Pagtitipon sa mga Tao Mula sa Lahat ng Wika
1 Natutupad ang Salita ng Diyos! Niyayakap ng mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ang tunay na pagsamba. (Zac. 8:23) Paano tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga indibiduwal mula sa lahat ng ‘tribo, bayan, at wika’ na magkaroon ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova, taglay ang pag-asa na makaligtas sa “malaking kapighatian”?—Apoc. 7:9, 14.
2 Tumugon ang Organisasyon ng Diyos: Isinaayos ng Lupong Tagapamahala na magkaroon ng literatura sa Bibliya sa humigit-kumulang 380 wika upang malinaw na maunawaan ng mga tao sa buong lupa ang kahalagahan ng mabuting balita. Ang paghahanda at paglalathala ng literatura sa napakaraming wika ay isang napakalaking trabaho. Nagsasangkot ito ng pagbuo ng mga pangkat ng kuwalipikadong mga tagapagsalin at paglalaan sa kanila ng tulong na kailangan nila upang maisalin ang ating literatura sa lahat ng wikang ito, gayundin ang paglilimbag at pagpapadala ng mga materyal na ito. Gayunman, ang pangunahing papel ay ginagampanan ng indibiduwal na mga mamamahayag ng Kaharian, na nagdadala ng nagliligtas-buhay na mensahe ng Bibliya sa mga tao.
3 Pagtanggap sa Hamon: Matatagpuan ngayon sa maraming lugar ang malaki-laking populasyon na banyaga ang wika. Upang mapaabutan ng mabuting balita ang mga taong ito, dumaraming mga lingkod ng Diyos ang nagsisikap na matuto ng Kastila, Ruso, Tsino, o iba pang wika na karaniwan sa kanilang lugar. Ang iba naman ay nag-aaral ng Wikang Pasenyas (Sign Language). Sa Estados Unidos lamang, mga 2,900 kongregasyon at 240 grupo ang nangangaral sa 38 wika bukod pa sa Ingles. Ang ilan na hindi pa nakarinig ng tungkol kay Jehova o walang alam tungkol sa Bibliya ay tumatanggap ng katotohanan ng Salita ng Diyos.—Roma 15:21.
4 Maaari pa ba tayong magsikap nang higit sa paghahayag ng mabuting balita sa mga tao sa ating teritoryo na nagmula sa ibang kultura? (Col. 1:25) Maraming kongregasyon ang nag-oorganisa ng gawaing pangangaral sa komunidad ng mga banyaga sa kanilang lugar. Pinag-aaralan muna ng mga mamamahayag ang wika para makapagbigay ng simpleng presentasyon, gaya ng: “Kumusta kayo? May dala akong mabuting balita para sa inyo. [Pagkatapos ay mag-alok ng isang tract o brosyur na makukuha sa wikang iyon.] Paalam.” Tunay na pinagpapala ni Jehova ang gayong maliliit na pasimula!
5 Ang mensahe ng Kaharian ay kaakit-akit sa mga tao na may iba’t ibang pinagmulan at wika. Samantalahin natin ang pagkakataon na ibahagi ito sa kanila.