“Panatilihing Mainam ang Inyong Paggawi sa Gitna ng mga Bansa”
1. Bakit mahalagang panatilihin natin ang mainam na paggawi sa panahon ng panrehiyong kombensiyon?
1 Taon-taon sa panahon ng ating kombensiyon, napapansin tayo ng mga tao, kaya mahalagang kumilos tayo nang tama bilang kinatawan ng Diyos na sinasamba natin. (Lev. 20:26) Dapat na makita sa ating pagkilos pati na sa pananamit at pag-aayos natin na mga tunay na tagasunod tayo ni Kristo. Sa pagdalo sa dumarating na panrehiyong kombensiyon, paano natin ‘mapananatiling mainam ang ating paggawi sa gitna ng mga bansa’ at sa gayon ay makapagbigay ng kaluwalhatian sa ating Ama sa langit?—1 Ped. 2:12.
2. Sa panahon ng kombensiyon, sa ano-anong pagkakataon natin maipapakita ang Kristiyanong personalidad?
2 Ipakita ang Kristiyanong Personalidad: Ang pag-ibig natin sa isa’t isa at ang paraan ng pakikitungo natin sa “mga nasa labas” ay ibang-iba sa espiritu ng sanlibutan. (Col. 3:10; 4:5; 2 Tim. 3:1-5) Dapat tayong maging mabait at mapagpasensiya kapag kumakain sa restawran, kahit pa magkaproblema. Kagandahang-asal din ang pag-iiwan ng tip sa mga nagbibigay ng serbisyo.
3. Ano ang paalaala sa mga magulang, at bakit?
3 Dapat na maingat na bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag nasa lugar ng kombensiyon, mga restawran, at tuluyan. (Kaw. 29:15) Sinabi ng manager ng isang hotel restaurant sa isang mag-asawa tungkol sa mga Saksi: “Gustong-gusto namin kayo. Napakagagalang at napakababait n’yo at ng mga anak n’yo. Bukambibig kayo ng mga staff, at sana nandito kayo tuwing weekend.”
4. Kapag nasa lugar kung saan ginaganap ang kombensiyon, paano tayo dapat manamit at mag-ayos?
4 Mahinhing Pananamit: Sa panahon ng kombensiyon, dapat na angkop at mahinhin ang pananamit natin at hindi kapareho ng mga kakaibang istilo na uso sa sanlibutan. (1 Tim. 2:9) Kahit na sa panahon ng pamamasyal bago at pagkatapos ng sesyon, iniiwasan natin na maging sobrang casual o burara ang ating hitsura. Kaya hindi tayo mahihiyang isuot ang convention badge natin at magpatotoo kapag nagkaroon ng pagkakataon. Ang hitsura at mabuting paggawi natin sa panahon ng kombensiyon ay makakaakit sa tapat-pusong mga tao na tanggapin ang nagliligtas-buhay na mensahe ng Bibliya at makapagpapasaya kay Jehova.—Zef. 3:17.