Ginagamit Mo Ba ang Brosyur na Hinihiling Upang Makapagpasimula ng mga Pag-aaral?
1 Natatanto mo ba na kung regular at sistematiko kang nakikipag-usap tungkol sa Bibliya, bagaman maikli, sa isang interesadong tao at tinatalakay ang materyal sa isa sa mga inirerekomendang publikasyon, ay nagdaraos ka na ng isang pag-aaral sa Bibliya? Oo, itinuturing ito na isang pag-aaral sa Bibliya kahit na ang pag-aaral ay nagaganap sa may pintuan o sa telepono. Bakit hindi gumawa ng pantanging pagsisikap sa Mayo at Hunyo upang makapagpasimula ng gayong pag-aaral na ginagamit ang brosyur na Hinihiling?
2 Maghanda Upang Magtagumpay: Kapag nag-aalok ng brosyur na Hinihiling, gawing malinaw sa isipan kung ano ang gusto mong talakayin. Kung gumagawa ka ng pagdalaw-muli, pag-isipan ang naging pag-uusap ninyo noong unang pagdalaw. Tanungin ang iyong sarili: ‘Anong mga parapo sa brosyur ang maitatampok ko upang maipagpatuloy ang pag-uusap na iyon at umakay sa isang pag-aaral sa Bibliya?’ Kung nagbabahay-bahay ka, isaalang-alang kung anong mga paksa ang kapana-panabik sa isang tin-edyer, sa isang may-edad na, sa isang lalaki, o sa isang babae. Repasuhin ang mga paksa sa brosyur at pumili ng isang paksang kawili-wili. Pagkatapos magpasiya sa gagamiting presentasyon, mag-ensayo nang ilang ulit. Ito ang isa sa mga susi upang magtagumpay.
3 Ang insert sa isyung ito ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagbibigay ng walong “Mga Mungkahi sa Paghaharap ng Brosyur na Hinihiling.” Ang kahong “Ang Tuwirang Paglapit” ay nagpapakita kung paano gagamitin ang brosyur upang makapagpasimula ng mga pag-aaral. Maaari mong ibagay ang unang mungkahi sa ganitong paraan:
◼ “Alam mo ba na sa loob lamang ng ilang minuto, maaari mong masumpungan ang sagot sa isang mahalagang tanong sa Bibliya? Halimbawa, bakit napakaraming relihiyon ang nag-aangking Kristiyano? Napag-isipan mo na ba ang tungkol diyan?” Pagkatapos sumagot ang tao, bumaling sa aralin 13 at talakayin ang unang dalawang parapo. Kung ipinahihintulot ng panahon, basahin at talakayin ang isa o dalawang kasulatan. Pagkatapos ay basahin ang huling tanong sa itaas ng pahina, at sabihin: “Itinatampok ng iba pang bahagi ng aralin ang limang pagkakakilanlang tanda ng tunay na relihiyon. Nagagalak akong bumalik upang mapag-usapan natin ang mga ito.”
4 Maging Matiyaga: Samantalahin ang bawat pagkakataon na maitanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya sa brosyur na Hinihiling. Hilingin ang pagpapala ni Jehova. (Mat. 21:22) Sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagsisikap, mararanasan mo ang kagalakan ng pagtulong sa isa na tumugon sa mabuting balita!