Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
1 Upang makatayong matatag sa pananampalataya sa isang mabuway na sanlibutan, kailangan nating magtiwala kay Jehova. Paano natin maipakikita ang tiwalang iyan sa ating pang-araw-araw na pamumuhay? Paano nakaaapekto sa ating personal at pampamilyang buhay ang pagtitiwala kay Jehova? Paano ito nakatutulong sa atin na labanan ang impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas? Sasagutin ng programa ng pansirkitong asamblea para sa 2003 ang mga tanong na iyan. Ang tema nito ay “Magtiwala Ka kay Jehova at Gumawa Ka ng Mabuti.”—Awit 37:3.
2 Ang ating pagtitiwala kay Jehova ay hindi lamang ipinakikita sa pantanging mga pagkakataon o sa panahon ng kagipitan. Saklaw nito ang ating buong buhay. Ito ay idiriin sa pambukas na pahayag na, “Magtiwala kay Jehova sa Lahat ng Panahon.” (Awit 62:8) Ipakikita sa atin ng apat-na-bahaging simposyum na “Magpakita ng Tiwala kay Jehova” kung paano masusumpungan at ikakapit ang salig-Bibliyang impormasyon na makatutulong sa atin na magtatag ng isang matagumpay na pag-aasawa, maharap ang mga problemang bumabangon sa pamilya, at matugunan ang ating materyal na mga pangangailangan.
3 Pilit na isinisiksik sa ating isipan ng sanlibutan ni Satanas ang pilipit na pangmalas sa kung ano ang tama at mali at nililito tayo hinggil sa kung ano ang mahalaga at di-mahalaga. (Isa. 5:20) Ang mga pahayag na “Magbantay Laban sa Walang-kabuluhang mga Bagay sa Buhay” at “Iwasan ang Masama—Maging mga Manggagawa ng Mabuti” ay magpapatibay sa ating kapasiyahan na itaguyod ang matataas na pamantayan ni Jehova.—Amos 5:14.
4 Kapag pinasapit ni Jehova ang wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, kakailanganin ng mga lingkod ng Diyos na lubusang magtiwala sa kaniya. Itinatampok ito sa pahayag pangmadla na, “Ang Kaligtasan Mula sa Kabagabagan ng Sanlibutan ay Malapit Na.” Pagkatapos niyan, aanyayahan tayong suriin ang ating sarili sa bahaging “Magiging Karapat-dapat Ka Kaya sa Kaharian ng Diyos?” Ang programa ay magtatapos sa pamamagitan ng payo na “Magtiwala Ka sa mga Pangako ni Jehova.”
5 Ang tampok na bahagi ng bawat asamblea ay ang pahayag sa bautismo. Sinumang nagnanais na magpabautismo ay dapat magsabi sa punong tagapangasiwa karaka-raka hangga’t maaari upang makagawa ng kinakailangang mga kaayusan.
6 Sa mga panahong ito ng kawalang-katiyakan, si Jehova ang tanging bukal ng pagtitiwala at katatagan. (Awit 118:8, 9) Nawa’y patibayin nating lahat ang ating pagtitiwala sa kaniya sa paamagitan ng pagdalo sa buong programa ng pansirkitong asamblea.