Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
Ang tema ng programa ng pantanging araw ng asamblea sa bagong taon ng paglilingkod ay may matatag na pundasyon sa Kasulatan: “Magpasakop Kayo sa Diyos—Salansangin ang Diyablo.” (Sant. 4:7) Ito ay isang mabuting patnubay para sa mapanghamong mga panahong ito! Ang ating pagsunod sa utos ng Diyos ay naglalagay sa atin sa tuwirang pakikipagharap kay Satanas. Ang programa ay magtuturo sa atin kung paano maninindigang matatag laban sa masasamang pakana ng Diyablo na sumisira ng pananampalataya. Ano ang ilan sa espirituwal na mga kayamanang tatanggapin natin sa asambleang ito?
Ipakikita ng tagapangasiwa ng sirkito kung paanong ang “Pagpapamalas ng Maka-Diyos na Pagpapasakop Bilang mga Miyembro ng Pamilya” ay magpapalakas sa mga pamilya upang matagalan ang mga panggigipit ng sanlibutan. Ang unang pahayag ng dumadalaw na tagapagsalita sa araw na iyon na, “Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Salansangin ang Diyablo,” ay magpapaliwanag kung bakit at kung paano kailangan nating gumawa ng mapuwersang pagkilos upang labanan ang mga pakana ni Satanas na sirain ang ating espirituwalidad. Ang dalawang bahagi ay pantanging iniangkop sa mga kabataan, na dapat ding maging alisto sa mga pakana ng Diyablo. Maraming Kristiyano na ngayo’y mga adulto na ang tumangging umayon sa mga pita ng sanlibutan noong sila’y mga bata pa. Masisiyahan tayong marinig ang ilan sa kanilang personal na mga karanasan.
Ang pagpapasakop sa awtoridad ay hinihiling sa lahat ng bumubuo sa lipunan ng mga tao. Kaya ang pangwakas na pahayag ng dumadalaw na tagapagsalita ay magtatampok sa apat na larangan na doo’y dapat na makita ang ating makadiyos na pagpapasakop: (1) sa mga pamahalaan, (2) sa kongregasyon, (3) sa mga sekular na trabaho, at (4) sa sambahayan. Tunay na isa nga itong praktikal na programa!
Ang mga nagnanais na magpabautismo sa pantanging araw ng asambleang ito ay kailangang karaka-rakang magsabi sa punong tagapangasiwa hangga’t maaari. Dapat na markahan nating lahat ang petsang ito sa ating kalendaryo at magplano upang madaluhan ang buong programa ng asamblea. Ang mga pagpapala na ating tinatanggap ay magiging walang hanggan habang ipinasasakop natin ang ating sarili kay Jehova magpakailanman.