Maaari Mo Bang Ipagamit ang Iyong Tahanan?
1 Noong unang siglo, ipinagamit ng maraming Kristiyano ang kanilang mga tahanan para sa mga pagpupulong ng kongregasyon. (1 Cor. 16:19; Col. 4:15; Flm. 1, 2) Sa ilang kongregasyon sa ngayon, walang sapat na lugar para sa mga grupo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Maaaring maging dahilan tuloy ito upang ang ilang grupo sa pag-aaral sa aklat ay magkaroon ng 30 o higit pa na dumadalo, na hamak na mas marami kaysa sa inirerekomendang bilang na mga 15.
2 Isang Magandang Pribilehiyo: Napag-isipan mo na bang ipagamit ang iyong tahanan para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Ang isang malinis na silid na katamtaman ang laki, maliwanag ang ilaw, at mahusay ang bentilasyon ay tamang-tama para sa layuning ito. Yamang ang pag-aaral sa aklat ay isang pulong ng kongregasyon at bahagi ng kaayusan ni Jehova upang turuan ang kaniyang bayan, ang pagkakaroon sa iyong tahanan ng pag-aaral sa aklat ay isang magandang pribilehiyo. Marami ang nag-uulat na nakinabang sila sa espirituwal sa pagpapagamit ng kanilang tahanan sa ganitong paraan.
3 Kung sa palagay mo ay angkop ang iyong tahanan, pakisuyong ipaalam ito sa matatanda. Maaaring naghahanap sila ng karagdagang mga lugar. Kung hindi man puwedeng magkaroon ng pag-aaral sa aklat sa iyong tahanan, maaari bang ganapin doon ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan? Kahit wala pang pangangailangan sa kasalukuyan, matutuwa ang matatanda na malamang puwedeng gamitin ang iyong tahanan. Maaari mong tamasahin ang pribilehiyong ito sa hinaharap.
4 Pagpapakita ng Maiinam na Paggawi: Kapag nagtitipon sa isang pribadong tahanan, dapat igalang ng lahat ng dumadalo ang ari-arian ng may-bahay. Dapat tiyakin ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay nananatili sa lugar na itinalaga para sa pag-aaral at hindi nagpupunta sa pribadong mga lugar ng tahanan. Dapat ding pagpakitaan ng konsiderasyon ang mga kapitbahay, anupat nag-iingat na hindi makaabala sa kanila.—2 Cor. 6:3, 4; 1 Ped. 2:12.
5 Pinasisigla tayo ng Hebreo 13:16 na huwag kalimutan “ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” Ang pagpapagamit ng iyong tahanan para sa isang pulong ng kongregasyon ay mainam na paraan upang ibahagi sa iba ang mabubuting bagay at upang “parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari.”—Kaw. 3:9.