“Itanyag Nating Sama-sama ang Kaniyang Pangalan”
1. Anong pagkakataon ang mabubuksan sa atin upang itanyag nang sama-sama ang pangalan ng Diyos, at ano ang magagawa natin ngayon bilang paghahanda?
1 “O dakilain ninyong kasama ko si Jehova, at itanyag nating sama-sama ang kaniyang pangalan,” ang awit ng salmista. (Awit 34:3) Ang ating nalalapit na “Lumakad na Kasama ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ay magbibigay sa atin ng pagkakataong itanyag ang pangalan ni Jehova kasama ng ating mga kapatid mula sa maraming kongregasyon. Gumawa na ba kayo ng mga kaayusan para sa tuluyan, transportasyon, at pagbabakasyon sa sekular na trabaho? Isang katalinuhan na asikasuhin natin nang patiuna ang mga ito.—Kaw. 21:5.
2. Bakit kapaki-pakinabang na planuhing dumating nang maaga sa lugar ng kombensiyon?
2 Pagdating sa Lugar ng Kombensiyon: Ang paglalakbay nang maaga ay magbibigay sa atin ng sapat na panahon upang kung sakaling may mga di-inaasahang mga pagkaantala, makauupo pa rin tayo nang nasa oras upang makibahagi nang buong puso sa pambukas na awit at panalangin. (Awit 69:30) Ilang minuto bago magsimula ang sesyon, aakyat na sa plataporma ang tsirman at mauupo samantalang pinatutugtog ang pambungad na musikang pang-Kaharian. Tayong lahat ay dapat nang maupo sa panahong iyon upang makapagpasimula ang programa sa marangal na paraan.—1 Cor. 14:33, 40.
3. Paano tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa iba kapag naghahanap ng mauupuan?
3 Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na ‘ang lahat ng mga gawain ay maganap nawa na may pag-ibig.’ (1 Cor. 16:14) Pagdating natin sa lugar ng kombensiyon, ang konsiderasyon sa iba ang pipigil sa atin sa pagtakbo, pagmamadali, pagtutulakan, o paggitgit sa pagsisikap na makuha ang mga upuang gusto natin bago ito makuha ng iba. Maaari lamang ireserba ang mga upuan para sa mga naglalakbay na kasama ninyo sa sasakyan o sa inyong mga kasambahay.—1 Cor. 13:5; Fil. 2:4.
4. Anu-ano ang mga kaayusan para sa intermisyon, at paano ito kapaki-pakinabang?
4 Sa halip na lisanin ang lugar ng kombensiyon kung intermisyon upang kumuha ng pagkain, pakisuyong magbaon ng sariling pananghalian. Sa paggawa nito, matatamasa ng lahat ang nakapagpapatibay na pagsasamahan at magiging presente sa pagsisimula mismo ng sesyon sa hapon. Kung kinakailangan, maaaring gumamit ng isang maliit na cooler na mailalagay sa ilalim ng upuan. Ang malalaking pampamilyang mga cooler na ginagamit sa pamamasyal, mga babasaging sisidlan, at mga inuming de-alkohol ay hindi pinapayagan sa pasilidad ng kombensiyon.
5. Paano tayo ‘gumagawa ng mabuti’ sa mga may-edad na o may kapansanan?
5 Sa ating mga kombensiyon, may isinaayos na mga upuan para lamang sa mga may-edad na o sa mga may kapansanan. Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga kongregasyon sa Galacia na ‘gumawa ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa kanila sa pananampalataya.’ (Gal. 6:10) Ang mga kapatid na may-edad na o may kapansanan, nagsosolong mga magulang, o yaong mga nasa buong-panahong paglilingkod ay baka hindi humihingi ng tulong sa iyo, subalit maaaring may mga suliranin sila na kailangang mapagtagumpayan upang makadalo sa kombensiyon. Nasa kalagayan ka ba na ‘gumawa ng mabuti’ sa kanila at mag-alok ng anumang tulong?
6. Paano natin maihahanda ang ating puso para sa tagubilin na matatanggap natin?
6 Naghihintay sa Atin ang Isang Espirituwal na Piging: Si Haring Jehosapat ay isa na ‘naghanda ng kaniyang puso upang hanapin ang tunay na Diyos.’ (2 Cro. 19:3) Paano natin maihahanda ang ating puso bago ang kombensiyon? Ang mga artikulo sa likurang pahina ng Oktubre 22 at Nobyembre 8 na mga isyu ng Gumising! ay naglalaan ng isang patikim sa ihahaing espirituwal na piging. Bakit hindi gumugol ng panahon upang bulay-bulayin ang mga artikulong iyon, anupat pinupukaw ang pananabik sa mga ilalaan sa atin ni Jehova? Kasali sa paghahanda sa ating puso ang paghiling kay Jehova na tulungan tayong makuha ang diwa ng tagubiling matatanggap natin at maikapit ito.—Awit 25:4, 5.
7. Ano ang nais natin, at bakit?
7 Tayong lahat ay nagnanais na higit pang matuto mula sa Salita ng Diyos, yamang natatanto natin na sa pamamagitan nito ay lálakí tayo tungo sa kaligtasan. (1 Ped. 2:2) Kaya, dumalo tayo sa ating “Lumakad na Kasama ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon at ‘itanyag nating sama-sama ang pangalan ni Jehova.’—Awit 34:3.
[Kahon sa pahina 3]
Mga Paraan Upang Itanyag ang Pangalan ng Diyos
◼ Patiunang magplano
◼ Magpakita ng pag-ibig sa iba
◼ Ihanda ang inyong puso