Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Paglikha ng mga Pagkakataon Para sa Impormal na Pagpapatotoo
1 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na pasikatin ang kanilang liwanag. (Mat. 5:14-16) Hinggil dito, si Jesus ay isang huwaran, nang samantalahin niya ang pagkakataon na makipag-usap sa isang babaeng Samaritana sa balon ng Sicar. (Juan 4:5-30) Papaano naman tayo? Atin bang ginagamit ang gayong mga pagkakataon upang magpatotoo?
2 May mga pagkakataon halos araw-araw na tayo’y makapagbibigay ng patotoo. Sa papaanong paraan? Sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo. Kung tayo’y gising sa ganitong mga pagkakataon at magsisikap, marami pang tao ang maaaring maabot ng katotohanan.
KANINO TAYO MAKAPANGANGARAL?
3 Bukod pa sa pormal na pagpapatotoo, maaari tayong makapangaral sa ating mga kamanggagawa, kamag-aral, kasama sa negosyo, mga kamag-anak at iba pang mga kakilala nang impormal. Kapag naglalakbay sa bus, tren o eroplano, maaari nating buksan ang usapan sa kapuwa biyahero. Samantalang nagbabakasyon maaari nating ibahagi ang mabuting balita sa mga nagtatrabaho sa otel, sa mga nagsisilbi sa estasyon ng gasolina at mga manggagawa sa restauran. Maaari tayong makipag-usap sa iba habang naghihintay sa opisina ng doktor. Samantalang nasa bahay maaari tayong magpatotoo sa mga kapitbahay, ahente, o mga nagrarasyon. Kahit na tayo’y nasa ospital, maaari tayong magpatotoo sa mga doktor, narses, at iba pang pasiyente.
PAPAANO MAGPAPASIMULA
4 Kung nababatid natin na malamang na tayo’y kailangang maghintay, maaari tayong magdala ng pinakabagong labas ng magasin bilang saligan ng pag-uusap. O maaari tayong gumamit ng tract o brochure upang pasimulan ang usapan. Gumamit ng pumupukaw-interes na mga salita hinggil sa kasalukuyang pangyayari at pagkatapos ay alamin ang reaksiyon ng tao. Nasumpungan ng iba na ang paggamit ng mga katanungan para mag-isip hinggil sa kasalukuyang pangyayari ay maaaring umakay tungkol sa mainam na patotoo. Sa lahat ng pagkakataon, kailangang pasimulan ang usapan upang magkaroon ng resulta.
PAGPAPATOTOO SA PINAGTATRABAHUHAN
5 Yaong may sekular na trabaho ay maaaring lumikha ng mga pagkakataong makapagpatotoo sa mga kamanggagawa. Dalawang kapatid na babae sa Georgia ang gumawa ng listahan ng mga kamanggagawa na inaakala nilang interesado. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga ito, sila’y nakapaglagay ng mahigit pa sa 65 aklat na Apocalipsis at nakalikha ng malaking interes.
6 Isa pang kapatid na lalake ang nagpasiyang magbigay ng patotoo sa unang tao na mauupong katabi niya sa 15-minutong panahon ng meryenda. Ang lalaking nakausap niya ay nagsabi na nalalaman niya ang katotohanan subali’t hindi niya nais na ipagpatuloy ang tungkol dito. Gayumpaman, ang kapatid ay nag-iwan ng literatura sa lugar na madaling makuha ng lalake. Sa loob ng anim na buwan ang lalaking iyon at ang kaniyang pamilya ay nabautismuhang lahat.
7 Kung tayo’y alisto at nagnanais na ibahagi ang ating pag-asa, gaya ni Jesus, hindi natin kakaligtaan ang pagkakataong makapagbigay ng patotoo bilang ‘liwanag ng sanlibutan.’—Juan 8:12; Fil. 2:15, 16.