Magbukas ng mga Pagkakataon Upang Makapagpatotoo
1 Ang Kristiyanong kongregasyon ay binubuo ng mga taong may iba’t ibang kalagayan sa buhay. Gayunman, nagkakaisa tayo sa ating determinasyong purihin si Jehova. (Awit 79:13) Kung nalilimitahan ng mahinang kalusugan at iba pang mahihirap na kalagayan ang ating pakikibahagi sa paghahayag ng mabuting balita, paano tayo makapagbubukas ng mga pagkakataong mangaral?
2 Sa Araw-araw na mga Gawain: Sinamantala ni Jesus ang araw-araw na pakikisalamuha niya sa mga tao upang makapagpatotoo. Nakipag-usap siya kay Mateo samantalang nagdaraan sa tanggapan ng buwis, kay Zaqueo samantalang naglalakbay, at sa isang babaing Samaritana samantalang nagpapahinga. (Mat. 9:9; Luc. 19:1-5; Juan 4:6-10) Sa ating araw-araw na mga gawain, makapagpapatotoo tayo sa sinumang kausap natin. Kung may dala tayong Bibliya at mga tract o brosyur, mapasisigla tayong magpatotoo hinggil sa ating pag-asa.—1 Ped. 3:15.
3 Hirap ka bang maglakad anupat nalilimitahan ang pakikibahagi mo sa pagbabahay-bahay? Maging alisto sa mga pagkakataong makapagpatotoo sa dumadalaw na mga tauhan sa panggagamot at sa iba pa na nakakasalamuha mo. (Gawa 28:30, 31) Kung madalas na nasa bahay ka lamang dahil sa iyong mga kalagayan, nasubukan mo na bang magpatotoo sa pamamagitan ng telepono o ng liham? Isang sister ang regular na lumiliham sa kaniyang di-Saksing mga kamag-anak. Inilalakip niya sa liham ang nakapagpapatibay-loob na mga teksto mula sa Bibliya at ang mga karanasan niya sa pagpapatotoo.
4 Sa Trabaho o sa Paaralan: Ang pagnanais na purihin si Jehova ay gaganyak din sa atin na magbukas ng mga pagkakataong magtanim ng mga binhi ng katotohanan sa trabaho o sa paaralan. Inilahad ng isang walong-taóng-gulang na mamamahayag sa kanilang klase ang nabasa niya sa Gumising! tungkol sa buwan. Nang malaman ng kaniyang guro kung saan niya nakuha ang impormasyon, regular na itong tumanggap ng Ang Bantayan at Gumising! Sa pinagtatrabahuhan natin, kung maglalagay tayo ng isang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya sa lugar na madali itong makikita ng iba, baka mag-usisa sila at magkaroon tayo ng pagkakataong makapagpatotoo.
5 May naiisip ka pa bang mga paraan upang makapagbukas ng pagkakataong mangaral samantalang ginaganap mo ang iyong mga gawain sa araw-araw? Samantalahin nawa natin ang ating mga kalagayan anupat sinisikap na “maghandog sa Diyos ng hain ng papuri” araw-araw.—Heb. 13:15.