“Saan Ako Makasusumpong ng Panahon?”
1 Ganiyan ang reklamo ng marami sa atin, palibhasa’y punô ng mga gawain ang ating buhay. Naging kasabihan na sa mga tinataglay natin, ang panahon ay kapuwa pinakamahalaga at pinakamadaling lumipas. Kaya saan tayo makasusumpong ng panahon para sa mga bagay na talagang mahalaga, tulad ng pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos?—Fil. 1:10.
2 Ang susi ay, hindi ang pagsisikap na humanap ng higit na panahon, kundi ang pagpapasiya kung ano ang nais nating gawin sa panahong taglay natin. Tayong lahat ay may 168 oras sa isang linggo, mga 100 nito ang maaaring gamitin sa pagtulog at pagtatrabaho. Kaya paano natin magagamit ang nalalabing oras sa higit na kapaki-pakinabang na paraan? Iminumungkahi ng Efeso 5:15-17 na tayo ay lumakad ‘hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon . . . , inuunawa kung ano ang kalooban ni Jehova.’ Ipinakikita nito ang pangangailangan na lubusang gamitin ang bawat pagkakataon upang gawin ang mga bagay na sinasabi ni Jehova na mahalaga.
3 Inihalintulad ni Jesus ang ating panahon sa kaarawan ni Noe. (Luc. 17:26, 27) Ang mga tao noon ay abala sa pang-araw-araw na mga gawain sa buhay. Gayunman, si Noe ay nakasumpong ng panahon upang gumawa ng isang pagkalaki-laking arka at upang mangaral. (Heb. 11:7; 2 Ped. 2:5) Paano? Sa pamamagitan ng pag-una sa kalooban ng Diyos at pagsunod sa kaniya sa paggawa ng mga bagay nang “gayung-gayon.”—Gen. 6:22.
4 Ano ang Dapat Unahin? Sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:4) Linggu-linggo, tayo ay tumatanggap ng “takdang [espirituwal na] pagkain sa tamang panahon.” (Luc. 12:42) Ito’y humihiling nang regular na personal na pagbabasa at iskedyul ng pag-aaral upang matunaw ang lahat ng ito at nang tayo ay tunay na makinabang. Bilang pasasalamat sa espirituwal na pagkain, hindi natin minamalas ito na parang fast food, na mabilis na kinakain tulad ng maaaring gawin ng isang tao sa kaniyang pisikal na pagkain dahil sa pag-aapura. Sa halip, ang wastong pagpapahalaga ay mag-uudyok sa atin na huwag magmadali sa pag-aaral at namnamin ang espirituwal na mga bagay.
5 Ang pagkuha ng espirituwal na pagkain ay maaaring umakay sa atin sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Nararapat itong magkaroon ng pangunahing dako sa ating pang-araw-araw na iskedyul. Maaari ba tayong humanap ng panahon upang mabigyang-dako ang pang-araw-araw na pagbabasa sa Bibliya at paghahanda para sa mga pulong na Kristiyano? Oo, magagawa natin ito. Kung gayon, matatamo natin ang “malaking gantimpala” na nagmumula sa pagkaalam at paggawa ng kalooban ng Diyos.—Awit 19:7-11.