Pantanging Isyu ng Gumising! na Itatampok sa Setyembre
1 Halos lahat ay nasisiyahan sa huni ng mga ibon at sa tanawin ng paglubog ng araw. Pero marami ang hindi naniniwala na nilalang ang mga ito ng isang maibiging Ama sa langit. Magkakaroon tayo ng pambihirang pagkakataon na magpatotoo tungkol sa pagiging Maylalang ni Jehova sa pamamagitan ng pamamahagi ng pantanging isyu ng Gumising! (Isa. 40:28; 43:10) Ang buong isyu ng Setyembre ay tungkol sa paksang “Mayroon Bang Maylalang?”
2 Sa Teritoryo: Kung posible, isaayos mong makasama ka ng kongregasyon sa pagbabahay-bahay tuwing Sabado. Mangyari pa, maaari mo pa ring ialok ang pantanging isyu sa ibang panahon sa buong sanlinggong iyon. Partikular nang magkakainteres sa isyung ito ang mga guro at iba pang nasa larangan ng edukasyon. Kung gayon, maaaring gumawa ng pantanging kaayusan na madalaw sila sa inyong teritoryo.
3 Kapag may nagpakita ng interes, mag-iwan ng isang tanong na sasagutin mo sa susunod na pagdalaw. Halimbawa, puwede mong itanong kung bakit pinahihintulutan ng isang maibiging Maylalang ang sobrang pagdurusa. Pagkatapos, sa pagdalaw-muli, puwede mong itampok ang kabanata 1 o kabanata 11 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. O puwede mo rin namang itanong ang layunin ng Maylalang para sa lupa at saka talakayin ang kabanata 3 pagbalik mo.
4 Sa Paaralan: Kung nasa paaralan ka, bakit hindi mo regaluhan ng pantanging isyung ito ng Gumising! ang iyong mga guro at kapuwa mga estudyante? Kung maglalagay ka ng isang kopya sa iyong mesa, baka may magtanong tungkol sa iyong mga paniniwala. Malamang na magkaroon ka ng pagkakataong gamitin ang impormasyon mula rito kapag ipinagtatanggol mo ang iyong pananampalataya sa talakayan sa klase at kapag naghahanda ka ng mga report. Para matulungan ka, ang isyung ito ay may artikulo sa seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” na pinamagatang “Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Paglalang?”
5 Karapat-dapat si Jehova sa karangalan at kaluwalhatian dahil sa kaniyang mga nilalang. (Apoc. 4:11) Mapararangalan natin ang ating Maylalang at matutulungan ang iba na gawin ito sa pamamagitan ng masigasig na pag-aalok sa isyu ng Gumising! para sa Setyembre.