Tulungan Silang Makatanggap ng Higit Pang Patotoo
1 Habang ibinabahagi natin ang mabuting balita, madalas tayong makatagpo ng mga taong nakatira sa lugar na hindi saklaw ng ating teritoryo o nagsasalita ng ibang wika, kasali na ang wikang pasenyas. Ang iba naman na napagdausan natin ng mainam na talakayan sa Bibliya ay maaaring lumipat na sa lugar na hindi sakop ng ating teritoryo. Paano natin maisasaayos na makatanggap ng higit pang patotoo ang gayong mga tao? Sa pamamagitan ng paggamit ng Please Follow Up (S-43) form.
2 Kadalasan nang mas matamang nakikinig ang mga tao sa mabuting balita kapag inihaharap ito sa kanilang katutubong wika. (Gawa 22:1, 2) Kaya karaniwan na, kapag iba ang wika ng taong ating nakausap, dapat nating punan ang form kahit na ang tao ay hindi nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian. Gayunman, kung malaki-laki naman ang populasyon ng mga nagsasalita ng wikang banyaga sa isang lugar at regular silang napangangaralan sa kanilang sariling wika, baka hindi na kailangang punan ang form maliban na lamang kung may nagpakita ng interes.
3 Kung Paano Pupunan ang Form: Sikaping makuha sa mataktikang paraan ang pangalan, adres, at numero ng telepono ng iyong kausap. Isulat kung gaano siya kainteresado, kung kailan siya maaaring kausapin, ang literaturang naipasakamay o hiniling niya, at ang wika na higit niyang nauunawaan. Pagkatapos punan ang form, ibigay ito kaagad sa kalihim ng kongregasyon, na siya namang magpapadala nito sa angkop na kongregasyon o grupo.
4 Kung Paano Ipadadala ang Form: Kung hindi alam ng kalihim kung aling kongregasyon o grupo ang dapat tumanggap ng form o kung wala siyang adres ng padadalhan nito, maaari niya itong ipadala sa tanggapang pansangay upang maibigay ito sa angkop na kongregasyon o grupo.
5 Kapag ang isang kongregasyon o grupo ay nakatanggap ng napunan nang Please Follow Up form, dapat gumawa ng mga kaayusan upang madalaw kaagad ang indibiduwal. Habang masikap nating ginagawa ang ating bahagi, makapagtitiwala tayo na bubuksan ni Jehova ang puso ng mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.