Pagtitipon Nang Sama-sama Upang Purihin si Jehova
1. Ano ang tema ng kombensiyon, at bakit karapat-dapat nating purihin si Jehova?
1 Si Jehova ay sukdulan sa kapangyarihan, di-malirip ang karunungan, sakdal sa katarungan, at ang personipikasyon ng pag-ibig. Bilang Maylalang, Tagapagbigay-Buhay, at Soberano ng Sansinukob, siya lamang ang karapat-dapat nating sambahin. (Awit 36:9; Apoc. 4:11; 15:3, 4) Sa taóng ito ay patitibayin ng “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ang ating pasiya na purihin siya bilang ang tanging tunay na Diyos.—Awit 86:8-10.
2, 3. Paano tayo makikinabang nang lubusan kung may mabuting pagpaplano?
2 Kailangan ang Mabuting Pagpaplano: Upang makinabang tayo nang lubusan sa espirituwal na piging na inilaan ni Jehova, mahalaga ang mabuting pagpaplano. (Efe. 5:15, 16) Natapos na ba ninyo ang inyong mga kaayusan para sa tuluyan, transportasyon, at bakasyon sa trabaho o paaralan? Huwag ipagpabukas ang mahahalagang bagay na ito hanggang sa magipit na sa panahon. Kung ipagpapaliban mo ang pagpapaalam para magbakasyon sa trabaho, baka hindi mo madaluhan ang isang bahagi ng nakagagalak na okasyong ito. Tayong lahat ay kailangang dumalo sa bawat sesyon.
3 Gawin ninyong tunguhin na dumating nang maaga sa lugar ng kombensiyon araw-araw. Magpapangyari iyan sa inyo na makaupo bago ang pambukas na awit at makatutulong ito sa inyo upang maging handa ang inyong isipan na tanggapin ang ihaharap na tagubilin. Ang programa ay magsisimula sa ganap na alas 8:30 n.u. sa Biyernes at Sabado, at alas 9:00 n.u. naman sa Linggo. Pakisuyong huwag magreserba ng upuan maliban kung para sa inyong kapamilya o kasama sa sasakyan.
4. Bakit hinihiling na magdala tayong lahat ng pananghalian sa kombensiyon?
4 Hinihiling na magdala ng pananghalian ang lahat sa halip na lumabas sa lugar ng kombensiyon para bumili ng pagkain sa panahon ng pamamahinga sa tanghali. Ang inyong pakikipagtulungan sa kaayusang ito ay makatutulong sa pagkakaroon ng mapayapang kapaligiran at magbibigay ito ng mas maraming panahon para makipagsamahan sa mga kapananampalataya. (Awit 133:1-3) Pakisuyong tandaan na hindi pinahihintulutan sa mga pasilidad ng kombensiyon ang babasaging mga lalagyan at inuming de-alkohol.
5. Paano natin maihahanda ang ating puso para sa kombensiyon?
5 Makinig at Matuto: May-kataimtimang inihanda ni Ezra ang kaniyang puso upang tanggapin ang salita ng Diyos. (Ezra 7:10) Ikiniling niya ang kaniyang puso sa mga turo ni Jehova. (Kaw. 2:2) Maaari nating simulang ihanda ang ating mga puso para sa kombensiyon kahit bago pa man tayo umalis ng bahay sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa tema ng kombensiyon at pakikipag-usap sa ating pamilya hinggil dito.
6. Ano ang makatutulong sa atin upang mapanatiling nakatuon ang ating pansin sa programa? (Tingnan ang kahon.)
6 Sa isang malaking awditoryum, maaaring marami tayong makita at marinig na makatatawag ng ating pansin. Madaling maaagaw ng gayong mga panggambala ang ating atensiyon sa tagapagpahayag. Kapag nangyari iyan, hindi natin maririnig ang mahalagang impormasyon. Makatutulong sa atin ang mga mungkahi na masusumpungan sa kalakip na kahon upang mapasulong ang ating pagtutuon ng pansin.
7, 8. Paano tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa iba?
7 Magpakita ng Konsiderasyon sa Iba: Maaaring gamitin ang mga kamera at mga camcorder sa panahon ng programa, subalit upang maiwasang makagambala sa iba, gawin iyon sa inyong upuan lamang. Dapat i-adjust ang mga cell phone at mga pager upang hindi ito makagambala sa iba. Walang personal na kagamitan ang dapat ikonekta sa sistema ng elektrisidad o sa sound system ng kombensiyon.
8 Tunay ngang inaasam-asam natin ang sama-samang pagtitipon upang purihin si Jehova! Nawa’y maging determinado tayo na purihin siya sa pamamagitan ng pagdalo sa bawat sesyon, matamang pakikinig, at pagkakapit ng ating natutuhan.—Deut. 31:12.
[Kahon sa pahina 3]
Pakikinig sa mga Kombensiyon
▪ Munimunihin ang mga pamagat ng pahayag
▪ Tingnan ang mga kasulatan
▪ Kumuha ng maiikling nota
▪ Isulat ang pangunahing mga punto na maikakapit
▪ Repasuhin ang iyong natutuhan