Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
1 Habang niluluwalhati ng media at ng sekular na mga edukador ang materyal na kayamanan, hinihimok naman tayo ng Salita ng Diyos na “Maging Mayaman sa Maiinam na Gawa.” (1 Tim. 6:18) Iyan ang tema ng programa ng pantanging araw ng asamblea simula sa Pebrero 2003. Ano bang pampatibay-loob ang matatanggap natin sa asambleang ito?
2 Tatalakayin ng tagapangasiwa ng sirkito kung ano ang kahulugan ng “Maging Mayaman Mula sa Pangmalas ng Diyos,” at kaniyang kakapanayamin ang ilan na nagsisikap mismo upang magtamo ng espirituwal na mga kayamanan. Sa kaniyang unang pahayag sa araw na iyon, ipakikita ng dumadalaw na tagapagsalita kung paano nagsasagawa ang bayan ng Diyos ng “Maiinam na Gawa sa Panahong Ito ng Pag-aani.” Mapasisigla ang bawat isa sa atin na pag-isipan kung paano tayo higit na makababahagi sa itinakda ng Diyos na gawaing pag-aani na isinasakatuparan sa ngayon.
3 Kaylaking kaluguran natin kapag ating nakikita na itinataguyod ng mga kabataang Kristiyano ang espirituwal na mga kayamanan! Nagbibigay ito ng kaluwalhatian kay Jehova at tumutulong sa mga kabataan na maglatag ng isang mainam na pundasyon para sa mga pribilehiyo ng paglilingkod sa hinaharap. Ang bahaging “Pagbibigay-Papuri sa mga Kabataan Dahil sa Maiinam na Gawa sa Pagpuri kay Jehova” ay magtatampok sa maiinam na gawa na isinasakatuparan ng lokal na mga kabataang Kristiyano.
4 Ano ang mga resulta ng pagtataguyod sa maiinam na gawa? Tatalakayin ito ng dumadalaw na tagapagsalita sa kaniyang huling pahayag na, “Magpatuloy sa Maiinam na Gawa at Umani ng mga Pagpapala ni Jehova.” Kaniyang tatalakayin ang apat na pitak kung saan tayo aani ng mayayamang pagpapala: (1) bilang mga indibiduwal, (2) bilang mga pamilya, (3) bilang kongregasyon, at (4) bilang isang pambuong-daigdig na organisasyon.
5 Yaong mga nag-alay na kay Jehova ay magkakaroon ng pagkakataong mabautismuhan. Kung handa ka nang gawin ang hakbang na iyan, ipaalam ito kaagad sa punong tagapangasiwa.
6 Kapag ipinatalastas ang petsa ng asamblea para sa inyong lugar, gumawa kaagad ng tiyak na mga plano upang makadalo. Sikaping makarating nang maaga upang makabahagi sa pambukas na awit at panalangin. Ang pagiging presente at pakikinig na mabuti sa buong programa ng pantanging araw ng asamblea ay magpapalakas sa atin na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng isang landasin na nagpapangyari sa atin na maging tunay na mayaman sa pangmalas ng ating Diyos na si Jehova.