Linangin ang Interes sa Pamamagitan ng Ruta ng Magasin
1. Paano natin magagamit ang ruta ng magasin upang linangin ang interes?
1 Maraming tao na nakakausap natin sa ministeryo ang nagpapaunlak sa ating mga pagdalaw at malugod na tumatanggap ng ating mga literatura subalit nag-aatubili namang tanggapin ang alok na pagdausan sila ng regular na pag-aaral ng Bibliya. Ang isang paraan upang malinang ang kanilang interes ay sa pamamagitan ng ruta ng magasin. Kapag nagpapasakamay ka ng magasin, irekord ang pangalan at adres ng may-bahay, ang petsa ng pagdalaw, ang mga isyung tinanggap, at ang tekstong tinalakay, pati na ang anumang bagay na napansin mong maaaring kinawiwilihan ng taong iyon. Pagdating ng bawat bagong isyu ng magasin, humanap ng mga puntong makaaakit sa mga tao na kabilang sa iyong ruta ng magasin, at itampok ang mga ito kapag dumadalaw ka. (1 Cor. 9:19-23) Sa kalaunan, maaaring may mabasa sila sa ating mga magasin na pupukaw sa kanilang interes at mag-uudyok sa kanila na naising matuto nang higit pa.
2. Bakit apurahan na hanapin ng mga tao si Jehova sa ngayon, at ano pa ang maaari nating gawin upang tulungan sila?
2 Gayunman, batid natin na ang karamihan sa mga tao ay hindi magiging lingkod ni Jehova sa pamamagitan lamang ng kanilang pagbabasa ng mga magasin. Palibhasa’y apurahan na hanapin ng mga tao si Jehova sa ngayon, ano pa ang maaari nating gawin upang tulungan sila? (Zef. 2:2, 3; Apoc. 14:6, 7) Malilinang natin ang kanilang interes sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang teksto na piniling mabuti tuwing magdadala tayo ng mga magasin.
3. (a) Paano tayo maghahanda ng mga presentasyong gumagamit ng isang teksto? (b) Anu-anong paksa ang lubhang ikinababahala ng mga tao sa inyong teritoryo?
3 Mga Presentasyong Gumagamit ng Isang Teksto: Isipin ang mga kabilang sa iyong ruta ng magasin, at maghanda ng iba’t ibang presentasyong gumagamit ng isang teksto ayon sa espesipikong pangangailangan ng bawat isa. (Fil. 2:4) Halimbawa, kung kamamatay lamang ng isang mahal sa buhay ng may-bahay, maaari mong talakayin sa ilang pagdalaw-muli ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kalagayan ng mga patay at sa pag-asa na pagkabuhay-muli. Ang materyal sa aklat na Nangangatuwiran sa ilalim ng pangunahing mga paksa na “Kamatayan” at “Pagkabuhay-Muli” ay maaaring gamitin bilang paghahanda sa mga presentasyong gumagamit ng isang teksto. Karaniwan nang susunod dito ang karagdagang mga presentasyon hinggil sa kaugnay na mga paksa, gaya ng kung paano lubusang aalisin ang sakit, pagtanda, at kamatayan. Ang tunguhin ay humanap ng paksang magugustuhan ng isang tao at unti-unting ipakita sa kaniya ang sinasabi ng Bibliya hinggil dito.
4. Bakit mahalagang tulungan natin ang iba na maunawaan ang tekstong ginagamit natin, at paano natin ito magagawa?
4 Tulungan Silang Maunawaan Ito: Bagaman karaniwan nang nakabubuti na panatilihing simple at maikli ang gayong mga presentasyon, higit pa ang kailangan kaysa sa pagbabasa lamang ng piniling teksto. Binulag ni Satanas ang pag-iisip ng mga tao hinggil sa mabuting balita. (2 Cor. 4:3, 4) Maging yaong mga pamilyar sa Bibliya ay nangangailangan ng tulong upang maunawaan ito. (Gawa 8:30, 31) Kaya gumugol ng panahon upang ipaliwanag at ilarawan ang teksto, gaya ng gagawin mo kung may pahayag ka sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. (Gawa 17:3) Tiyaking nauunawaan ng may-bahay ang praktikal na kahalagahan ng Salita ng Diyos sa kaniyang buhay.
5. Paano maaaring maging isang pag-aaral sa Bibliya ang pagdalaw-muli sa ruta ng magasin?
5 Kung nasisiyahan ang may-bahay sa kaniyang natututuhan, unti-unting palawigin ang presentasyon upang mailakip mo ang dalawa o tatlong teksto sa Bibliya sa bawat pagdalaw. Humanap ng pagkakataon upang maiharap ang brosyur na Hinihiling o ang aklat na Kaalaman. Sa ganitong paraan, ang pagdalaw-muli sa ruta ng magasin ay maaaring maging isang pag-aaral sa Bibliya sa dakong huli.