Si Jehova ay Lubhang Marapat na Purihin
Ang Hapunan ng Panginoon na Idaraos sa Abril 16
1 Sumisidhi ang pananabik habang papalapit ang Abril 16, 2003. Sa gabing iyon ay aalalahanin natin ang kamatayan ni Jesus, anupat sama-samang luluwalhatiin ng milyun-milyong kapuwa mananamba sa buong daigdig ang pangalan ni Jehova. Si Jehova ay karapat-dapat sa lahat ng ating papuri dahil sa kamangha-manghang paglalaan ng pantubos. Sa pamamagitan nito, ipagkakaloob niya ang kamangha-manghang mga pagpapala sa lahat ng masunuring sangkatauhan. Buong-puso tayong nakikisama sa salmista sa pagsasabing: “Si Jehova ay dakila at lubhang marapat na purihin.”—Awit 145:3.
2 Panahon ito ng pagbubulay-bulay sa kabutihan ng Diyos at sa utang na loob natin kay Jehova sa pagsusugo ng “kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.” (1 Juan 4:9, 10) Ang masunuring pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon ay nagkikintal sa ating mga puso na “si Jehova ay magandang-loob at maawain . . . at dakila sa maibiging-kabaitan.” (Awit 145:8) Tunay, ang pantubos ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova sa lahat ng sangkatauhan. (Juan 3:16) Kapag binubulay-bulay natin ang pag-ibig ng Diyos at pinag-iisipan natin ang matapat na landasin ng integridad ni Jesus, nauudyukan tayo na purihin si Jehova. Hanggang sa dulo ng walang-hanggan, pupurihin natin siya dahil sa kaniyang walang-limitasyong pag-ibig na ipinahayag niya upang maging posible sa atin ang buhay na walang hanggan.—Awit 145:1, 2.
3 Tulungan ang Iba na Purihin si Jehova: Ang pagpapahalaga sa pinakamahalagang kaloob ng Diyos na pantubos ay nag-uudyok sa atin na anyayahan ang iba na makisama sa atin sa pagpuri kay Jehova. Ang salmista ay kinasihang sumulat: “Sa pagbanggit ng kasaganaan ng iyong kabutihan ay mag-uumapaw sila, at dahil sa iyong katuwiran ay hihiyaw sila nang may kagalakan.” (Awit 145:7) Noong nakaraang taon lamang, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nag-ukol ng mahigit sa isang bilyong oras sa gawaing pangangaral. Ano ang ibinunga ng kanilang mga pagsisikap? Linggu-linggo, isang aberids ng mahigit na 5,100 indibiduwal ang nababautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Sa kabuuang bilang na 15,597,746 na dumalo sa Memoryal, kasama ang mahigit sa 9 na milyong hindi pa nagsisimulang pumuri kay Jehova bilang mga mamamahayag ng mabuting balita, napakalaki ngang potensiyal para sa higit pang pagsulong! Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, pinahahalagahan natin ang ating pribilehiyo na ihayag ang mabuting balita at ibaling ang mga puso ng iba kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa Kaharian.
4 Ang isang mainam na paraan upang himukin ang iba na parangalan si Jehova ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na sumama sa atin sa pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon. Inilista mo na ba ang lahat ng gusto mong anyayahan gayundin ang iba pa na maaaring kailangang paalalahanan ng araw at oras? Naanyayahan mo na ba ang lahat ng nasa listahan mo? Kung hindi pa, pagsikapang anyayahan sila hangga’t may panahon pa. Tulungan silang maunawaan ang layunin ng pagdiriwang. Sa pagdiriwang, maging handa sa pagbati sa mga panauhin. Ipadama sa kanila na sila ay malugod na tinatanggap, ipakilala sila sa iba, at papurihan sila sa kanilang pagdalo.
5 Ang pagdalo sa Memoryal ay makapagpapasigla sa mga baguhan na sumulong sa espirituwal. Isang estudyante sa Bibliya na pinahihirapan ng sakit na post-traumatic stress disorder, anupat mahirap para sa kaniya na magtungo sa pampublikong mga lugar, ang dumalo sa Memoryal. Nang tanungin kung ano ang masasabi niya tungkol sa pulong, sinabi niya: “Iyon ang pinakasagradong gabi, at naroon ako.” Mula noon, nagsimula na siyang dumalo sa mga pulong.
6 Pagkatapos ng Memoryal: Ano ang magagawa natin upang tulungan ang mga interesado na maging mga tagapuri ni Jehova? Bibigyang-pansin ng matatanda ang mga baguhan na dumalo sa Memoryal at isasaayos na madalaw sila agad ng kuwalipikadong mga mamamahayag upang repasuhin ang nakarerepreskong mga bagay na kanilang natutuhan at nakita. Maaaring naisin ng ilan na magkaroon ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Dapat din silang anyayahang dumalo sa lahat ng lingguhang pagpupulong ng kongregasyon, yamang ang regular na pagdalo ay makadaragdag sa kanilang kaalaman sa Bibliya.
7 Isinasagawa ang mga kaayusan na himukin ang lahat ng di-palagian at mga di-aktibo na dumalo nang regular sa mga pulong. Kung hihilingan ka ng matatanda na tulungan ang isa na naging di-aktibo na muling makibahagi sa paglilingkod sa larangan, maging handang tumulong. Ang pagpapakita ng gayong maibiging pagkabahala sa ating mga kapatid ay kasuwato ng payo ni apostol Pablo: “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.”—Gal. 6:10.
8 Lahat nawa tayo ay gumawa ng pantanging pagsisikap na makadalo sa Memoryal sa Abril 16. Hindi natin nanaising lumiban sa pinakasagradong okasyong ito upang purihin si Jehova. Oo, ngayon at magpakailanman, purihin natin si Jehova dahil sa kaniyang dakilang mga gawa!—Awit 145:21.