Espesyal na Isyu ng Gumising! na Iaalok sa Nobyembre!
1 Maraming tao ang taimtim na nagtatanong tungkol sa kahalagahan ng Bibliya. Kung mga tao ang sumulat nito, paano ito masasabing Salita ng Diyos? Bakit ako makapagtitiwala na kayang gabayan ng Bibliya ang aking mga hakbang? Anong mga pakinabang naman ang matatamo ko kung magbabasa ako at mag-aaral ng Bibliya? Aling salin ng Bibliya ang dapat kong gamitin? Ito ang ilan sa mga tanong na sasagutin sa espesyal na isyu ng Gumising! sa Nobyembre na pinamagatang “Makapagtitiwala Ka ba sa Bibliya?”
2 Gugustuhin nating malawakang maipamahagi sa ating teritoryo ang espesyal na isyung ito ng Gumising! Kung maaari, makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay kasama ng kongregasyon tuwing Sabado sa buwan ng Nobyembre. Ipakita ang isyung ito ng Gumising! sa inyong mga kamag-anak, kapitbahay, katrabaho, guro, kaeskuwela, at mga dinadalaw-muli. Magdala ng mga kopya nito kapag kayo ay namimili at nagbibiyahe. Hinihimok ang mga elder na mag-order ng ekstrang mga kopya upang magkaroon ng sapat na suplay ang kongregasyon.
3 Magsimula ng Pag-aaral sa Bibliya: Kung nakapagpasakamay ka ng magasin, maaari kang maglatag ng pundasyon para sa isang pag-aaral sa Bibliya bago ka umalis. Halimbawa, maaari mong sabihin, “Sa susunod, gusto kong ipakita sa inyo ang sagot ng Bibliya sa tanong na ito, ‘Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?’” Saka bumalik na dala ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at ipakita sa may-bahay ang pahina 4-5, o talakayin ang parapo 1-3 ng kabanata 3. Maaari mo ring sabihin, “Sa susunod, gusto kong talakayin ang isang hula sa Bibliya na natutupad ngayon.” Pagbalik mo, ipakita sa may-bahay ang kabanata 9 ng aklat at talakayin sa kaniya ang parapo 1-3. O maaari mong sabihin sa may-bahay: “Marami ang nahihirapang unawain ang nababasa nila sa Bibliya. Sa susunod, gusto kong ipakita sa inyo kung paano ninyo higit na mauunawaan ang inyong Bibliya.” Sa pagbabalik mo, ipakita ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, at itanghal ang isang pag-aaral.
4 Ang Bibliya lamang ang naglalaman ng “banal na mga kasulatan,” na ‘makapagpaparunong sa atin ukol sa kaligtasan.’ (2 Tim. 3:15) Kung gayon, nanaisin nating lahat na maging masigasig sa pamamahagi ng espesyal na isyung ito ng Gumising! upang tulungan ang mga tao na magtiwala sa Bibliya!