-sama na lamang sa mga sasakyan sa halip na magdala ng kani-kaniyang sasakyan.
◼ Pagrereserba ng Upuan: Maaari lamang magreserba ng upuan para sa mga kasama mo sa bahay o sa sasakyan, pati na sa mga inaaralan mo sa Bibliya.—1 Cor. 13:5.
◼ Pananghalian: Pakisuyong magbaon ng pananghalian sa halip na kumain sa labas. Maaaring gumamit ng maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampiknik na cooler at babasaging mga lalagyan ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
◼ Donasyon: Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pagsasaayos ng kombensiyon sa pamamagitan ng boluntaryong kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Maaari itong ihulog sa mga kahon sa lugar ng kombensiyon. Anumang tseke na iaabuloy sa kombensiyon ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.”
◼ Aksidente at Emergency: Kung may mangangailangan ng medikal na tulong, pakisuyong lumapit sa isang attendant, na kaagad namang magbibigay-alam nito sa First Aid para matingnan ng kuwalipikadong mga boluntaryo ang pasyente at makapagbigay ng tulong. Kung kinakailangan, tatawag ang mga boluntaryo sa pinakamalapit na ospital.
◼ Mga Gamot: Kung umiinom ka ng iniresetang gamot, pakisuyong magdala ng sapat na suplay dahil wala nito sa kombensiyon. Ang mga pang-iniksiyon na gamit ng mga diyabetiko ay dapat itapon sa tapunan ng hazardous waste at hindi sa ibang mga basurahan sa kombensiyon.
◼ Sapatos: Bawat taon, marami ang naaaksidente dahil sa kanilang sapatos. Makabubuting magsuot ng simple at tamang-sukat na sapatos para makaiwas sa aksidente kapag dumaraan sa mga hagdanan, rampa, at iba pa.
◼ Rekording: Hindi dapat ikonekta sa saksakan ng kuryente o sound system ng pasilidad ang anumang uri ng rekorder. Maaari lamang itong gamitin kung hindi ito makaiistorbo sa iba.
◼ Pagkuha ng Litrato: Kung kukuha ng litrato sa panahon ng sesyon, pakisuyong huwag gumamit ng flash ni pumuwesto man sa lugar na makaiistorbo sa iba.
◼ Please Follow Up (S-43) Form: Dapat isulat sa Please Follow Up form ang impormasyon tungkol sa sinumang nagpakita ng interes sa ating di-pormal na pagpapatotoo sa panahon ng kombensiyon. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng isa o dalawang follow-up form sa kombensiyon. Ang mga form na napunan ay maaaring ibigay sa Book Room o sa inyong kalihim pagbalik sa kongregasyon.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Nobyembre 2009, pahina 4.
◼ Restawran: Parangalan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng iyong mainam na paggawi kapag nasa mga restawran. Magbigay ng tip kung ito ang kaugalian.
◼ Badge Card: Pakisuyong isuot ang iyong badge card habang nagbibiyahe o nasa kombensiyon. Makukuha lamang ang mga ito sa inyong kongregasyon. Kumuha na agad nito para sa iyo at sa iyong pamilya.
◼ Bautismo: Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat maupo sa mga upuang inireserba para sa kanila bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Dapat magdala ang bawat isa ng mahinhing pambasâ at tuwalya. Para matiyak na angkop ang magiging pananamit ng mga kandidato, dapat itong banggitin ng mga elder na magrerepaso sa kanila ng mga tanong sa aklat na Organisado.
◼ Pagboboluntaryo: Lalo tayong magiging maligaya sa pagdalo sa kombensiyon kung magboboluntaryo tayong tumulong sa mga gawain dito. (Gawa 20:35) Sinumang nagnanais na magboluntaryo ay dapat magpunta sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay maaari ding magboluntaryo kung kasama ang magulang, guardian, o iba pang adultong pinahintulutang magbantay sa kanila.