Isang Paaralan na Tumutulong sa Atin na Gumawa ng Praktikal na Pagkakapit
1 Sa pagsasaalang-alang natin ng materyal na nakatala sa Iskedyul ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa 2006, sisikapin nating makinabang mula sa maka-Kasulatang mga turo sa pamamagitan ng pagkakapit nito sa ating sagradong paglilingkod at araw-araw na pamumuhay. Titiyakin natin na isasagawa natin ang ating matututuhan.—Juan 13:17; Fil. 4:9.
2 Pagkokomento: Ang iskedyul para sa darating na taon ay naglaan ng isang karagdagang minuto para sa pakikibahagi ng mga tagapakinig sa mga tampok na bahagi sa Bibliya. Nangangahulugan ito na dapat tiyakin ng kapatid na naatasang magharap ng mga tampok na bahagi na matapos ang kaniyang pahayag sa loob ng limang minuto sa halip na anim. Ang mga nagkokomento mula sa kanilang upuan ay dapat ding maging palaisip sa haba ng kanilang komento. Kung patiuna itong pag-iisipang mabuti, maaaring ipahayag ng isang nagkokomento ang kapaki-pakinabang na impormasyon nang di-lalampas sa 30 segundo. Humigit-kumulang sa sampung indibiduwal ang makapagbibigay ng makabuluhang mga komento sa inilaang limang minuto para sa pakikibahagi ng mga tagapakinig.
3 Mga Pahayag na Nakapagtuturo: Ang mga tampok na bahagi sa Bibliya at ang pahayag na nakapagtuturo ay dapat magtuon ng pansin sa kahalagahan ng materyal at kung paano ito kumakapit sa ating ministeryo at sa iba pang aspekto ng ating pang-araw-araw na pamumuhay. Hindi sapat na basta himukin ng tagapagsalita ang kaniyang mga tagapakinig na kumilos. Dapat na espesipiko rin niyang sabihin kung anong pagkilos ang kailangang gawin, ipakita kung paano ito magagawa, at ituon ang pansin sa mga kapakinabangan ng gayong pagkilos. Maaari niyang sabihin, “Maikakapit natin ang tekstong ito sa ganitong paraan,” o “Magagamit natin ang mga talatang ito sa ministeryo sa ganitong paraan.” Ang matatanda at mga ministeryal na lingkod na nakaaalam sa mga kalagayan ng kongregasyon ay dapat magsikap na ikapit ang materyal sa praktikal na paraan at maging espesipiko hangga’t maaari.
4 Lalong mabisa sa paggawa ng praktikal na pagkakapit ang pagbanggit ng mga halimbawa sa Bibliya. Pagkatapos banggitin ang isang maka-Kasulatang halimbawa, maaaring sabihin ng tagapagsalita, “Maaaring mapaharap ka sa ganito ring kalagayan.” Dapat niyang tiyakin na anumang gagawin niyang pagkakapit sa halimbawa sa Bibliya ay kasuwato ng konteksto, ng Bibliya sa kabuuan, at ng mga inilalathala ng “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45.
5 Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin nang matagumpay ang kaalaman at kaunawaan. “Karunungan ang pangunahing bagay.” (Kaw. 4:7) Habang kumukuha tayo ng praktikal na karunungan sa pamamagitan ng ating mga pag-aaral sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, nawa’y mapasulong din natin ang sining ng pagtuturo nito sa iba.