Bahagi 9—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Inihahanda ang Estudyante na Magpatotoo Nang Di-pormal
1 Nang matanto nina Andres at Felipe na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, hindi nila mapigilang sabihin sa iba ang kapana-panabik na balita. (Juan 1:40-45) Katulad din sa ngayon, habang nagsisimulang manampalataya sa kanilang natututuhan ang mga estudyante sa Bibliya, nauudyukan silang sabihin sa iba ang hinggil dito. (2 Cor. 4:13) Paano natin sila pasisiglahin na magpatotoo nang di-pormal at paano natin sila ihahanda upang gawin ito nang mabisa?
2 Maaaring itanong mo lamang sa estudyante kung naipakipag-usap na niya sa iba ang kaniyang natututuhan sa Bibliya. Marahil ay may mga kaibigan o kapamilya siya na maaari niyang anyayahang sumali sa pag-aaral. Tanungin siya kung may sinuman sa kaniyang mga katrabaho, kamag-aral, o iba pang kakilala na nagpapahayag ng interes sa mabuting balita. Sa ganitong paraan, makapagpapasimula siyang magpatotoo. Tulungan siyang maunawaan ang pangangailangang gumamit ng kaunawaan at maging magalang at mabait kapag nakikipag-usap sa iba tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin.—Col. 4:6; 2 Tim. 2:24, 25.
3 Ibinabahagi ang Kanilang mga Paniniwala: Napakahalagang sanayin ang mga estudyante sa Bibliya na gamitin ang Salita ng Diyos kapag ibinabahagi ang kanilang mga paniniwala. Sa espesipikong mga pagkakataon sa panahon ng pag-aaral, tanungin ang estudyante: “Paano mo gagamitin ang Bibliya upang ipaliwanag ang katotohanang ito sa iyong pamilya?” o “Anong teksto sa Bibliya ang gagamitin mo upang patunayan ito sa isang kaibigan?” Pansinin kung paano siya tumutugon, at ipakita sa kaniya kung paano ibabatay sa Kasulatan ang kaniyang turo. (2 Tim. 2:15) Sa paggawa nito, inihahanda mo ang iyong estudyante sa di-pormal na pagpapatotoo at, kapag kuwalipikado na siya, sa organisadong gawaing pangangaral kasama ng kongregasyon.
4 Isang katalinuhan na ihanda ang mga estudyante sa Bibliya na harapin ang pagsalansang. (Mat. 10:36; Luc. 8:13; 2 Tim. 3:12) Kapag nagtanong o nagkomento ang iba hinggil sa mga Saksi ni Jehova, maaari itong magbukas ng daan upang makapagpatotoo ang mga estudyante. Matutulungan sila ng brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? na maging “handang gumawa ng pagtatanggol.” (1 Ped. 3:15) Naglalaman ito ng tumpak na impormasyon na magagamit ng mga baguhan upang tulungang maunawaan ng sumasalansang na mga kaibigan at kapamilyang may mabuti namang intensiyon ang ating mga paniniwala at gawaing salig sa Bibliya.